Ang Nakaraan Ni Ernis

31 7 0
                                    

Ipinitik ni Rexel ang daliri at may lumabas na isang babae. Katulad din ng kay Ernis ang suot nito. Mahaba ang kaniyang buhok na nakatirintas at mayroon siyang marka ng alas sa kaniyang leeg.

"Bibigyan muna kita ng kalaro Ernis, kami naman ang maglalaro ng babaeng ito."

Nagulat na lamang ako nang nasa likuran ko na si Rexel at agad niya akong tinangay mula sa kinatatayuan ko. Binuhat niya ako palayo kay Ernis na noo'y nakahanda nang lumaban sa kaharap na babae.

"Ikaw muna ang bahala dyan Kisana." Paalam ni Rexel.

"Bitiwan mo ako! Ano ba? Hindi mo ba ako naririnig?" Ibinaba ako ng dyablo at tsaka ako sinampal sa pisngi. 

Namanhid ito sa sobrang lakas ng pagkakasampal niya sa akin.

"Nakakairita ka. Hindi ko alam kung bakit ka nagustuhan ng kapatid ko. Ano ba naman yung maghintay siya ng isandaang taon ulit? Handa pa siyang maging mortal para sa'yo." Inis na sabi niya.

"A... Alam mo 'yun?" Hindi ko alam ang sunod kong sasabihin.

"Syempre naman alam ko. Kaya nga ako nandito e. Para patayin ka."

"Akala ko ba..." Akala ko ay biro lang niya iyon.

"Unang unang batas para sa mga mortal... 'Wag magtiwala sa salita ng dyablo."

Nangamba ako noon para sa kaligtasan ko. Natatakot ako. Kahit napakadami ko nang pinagdaanan ay takot pa din ako sa kamatayan.

Sa di kalayuan ay nakikita ko sila Ernis. Panay ang atake sa kaniya ng babae at halata ko sa kaniya na nahihirapan siya. Malakas ang bantay na iyon kaysa sa kaniya.

"Maglaro tayo." Ipinitik ni Rexel ang kaniyang daliri at nagbago ang buong lugar. Nakakatakot ang paligid. Madilim at puro patay na puno, mga libingan at wasak na gusali ang naroon.

"Anong lugar 'to?" Tanong ko sa kaniya. Nakalutang siya sa ere habang tinitingala ko.

"Hmm... Dracus. Isa sa mga dimensyong pag-aari ko. Dito muna tayo. Una, panuodin natin ang laban ni Ernis at pangalawa, ikaw naman ang maglalaro. Syempre dapat may pampagana." Ipinitik niya ulit ang daliri niya at nag-umpisang umangat ang isang bato at doon ay lumabas ang imahe ni Ernis. Makikita dito ang mga detalye ng kanilang laban at maririnig din ang kanilang mga salitang binibitawan.

"Antabayanan mo lahat ng mangyayari ha." Nakangising sabi niya sa akin.

Nagsimula akong tumutok sa mga pangyayari.

"Si Kisana ang aking Hakuszia. Matapat siyang alagad. Si Ernis kaya?"

Hindi ko pinansin ang sinabi niya at sa halip ay nanoon nalang ako.

Naglabas ng espada si Kisana, inatake niya si Ernis ngunit naiwasan nito. Walang sandatang nilalabas si Ernis kaya naman nag-aalala ako sa kaniya.

"Decusefira Ivemef! Lumabas sa lupa ang isang kalawit at iyon ang ginamit ni Ernis na sandata. Patuloy lang sa pag-atake ang kaniyang kalaban at patuloy lang siya sa pag-iwas. Parang may pumipigil sa kaniyang lumaban.

"Bakit hindi ka magseryoso?" Tanong sa kaniya ng kalaban.

"Ano namang mapapala ko? Ayaw kong lumaban sa mandirigmang napipilitan lang sumunod sa utos sa kaniya." Nagulat ako noon at tiningnan ko si Rexel. Kita ko na nagkuyom ito ng kamao.

Ano ang ibig sabihin ni Ernis?

"Hindi totoo 'yan! Ikalawang anyo, Rezfirem Sadracef!" Nahati sa dalawa ang espada nito at inatake si Ernis. Mas lalo pa itong naging agresibo, siguro ay dahil sa sinabi sa kaniya.

Sinalag ito ni Ernis at agad itong nawala sa kaniyang harapan. Nagulat siya nang naroon na pala ito sa kaniyang likuran at hinataw siya ng malakas gamit ang hawakan ng kalawit. Ito ang naging dahilan upang mapaluhod ang babae sa lupa. Ininda nito ang ginawa ni Ernis.

"Tsk, masyado mo kasing iniisip si Rexel e. Palagi mong iniisip na dapat magawa mo ang utos niya. Hindi ka lumaban para sa karangalan mo bilang Hakuszia. Dahil diyan, nagiging mahina ka." Tinadyakan niya ito sa likod hanggang sa mapahiga ito. Tinapakan niya ang ulo nito.

"Ang panahon na nagmahal ako, 'yun din ang panahon na naging mahina ako." Dagdag pa niya.

Ang seryoso niya. Bagay na hindi ko pa nakita simula nang makilala ko siya.

"Hi... Hindi ako mahina, hindi lang ako makasarili katulad mo!"

Nagngalit ang kamao ni Ernis at lalo niyang tinapak-tapakan ang ulo ni Kisana.

"Wala kang alam tungkol sa akin!"

Unti-unting tumawa ang babae kahit na nahihirapan na ito sa kaniyang kalagayan.

"Talaga?, ano pala 'yung magpaibig ka ng isang mortal na dalaga at pabayaan siyang maging buhay na alay kay Rexel? Alam mo ba ang sumpa sa kaniyang maging immortal at maging malungkot na mag-isa habambuhay? Na hindi niya maalala na naging parte ka ng buhay niya at hindi mo siya ipinaglaban?"

"Tumigil ka na!!!" Parang mababaliw noon si Ernis at nagsimula nang bumalong ang mga luha niya.

Binalingan ko si Rexel at tinanong.

"Anong kinalaman mo kay Baylan Ade?"

Tumawa ito ng malakas at iniayos ang kaniyang buhok.

"Bawal umibig ang mga Hakuzsia, mapaparusahan sila. Pero makulit ang Ernis na ito. Nakipagmabutihan sa mortal. Hindi ko naman siya masisisi. Napakagandang Adeia. Matapos niyang paibigin, napagtanto na bawal pala talaga. Pinapili ng konseho kung ipagpapatuloy pa ba at patatalsikin na siya. Hindi siya pumayag at mas piniling maging immortal... Ang kapangyarihan. Hmm, mahusay na pagpili. Sa huli nalungkot ang binibini at nakipagkasundo sa akin. Madami akong dimensyon, gusto niyang itago ko sa isa ang puso niya at ang sumpa ay maging immortal siya at iaalay sa akin ang sarili niya. Matagal ko din siyang naging laruan."

Hindi ako makapaniwala na may madilim palang nakaraan si Baylan, Ernis at ang kapatid ni Vixem. Naaawa ako sa sinapit ni Baylan at ni Ernis. Ang sakit sa dibdib pakinggang ng kuwento ng nakaraan nila. Kami kaya ni Vixem, magiging malungkot na kwento din kaya?

A Bride For Vixem (Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon