Nagpahinga kami sa Dracus, ang dimensyon ni Rexel. Nakatulala lang ang mga kapatid ko pati na din si Baylan Ade. Si Rexel at Vixem naman ay nakaupo sa kanilang mga trono.
"Vixem, ano nga pala 'yung sinabi mo na hindi ikaw ang pumatay kay Hefi?" Tanong ni Rexel sa kapatid.
"Hindi naman kasi ako. Sinabi lang ng konseho na ako para pagtakpan ang kasalanan nila."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Napag-alaman ko na anak nga ni Hefi ang Meliana na 'yan. Anak niya sa isang tao. Isang Hakuszia. Pero, nalaman ng konseho na itinago ni Hefi ang anak niya para maging isang dyosa pagdating ng araw. Ayaw niya na gawin itong tagapagbantay. Kaya naman nang malaman ng konseho na ganoon ang ginawa niya ay pinatay nila ito. Pinatay nila dahil lumabag siya sa batas. Isa pa, marami ang nagnanais ng korona niya kaya naman kinuha ito ng konseho matapos niyang mamatay."
"Sinungaling! Hindi 'yan totoo! Ikaw ang pumatay sa kaniya!" Sigaw ni Meliana.
"Sinabi ng konseho sa ama namin na ako ang pumatay kay Hefi para ako ang pagbuntungan ng galit ni ama at hindi sila. Kahit na pinakamataas na dyos si Oniguer, hindi niya isinasawalang bahala ang payo ng mga pantas. Naniniwala siya na alam nila ang lahat ng nakabubuti. Pinarusahan ako ni ama dahil doon."
Natahimik si Meliana noon.
"Hindi...totoo 'yan."
"Kaya ka nga sumali sa hukbo ng mga Hakuszia para manakaw mo ang korona hindi ba? At, pumunta ka dito para makuha ang pagsamba ng mga tao at maging imortal ka para ipaghiganti si Hefi?"
Tikom ang mga bibig at tanging ang pagtangis ni Meliana at ang mga paliwanag ni Vixem ang naririnig.
"Kilala kita, ikaw ang pinakabatang naging heneral ng hukbo. Si Ernis at Kisana... Kilala mo sila ngunit wala kang awa sa pagpaslang sa kanila."
"Binigyan ko pa nga sila ng pabor para lang maipagtanggol ang dangal nila. Hinyaan ko silang makipaglaban sa akin dahil masakit sa kanilang mamatay ng hindi lumalaban." Tugon nito.
"Ganoon ba. Kalokohan."
Hindi ako makapaniwala na matagal na nagdusa si Vixem dahil sa kasalanang hindi naman pala siya ang may gawa.
Tumulo ang mga luha ni Meliana. Alam ko na ngayon kung bakit ganoon na lamang ang kagustuhan niyang patayin si Vixem. Buong akala niya ay ito nga ang tumapos sa kaniyang ina.
"Hindi ako ang pumaslang kay Hefi. Ni hindi ko naisip iyon."
Ipinitik ni Rexel ang daliri at nagbukas iyon ng isang lagusan papunta sa isang dimensyon. Hinigop nito ang kulungan ni Meliana kasama ng bantay na dragon.
"Sigurado ka bang ayaw mo siyang patayin?" Tanong ni Vixem sa kapatid.
"Hindi na, magdurusa naman siya habang buhay kaya ayos na sa akin iyon. Mas masakit iyon para sa kaniya kaysa mamatay."
Pagkatapos noon ay nawalan na ako ng ulirat. Siguro ay dahil na din sa pagod.
Nagising na lamang ako na nakahiga na ako sa kama ko sa mansyon ni Baylan Ade. Agad akong tumayo at hinanap ang mga kapatid ko at nakita ko na nakahiga din pala sila sa may sahig. Kinuha ko ang kumot ko at kinumutan ko sila. Hinaplos ko ang mga buhok nila at pinagmasdan sila.
Hindi ko akalain na makakasama ko pa silang muli. Masayang masaya ako dahil nabawi ko na sila mula kay Meliana.
Ilang saglit pa ay lumitaw sa likod ko si Rexel.
"Ay kamote!" Gulat kong sambit.
"Bukas na ang pag-iisa ninyo ni Vixem. Naalala mo pa?"
"Huh? Ilang araw ba akong natulog? Hindi ko naalala."
"Apat na araw kang tulog. Ako muna ang nagbantay sa mga kapatid mo habang hindi ka pa nagigising."
"Salamat."
Bukas na pala ang kasal namin ni Vixem. Naalala ko na may isa pa pala kaming problema at iyon ay ang sumpa sa kaniya ng kaniyang ama. Kailangan niya akong patayin para mapuno na ang balon ngunit hindi naman daw niya iyon gagawin.
"Inihanda na ni Adeia ang susuotin mo sa kasal niyo. Pupuntahan ka niya dito mamaya."
"Oo, sige." Agad na umalis si Rexel nang mapaalalahanan na niya ako.
Hindi na halata sa kaniya na malungkot siya.
Ilang oras pa ay dumating na nga si Baylan Ade dala ang damit na isusuot ko. Ipinakita niya ito sa akin at talaga namang nagustuhan ko ito.
Kulay abo ang bestida at may mga nakaadornong mga laso at peleges. Mayroon ding makikintab na mga bago sa bandang dibdib ng damit.
"Ang ganda Baylan."
"Matagal na iyang ipinagawa ni nanang Celsa. Surpresa namin iyan para sa'yo." Nakangiting sabi niya sa akin.
Saglit akong natulala nang mabanggit ni Baylan ang pangalan ni nanang. Naalala ko na parang siya na ang tumayong magulang ko simula nang makauwi akong muli sa Memento Mori. Hindi ko lubos maisip kung bakit ganoon na lamang kabilis siyang nawala sa akin. Nalungkot ako sa ideyang hindi ko na siya makikita ulit.
"Gusto ko sanang magpasalamat sa kaniya pero hindi na niya ako maririnig." Mahinang sabi ko.
Hinawakan ni Baylan ang kamay ko at kumalma naman ako dahil doon.
Oo nga pala, bukas na ang kasal ko pero hindi ko maramdaman na nasasabik ako. Malakas ang kaba sa dibdib ko dahil bukas ang gabi na magiging isa kami ni Vixem ngunit natatakot ako sa resulta ng pagpili niya sa akin.
BINABASA MO ANG
A Bride For Vixem (Editing)
ParanormalJust a Gothic love story. Isang babaeng nakatakda para sa isang diyablo ng bayang Memento Mori. Si Antares Monte Agua ang ika-isandaang batang babaeng ipinanganak sa bayang iyon kaya naman siya ang nakatakda para kay Vixem, ang diyablong nagsumpa sa...