TALAGANG nilubos-lubos ni Neo ang pagtulong kay Macy dahil ito pa ang naghatid sa kanya sa hotel na pinagdadausan ng anniversary party ng kanyang pinagtatrabahuan.
Maraming nagulat sa kanyang pagdating roon, isa na si Abbie na talagang tumili-tili pang sumalubong sa kanya.
"Grabeee! Ikaw pala 'yan, Macy. Akala ko pa naman ay may guest na tayong celebrity! Naku, uwian na talaga. Ikaw na ang mananalong Queen of the Night!"
"Ito talaga. Nadala lang 'to sa magandang damit at makeup, 'no?" tumatawang sabi naman ni Macy na agad hinanap ng kanyang paningin si Ralph.
Nasa isang mesa ito kasama ang ilang lalaking empleyado at abala sa pakikipagkuwentuhan.
"Ano pa'ng hinihintay mo?" tanong ni Abbie nang lumipas ang mahigit isang oras na nasa mesa lamang silang magkaibigan. "Bakit hindi mo pa lapitan si Ralph?"
Sumimsim si Macy sa iniinom na Cosmopolitan bago sumagot. "Sandali lang, nag-iipon pa ako ng lakas ng loob."
Akala pa naman niya'y tumapang na siya't lahat-lahat. Hindi rin pala nakukuha iyon sa magandang itsura at confidence. Hindi ganoon kasimple. Aba, magtatapat lang naman siya ng feelings sa lalaking gusto niya!
"Tapos na 'yung program at sayawan na, ano? Kelan ka magkakalakas-loob? Pag uwian na?" untag pa ni Abbie.
Hindi na niya ito inimikan. Nakukulili na rin siya sa kakukulit nito, sa totoo lang.
Nang lumipas pa ang mahigit trenta minutos ay nagulat si Macy at lumapit sa kanilang mesa si Ralph. Panay ang siko sa kanya ni Abbie at kinailangan pa niya itong kurutin sa braso para magtigil.
"Can I have a dance with you?"
Nagpakawala ng impit na tili si Abbie at muntik namang nabuwal mula sa kinauupuan niya si Macy dahil sa pagtulak nito. Inalalayan pa siya ni Ralph para tumayo.
Slow music ang kanta na tinutugtog ng isang acoustic band. Hindi mapakali si Macy habang marahan silang umiindak ng kanyang kasayaw.
"P-pasensiya ka na kay Abbie," nakuha niyang sabihin makaraan ang halos isang minuto. "Magulo lang talaga 'yun."
Bumuntonghininga naman si Ralph at napatigil sa pag-indak si Macy. Mayroon siyang hindi nagugustuhan.
"Macy..."
Tumingin siya sa mga mata ng binata. "M-may problema ba?" lakas-loob niyang tanong.
"Alam ko na."
Dumagundong ang dibdib niya. "A-ang alin?"
"What you feel for me."
"H-ha?" Nag-panic siya sa loob-loob, nahiya. Gusto yata niyang lumubog sa kinatatayuan. "Sinong... Sinong n-nagsabi sa iyo? S-si Abbie ba?" kandabulol niyang tanong.
Tumango si Ralph. "Sinabi niya kanina lang. I'm sorry, Macy. Pero hanggang kaibigan lang kasi ang tingin ko sa iyo. I appreciate everything that you've done for me, and I like you, too, but not in a romantic way. Kaya magaan lagi ang loob ko sa iyo."
Muntik nang sabunutan ni Macy ang sarili kundi lang niya naalala na nakaayos nang maganda ang buhok niya. Gusto niyang mag-walkout, pero pinili niyang magtaas ng matigas na maskara.
"Naniwala ka naman kay Abbie?" sabi niya sa lalaki sa pinatigas na boses.
Napatda naman ito. "Y-you mean, hindi iyon totoo?" parang napahiyang tanong nito pagkatapos.
Lumakas ang kanyang loob sa reaksiyon nito. "Well, totoo naman iyon. Pero hindi gaya ng iniisip mo ngayon. I like you, Ralph. Sino namang babae ang may ayaw sa iyo, hindi ba? It's not I'm in love with you or something like that. Crush lang kita."
BINABASA MO ANG
GET NAKED (Hubaderos Book 1: Neo) PREVIEW ONLY
RomancePREVIEW ONLY COMPLETE AND UNCUT STORY is available in my Facebook Group. Search TheMandieLee and message us to join.