Prologue

10K 353 132
                                    

   SA loob ng silid ay naririnig ni Marissa ang impit na sigaw na tila dumaraing ng matinding sakit. Kasunod niyon ang tunog na tila may tinatadtad na karne at sa bawat tunog na iyon ay kasunod ang impit na sigaw.

Hindi mawari ni Marissa kung ano ang nangyayari sa loob na iyon. Hindi pa man niya nasisilip ang loob, nagsimula na siyang balutin ng takot dahil sa katakot-takot na ingay na iyon. Nagsimula na rin siyang pagpawisan ng malamig at ang kaniyang mga tuhod ay nanlalambot.

Lakas-loob na hinawakan ni Marissa ang seradura ng pinto. Sa hindi maipaliwanag, tila may bumubulong sa kaniya na buksan iyon kahit na matinding takot ang kaniyang nararamdaman.

Nagpakawala si Marissa ng malalim na buntong-hininga at sinimulan na niyang pihitin ang seradura. Sa pagbukas niya ng pinto ay hindi niya inasahan ang kaniyang makikita. Ang kaniyang kaibigan, nakahiga ito at putol ang kaliwang braso! Sumisirit mula roon ang masaganang dugo na halos bumalot ang malansang amoy sa loob ng silid.

"Marissa, t-tulungan mo a-ako," mahinang usal ng kaibigan ni Marissa dahil na rin sa kalagayan nito.

Napansin ni Marissa ang taong nasa harapan ng kaawa-awa niyang kaibigan at kaniyang ibinaling ang tingin dito. Nakasuot ito ng hairnet at ang mukha nito ay natatakpan ng suot nitong facemask. Ganoon pa man, kahit na hindi nito ipakita ang mukha kay Marissa, kilala niya ito at hindi lang niya malaman kung sino ang nasa kaniyang harapan sa dalawang may kagagawan ng lahat ng nangyari sa bayan ng Kalu.

Itinaas nito ang kaliwang kamay na may hawak na itak at ang dugo ay umaagos doon. Dumiin ang pagkakahawak nito sa itak na tila sabik muli itong bumawi ng buhay gamit ang bagay na iyon na marami nang buhay ang kinuha.

Sa halip na tumakbo si Marissa palayo, hindi niya magawang maigalaw ang kaniyang mga paa dahil sa labis na takot na kaniyang nararamdaman. Ang tibok sa kaniyang dibdib ay naririnig niya na halos ikasira ng kaniyang tainga.

"Marissa, t-tulong," pagmamakaawa ng kaibigan ni Marissa at kita niya sa mukha nito ang paghahangad na mabuhay.

Natauhan lamang si Marissa sa pagkakatitig sa kaniyang kaibigan nang mapansin niya ang paghagis ng itak sa kaniya. Masuwerte siya dahil tumama iyon sa pader at gahibla na lang ang pagitan nito sa kaniya. Doon ay nagawang tumakbo palayo ni Marissa at sa kaniyang pagtakbo ay siyang pagbagsak ng luha sa kaniyang mga mata dahil sa nararamdamang awa para sa kaniyang kaibigan. Nais niyang tulungan ito, ngunit batid niyang ikapapahamak niya iyon.

Sa bawat pagtakbo ni Marissa ay naririnig niya ang nakapangingilabot na paghampas ng itak sa mga bakal ng humahabol sa kaniya. Ang tunog na iyon ay nakakikilabot na tila sabik siyang patayin. Hindi niya alam kung saan siya pupunta dahil madilim ang paligid at tanging liwanag na nanggagaling sa labas ang nagbibigay liwanag sa loob.

Sa pagliko ni Marissa ng direksyon ay nabangga niya ang mga timba na nakahelera dahilan upang madapa siya. Kaagad na lumapat ang mukha niya sa sahig at naramdaman niya ang malamig na likido sa kaniyang mukha. Nalasahan niya iyon at doon niya napagtanto na hindi iyon tubig, kung hindi dugo! Naamoy niya ang napakalansang amoy nito na tila ilang araw nang nakalagay sa timba. Sa kabila ng kaniyang sinapit ay hindi niya nagawang sumigaw.

Sinubukang tumayo ni Marissa ngunit makailang ulit siyang nadapa. Hanggang sa kaniyang pagdapa ay tumama ang kaniyang kamay sa matigas at mabalahibong bagay. Kahit na labis na takot ang kaniyang nararamdaman ay sinubukan niyang kunin iyon. Bilog iyon at basang-basa ang balahibo. Nanginginig na itinapat niya iyon sa liwanag na nagmumula sa labas ng bintana. Hindi na niya napigilan ang mapasigaw nang makita ang dilat nitong mata. Ulo iyon ng isa pa niyang kaibigan!

Bagaman nanghihina si Marissa dahil sa matinding takot na nararamdaman, pinilit niyang tumayo dahil hindi niya nais na sapitin ang karumal-dumal na sinapit ng kaniyang mga kaibigan.

Tanging pagsigaw na lamang ang nagawa ni Marissa habang tinatakasan ang tiyak niyang kamatayan. Halos mangapa siya na tila isang bulag at hindi niya alam kung makalalabas pa siya nang buhay sa bahay na iyon.

Isang palad ang tumakip sa bibig ni Marissa dahilan upang mapahinto siya. Hindi niya magawang makasigaw dahil sa higpit ng pagkakatakip nito sa kaniyang bibig. Nakapa niya ang kamay nito at naramdaman niya ang pagkahiwa ng kaniyang palad dahil sa paghawak niya sa matalim na bagay na hawak ng kung sino mang tumakip sa kaniyang bibig.

Sinubukang sumigaw ni Marissa nang malakas ngunit nabigo siya.











*•*•*•*•*•

Ang istoryang ito ay mula sa aking orihinal na katha at kung ano man ang pagkakatulad nito sa ibang akda, hindi ko iyon sinasadya.

•*•*•*•*•*•

No To Plagiarism!

= Pinaghirapan ko ang istoryang ito at talagang kinalkal ko pa ang kailaliman ng aking utak upang nang sa gayon ay makaisip ako ng ganitong uri ng istorya. May sarili kang isip upang makalikha ng istorya.

Kapag nagsisinungaling ka, hindi ba't gumagawa ka ng palusot upang pagtakpan ang nagawa mo? O, edi nakakagawa ka ng istorya. Doon pa lang ay nakakagawa ka ng SHORT STORY. Malay natin, makagawa ka ng NOVEL.

Plagiarism Is A Crime!

Halina't alamin ang lihim at misteryo sa likod ng 'Karen Deryahan'.





Hihilingin ko sana sa inyo na mag-Vote at Comment kayo. Isang tap lang sa star ng bawat kabanata ngunit malaki ang maitutulong sa story ko. Magkomento rin sana kayo.

Karen DeryahanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon