IGINALA ni Marissa ang kaniyang paningin sa buong bahay ni Toffer. Tila bumalik sa kaniya ang mga alaala nilang pito bago pa man mangyari ang bangungot sa kanila. Ipinagpapasalamat ni Marissa na nagising na sila ni Kevin sa bangungot na iyon at magsisimula muli ng panibagong buhay. Hindi lamang niya alam kung paano magsisimula muli. Ipinapangako rin niya na sa oras na makauwi sila ay babalikan nila ang mga katawan ng mga kaibigan at nobyo upang mabigyan ng maayos na libing.
"Mahabang oras tayong maglalakad. Kaya mo na ba talagang maglakad?" narinig niyang tanong sa kaniya ni Kevin matapos maglakbay ang kaniyang isipan.
Nagpunas siya ng mga luhang hindi niya namalayang kusang umagos sa kaniyang mga mata. Nang sulyapan niya si Kevin ay nginitian niya ito. Abala ito sa pag-iimpake ng mga kagamitang maaari nilang dalhin paalis ng bayan ng Kalu.
"Oo naman, nabugbog lang siguro ang paa ko nang mahulog ako kahapon," tugon niya at ibinaling niya ang tingin sa labas.
Humakbang siya upang makalapit sa pintuan. Pinagmasdan niya ang paligid at wala siyang ibang naririnig na ingay kung hindi mga inggay lamang na gawa ng kalikasan at mga hayop. Tila abandonadong lugar na ang kanilang kinaroroonan. Sa kabila nito ay wala ng takot na nadarama si Marissa dahil nakatitiyak siyang ligtas na sila ni Kevin.
"Sa tingin ko, mga alas-otso pa lang. Bago siguro magdilim, naroon na tayo sa kabilang bayan," pahayag ni Kevin mula sa kaniyang likuran.
"Alam mo ba kung saan tayo daraan?" tanong niya nang hindi ito binabalingan ng tingin. Iyon din ang kaniyang pinangangambahan. Kung hindi lang umalis ang lalaking naghatid sa kanila papunta sa bayan ng Kalu, maaari silang makaalis sa bayan na iyon nang hindi gugugol ng mahabang oras.
"Naipaliwanag naman sa akin iyon ni Toffer at ni Claret dahil minsan na raw nila iyong pinuntahan."
Kaagad na napalingon si Marissa kay Kevin nang banggitin nito ang pangalan ng dalawa. "May alam ka ba kung bakit sila magkasama?"
Tanging pagkibit-balikat ang naging tugon sa kaniya ni Kevin.
"Alam mo Kevin, matagal na akong kinukutuban na mayroon silang relasyon," aniya at mayroon siyang pilit na inaalala.
"Maging ako rin, kaya lang wala akong ebidensyang magpapatunay na mayroon silang relasyon."
Napatingin siya sa dulong bahagi ng bahay ni Toffer kung saan matatagpuan ang silid na ayaw nitong mapasok ng kung sino. Dali-dali siyang pumunta roon. Nakakandado ang silid na iyon, ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa upang mabuksan iyon.
Hinampas ni Marissa ang kandado gamit ang martilyong kaniyang kinuha. Nais niyang malaman kung ano ang itinatago ni Toffer sa loob ng silid na iyon.
"Bakit mo ba gustong mapasok iyan?" narinig niyang pagtatakang tanong sa kaniya ni Kevin habang hinahampas niya ng martilyo ang kandado.
Hindi na siya tumugon at ipinagpatuloy niya ang kaniyang ginagawa. Ilang sandali pa ay nasira na niya ang kandado ng silid.
"Matagal ko nang gustong makita kung ano ang itinatago rito ni Toffer," aniya at kaniya nang pinihit ang seradura ng pinto.
Nang mabuksan ay kinapa niya ang bukasan ng ilaw hanggang sa bumalot sa silid ang liwanag. Hindi na siya nag-aksaya pa ng sandali at dali-dali niyang binuksan ang aparador.
"Ano bang hinahanap mo riyan, Marissa?"
Kinuha niya ang kahon na kaniyang nakita at kaniya iyong binuksan. Bumungad kaagad sa kaniya ang hubad na larawan ni Toffer.
Napatingin na lamang si Marissa kay Kevin. Kinuha niya ang napakaraming mga larawan na nakalagay sa kahon at isa-isa niya iyong tinignan. Nakita niya roon ang mga hubad na larawan ni Toffer at maging si Claret. Nakita rin niya roon ang larawan nina Toffer at Claret na hubo't hubad at kapwa pinagsasaluhan ang kaligahan. Iba't iba ang posisyon ng mga iyon at hindi siya makapaniwala na kinuhanan pa ng dalawa ang kataksilan na ginawa.
BINABASA MO ANG
Karen Deryahan
HorrorDahil sa isang mananaliksik si Marissa, kailangan niyang humanap ng lugar na maaari niyang maging asignatura para sa kaniyang trabaho. Ang bayan ng Kalu ang lugar na kaniyang sasaliksikin upang alamin ang natatagong ganda nito. Ang nasabing bayan ay...