Kabanata 7

3.4K 139 9
                                    

   NANG maidikit na ni Marissa ang nakaimprintang larawan ni Mayett sa kahoy na bakod, nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga upang mapawi ang bigat sa kaniyang dibdib dahil sa labis na pag aalala sa kalagayan ni Mayett. Napatingin siya sa pinto ng bahay nang bukas iyon. Inuluwa niyon ang babaeng may kargang bata at dalang bag. Kasunod nito ang lalaki na sa tingin niya ay asawa ng babae.

Nang makalabas na ang babae sa bakod ay sinulyapan nito si Marissa. Bakas sa mga mata nito ang labis na takot na hindi niya mawari ang dahilan. Maging ang asawa nito ay may takot siyang nakikita.

"Ate, makikisuyo lang po, baka makita mo po siya," ani Marissa at iniabot niya sa babae ang nakaimprintang larawan ni Mayett.

Kinuha ng babae ang larawan at pinagmasdan. "Isa na rin siguro siya sa mga biktima."

Napatingin si Marissa kina Kevin at Harry na kasama niyang magpaskil sa kung saan. Ang tatlo naman ay humiwalay sa kanila upang mapadali ang kanilang pagpapaskil. Muli niyang ibinaling ang tingin sa babae. "Ano pong ibig mong sabihin?"

"Hindi ba kayo nagtataka, sunod-sunod ang mga nawawala rito. Maraming nang umaalis sa lugar ito dahil...mayroon daw asuwang na kumakain ng tao!" takot na takot turan ng babae at bahagyang humigpit ang pagkakakarga nito sa anak.

Naririnig ni Marissa ang pigil na pagtawa ni Harry. Upang hindi mainsulto ang babae, siniko niya ito upang sawayin. Nauunawaan niya ang kaniyang nobyo dahil maging siya ay hindi naniniwala sa mga asuwang.

"Kung ako sa inyo, umalis na rin kayo!" Lumakad na ang babae kasama ang asawa nito.

"Asuwang daw?" natatawang turan ni Harry at pinakawalan na nito ang malakas at nakapang-iinsultong tawa na kanina pa nito pinipigilan.

Napailing na lang si Marissa habang nakatingin kay Harry. Humakbang na siya at sumunod sa kaniya si Kevin upang ipagpatuloy ang pagpapaskil. Ilang oras na rin silang naglalakad ngunit wala pa rin silang nakukuhang impormasyon na makapagbibigay daan upang matunton nila ang nawawalang si Mayett. Ilang araw na rin itong nawawala at inaalala nila kung ano nang ginagawa nito. Hindi man niya nais isipin, ngunit sumasagi sa kaniyang isipin kung buhay pa ba ito? Kung hindi, nasaan ang katawan nito? Anong dahilan nang pagkawala nito?

   "NAPAPAGOD na ako, guys," reklamong pahayag ni Claret at napaupo ito sa upuang kahoy na nasa harapan ng pinagpaskilan nito.

"Hindi lang ikaw, Claret. Pagod na rin ako kaya lang kailangan natin itong gawin para kay Mayett," saad ni Claudine habang idinidikit niya sa puno ang larawan ni Mayett.

"Nasaan na ba kasi ang babaeng iyon? Binalikan lang ang cellphone, hindi na bumalik." Muli namang tumayo si Claret sa kaniyang pagkakaupo at mahina itong napatapik sa noo.

Napailing na lang si Claudine nang mabalingan niya ng tingin si Claret. Nakikita niya ang kaartihan nito sa pagpunas ng pawis. Sanay na siya sa ugali nito at ang pagiging maharot nito ay nakasanayan na rin niya. Kahit na habang naglalakad sila ay napapansin niya ang paghaharutan ng kaniyang nobyo at ni Claret, hindi niya iyon binigyan ng kahulugan dahil nauunawaan niyang malapit lang sa isa't isa ang dalawa at dahil na rin magkaibigan din ang mga ito.

"Sandali lang, kung sinabi niya na nauna na siya sa atin, bakit wala pa siya sa bahay nina Toffer? Hindi kaya, hindi siya ang nag-text niyon?" palaisipang tanong ni Claret.

Napatigil si Claudine sa kaniyang ginagawa nang marinig iyon mula kay Claret. Hindi niya akalain na kahit papaano ay malawak ang pag-iisip nito dahil akala niya, pulos lang ito kaartihan.

"Puwede ba Claret, tigilan mo nga iyang pinagsasabi mo," may halong inis na suway ni Toffer.

"May punto si Claret, Toffer. Baka nga hindi siya iyon. Kung hindi siya, sino iyon? Hindi kaya iyon ang may kinalaman sa pagkawala ni Mayett?"

Karen DeryahanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon