NAKATINGIN lang si Marissa sa litrato nila ni Kevin habang mag-isa siyang nasa kaniyang silid. Hindi niya maiwasang mapangiti sa tuwing naaalala niya kung paano siya ligawan ng nobyong si Kevin at ngayon, ilang buwan na lang ay ikakasal na silang dalawa.
Mahigit isang taon na rin ang lumipas matapos mangyari ang bangungot sa kanila sa bayan ng Kalu. Bagaman nagpatuloy siya bilang mananaliksik, inaalam muna niya ang lugar na kaniyang pupuntahan upang hindi na maulit ang bangungot na kanilang dinanas.
Hindi naging madali sa kanila na kalimutan ang nangyari. Mayroong mga araw na hindi magawang makatulog ni Marissa dahil sa pagbabalik ng malagim na kanilang sinapit. Maging ang pagbabanta sa kaniya ng mga kapatid nina Karen, Derya at Han, ay kaniyang ikinababahala. Matapos ang araw nang magpakita ang mga ito sa kaniya ay hindi na muli iyon naulit pa. Kanila na iyong ipinagbigay alam sa polisya, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nahuhuli.
Ang kanila namang kaso ay naipanalo nila dahil batid nila sa kanilang sarili na malinis ang kanilang mga puso at hindi nila sinasadya ang nangyari.
Bumalik ang diwa ni Marissa matapos marinig ang pagtunog ng timbre.
Kaagad siyang nagtungo sa pintuan upang pagbuksan ang panauhin. Alam niyang ang kaniyang nobyong si Kevin lang naman ang bibisita sa kaniya ng gabi.
Nang kaniyang buksan ang pinto ay hindi niya nakita si Kevin, maliban sa kahong nakabalot na nasa tapat ng kaniyang pintuan. Kaagad siyang napangiti dahil batid niyang si Kevin ang may gawa dahil ito lamang ang gumagawa sa kaniya niyon.
Hindi na niya tinangka pang hanapin si Kevin dahil sa kaniyang pakiwari ay nagtatago ito upang siya ay surpresahin. Kinuha niya ang kahon, ngunit bago niya ito buksan ay napangiti siya nang isipin kung ano ang maaaring laman niyon.
Halos mapasigaw si Marissa nang mapagtanto ang laman ng kahon. Hindi man niya gustong itapon iyon, dahil sa matinding takot ay naihagis niya iyon dahilan upang magpagulong-gulong ang laman nito, ang ulo ng kaniyang nobyong si Kevin.
Huli na nang maisara niya ang pinto dahil naramdaman niya ang malakas na pagsuntok sa kaniyang sikmura dahilan upang manlabo ang kaniyang paningin.
"Tulong! tulungan ninyo kami!" mga sigaw na naririnig ni Marissa nang hindi pa niya binubuksan ang kaniyang mga mata.
Paulit-ulit ang mga katagang iyon at kasunod nito ang tila pag-iyak ng kung sino. Sa kaniyang pakiwari, hindi lamang iisa ang humihingi ng tulong, kung hindi marami.
Nang kaniyang buksan ang mga mata ay kaagad niyang nakita ang mga bakal na tila isang kulungan. Mula roon ay nakikita niya ang mga lalaki at babaeng halos magsiksikan na sa maliit na kulungang iyon. Dahil sa pagtataka ay kaagad siyang bumangon at saka pa lamang niya napagtanto na nakakulong siya sa maliit na kulungan na tanging siya lamang ang naroroon.
"Nasaan ako? Tulong!" ang kaniyang sigaw at hindi niya alam kung mayroon tutugon sa kaniya.
Iginala ni Marissa ang tingin at doon niya nasaksihan ang mga nakasabit na mga paa at mga kamay ng tao. Maging ang mga lamang-loob at mga bituka ay nakasabit din sa alambre.
"Hindi!" malakas niyang sigaw dahil muling bumalik sa kaniya ang nakaraan na malapit na sana niyang makalimutan.
Tanging pag-iyak ang kaniyang nagawa dahil tila muli niyang daranasin ang malagim na pangyayari. Mas lalong bumuhos ang kaniyang mga luha nang maalala ang kaniyang nobyo.
Ang buong akala niya ay iyon na ang kanilang simula. Ang buong akala niya ay makakasama na niya ito nang pang habang-buhay, ngunit nagkamali siya. Ang akala niyang lalaking pakakasalan niya ay mawawala pala sa kaniya. Ang hindi matanggap ni Marissa ay ang karumal-dumal na naging katapusan ng buhay ng kaniyang nobyo.
Wala na siyang ibang nagawa kung hindi umiyak dahil sa nangyari. Akala niya, tapos na ang lahat. Wala siyang kaalam-alam na rito magtatapos ang lahat.
Natigilan si Marissa nang makita ang dalawang lalaking nasa kaniyang harapan, ang magkapatid na Turo.
"Kumusta, Marissa? Akala mo siguro, nakalimutan na kita," pang-iinsultong turan nito, ang nakakatanda sa magkapatid na Turo.
"Hayop kayo! Anong ginawa ninyo kay Kevin?" punong-puno ng galit na pahayag niya.
"Sa boyfriend mo? Huwag kang mag-alala, hindi siya ang gusto kong ihain sa unang araw nang pagbubukas ng 'Turo-Turo', kung hindi ikaw."
Pinilit niyang tumayo upang abutin ito ngunit hindi niya nagawa dahil bahagyang lumayo ang dalawa. Tanging paghalakhak ang naging tugon ng mga ito.
"Mabuti ka nga at sa huling pagkakataon ay nakita mo ang boyfriend mo bago ko igiling ang katawan niya at ipakain sa mga hito," pahayag ng nakatatandang si Turo at tila baliw ito habang tumatawa.
"Ano kuya, kunin na natin ito nang masimulan na nating lutuin," turan ng kapatid nito.
"Huwag kang mainip, Turo. Bukas pa naman magbubukas ang ating 'Turo-Turo'. Ano Marissa, handa ka na bang maging ulam?" Gumuhit sa mukha nito ang malapad na ngiti.
"Hayop ka!" iyon na lamang ang kaniyang nasabi dahil batid na niya ang maaaring mangyari sa kaniya. Tanggap na niya ang malagim na kaniyang sasapitin sa kamay ng mga ito. Nakaligtas man siya sa bayan ng Kalu, ngunit hindi rito sa Manila.
"Itong mga ito," Itinuro ng nakakatatandang si Turo ang mga babae at lalaking halos magsisiksikan sa maliit na kulungan. "Reserba ko lang ang mga iyan kapag naubos na ang karne mo."
Naging maingay ang mga ito matapos marinig ang sinabing iyon ni Turo.
"Hayaan mo Marissa, magkikita na kayo ng boyfriend mo," anito at bahagya itong umatras.
Lumapit sa kaniya ang kapatid nito at binuksan ang kulungan na kaniyang kinaroroonan. Pinilit niyang pumiglas dito ngunit nabigo siya dahil sa lakas nito.
Sa kaniyang pagsigaw ay tanging pagsigaw rin ang nagawa ng mga nakakulong dahil sa labis na takot.
"Handa ka na ba, Marissa?" tanong ng nakatatandang si Turo sa kaniya habang ang kamay ng kapatid nito ay pilit na hinahawakan ang kaniyang pisngi upang ipaharap dito.
"Pagbabayaran ninyo ang lahat ng ito!" tugon niya at pilit niyang tinatatagan ang loob sa mangyayari.
Naramdaman niya ang pagsuntok sa kaniyang sikmura dahilan upang mapahiga siya. Naramdaman din niya ang pagbuhat sa kaniya at batid niya kung saan siya dadalhin.
Napapikit na lamang siya at tanggap na niya ang mangyayari. Wala siyang iniisip kung hindi si Kevin. Ngayon, batid na niya kung bakit sila nakaligtas ni Kevin sa bayan ng Kalu, upang maramdaman nilang dalawa ang pag ibig na pilit nilang itinatago para sa isa't isa.
Maikling panahon man nilang naparamdam sa isa't isa ang pagmamahalan, nagpapasalamat pa rin siya dahil naramdaman niya ang pagmamahal na matagal niyang hingad kay Kevin.
"Magkikita pa tayo, Kevin," mahinang turan ni Marissa at sa kaniyang pagpikit ay siyang pag agos ng kaniyang luha.
•*•*•Wakas•*•*•
BINABASA MO ANG
Karen Deryahan
HorrorDahil sa isang mananaliksik si Marissa, kailangan niyang humanap ng lugar na maaari niyang maging asignatura para sa kaniyang trabaho. Ang bayan ng Kalu ang lugar na kaniyang sasaliksikin upang alamin ang natatagong ganda nito. Ang nasabing bayan ay...