Kabanata 18

3.2K 117 0
                                    

   HINDI na nakapagsalita si Marissa matapos marinig iyon kay Han. Ngayon, batid na niya kung bakit nito nagawa ang pumatay. Hindi niya mawari kung masisisi ba niya ito sa mga nagawa, ngunit hindi makatarungan ang ginawa nito. Idinamay nito maging ang mga taong inosente, makamit lamang nito ang kagustuhang mamatay ang mga kapatid.

"Kaya itong mukha ko, hindi ko sinabi ang tunay dahilan kung bakit nagkaganito ito dahil alam kong maaaring kang maghinala sa oras na sabihin ko ang totoo." Sinulyapan nito ang litrato na malayong-malayo sa itsura nito ngayon.

Napailing na lamang si Marissa dahil ni isang kataga ay walang nais lumabas mula sa kaniyang bibig.

"Matagal ko na talagang hinangad na mamatay na sina Karen at Derya, kaya lang halos maubos na ang mga tao rito pero hindi pa rin nangyayari ang gusto kong mangyari. Ni isa, wala man lang nakapag-isip na maaaring sila ang may kagagawan kung bakit sunod-sunod ang pagkawala ng mga tao rito. Naglalagay naman ako ng mga ebidensya, kaya lang sadyang mga walang utak ang mga tao rito. Mabuti na lang at dumating ka."

Tumitig lamang siya sa mga mata nito at nais niyang tumakbo, ngunit hindi niya magawa. Tila nanlalambot ang kaniyang mga tuhod.

"Naalala mo ba iyong sinabi ko, na masaya ako sa pagdating mo. Plinano ko ang lahat para mapagbintangan sina Karen at Derya."

   Gayon na lamang ang galit ni Han nang hindi mabuksan ng babaeng galing sa Manila ang kalderong kaniyang inilagay sa gilid ng kubo ng mga kapatid. Sa kabila nito ay may tuwa pa rin siyang nararamdaman dahil nakita nito ang mga buhok na kaniya ring inilagay. Maaaring sa pamamagitan nito ay magduda ito sa kaniyang mga kapatid.

   "SA kabila niyon, hindi pa rin ako sumuko dahil malakas ang kutob ko na ikaw ang magiging susi upang mangyari ang gusto kong mangyari. Dahil kagaya nga nang sinabi mo, isa kang mananaliksik kaya nakakasiguro ako na magagawa mo ring saliksikin ang mga nangyayari rito. "

   NAPANGISI si Han nang makita ng magkakaibigan ang butong kamay na kaniyang inilagay sa kinaroroonan ng mga ito. Kahit na sa pag-aakala ng mga ito na laruan lamang iyon ay nababatid niyang magkakaroon ng kutob ang isa sa kanila.

Kaagad na nagtago si Han sa puno nang makaramdam ang isa sa mga ito na mayroong tila nagmamanman sa mga ito.

   "DOON, mas lalo akong nasisiyahan na makipaglaro sa inyo."

   PALIHIM na nagngitngit sa galit si Han nang dumating ang lalaking kaibigan ng kaniyang kausap. Iyon na sana ang magkakataon niya upang makapagbigay ng mga impormasyong maggigiit sa kaniyang mga kapatid, ngunit na hadlangan iyon. Sa kabila nito, sapat na rin ang kaniyang mga nasabi upang sa susunod na kaniyang gagawin ay magkaroon na ito ng hinala. Pinili niyang hindi banggitin ang pangalan ng mga kapatid upang hindi ito makahalata. Minabuti niyang ito ang tumuklas kung sino ang nasa likod ng sunod sunod na pagkawala ng mga tao sa bayan ng Kalu sa pamamagitan ng mga ebidensyang kaniyang itatanim sa mga kapatid.

   Bago pa man ito makaalis ay minabuti niyang bilinan ito. Nang makaalis na ito ay napangisi siya.

"Marissa," aniya habang nakatingin sa kaniyang binanggit na pangalan. Ngayon, batid na niya ang pangalan nito.

Kailangan niyang maglagay muli ng maaaring maging daan upang maghinala si Marissa na mayroong nasa likod ng pagkawala ng kanilang kaibigan.

Kinuha niya ang kwintas sa bulsa at bahagya siyang ngumisi nang mayroong pumasok sa kaniyang isipan. Magagamit niya iyon.

   Tanging pagsunod sa anim ang kaniyang ginawa. Bawat pag-uusap ng mga ito ay kaniyang pinapakinggan. Naging maingat siya sa paglalakad upang hindi makahalata ang mga ito na mayroon nagmamanman sa kanila. Nang makuha ng pagkakataon ay inihagis niya ang kwintas sa bahagi kung saan madaraan ito ng anim.

Karen DeryahanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon