MALALIM na ang gabi at hindi magawang ipikit ni Claudine ang kaniyang mga mata upang palipasin ang dilim. Pilit na nagpapaulit-ulit ang mga sinabi ni Marissa sa kaniyang isipan at hindi niya magawang tanggapin na sinapit iyon ng kaniyang nobyo. Mahal niya si Toffer kaya napakasakit sa kaniya ang ginawang karumal-dumal dito.
Naibaling niya ang tingin kay Marissa na natutulog sa kama sa gawing kaliwa niya na tila masarap ang tulog. Sinulyapan din niya si Kevin na natutulog sa ibaba ng kama. Naiinggit siya sa mga ito na nagawang pansamantalang kalimutan ang kanilang kinahaharap. Naroon pa rin ang matinding takot kay Claudine dahil batid niyang lima na lamang silang tao sa bayan ng Kalu, ngunit mas nangingibabaw sa kaniya ang poot sa sinapit ng kaniyang nobyo. Nais niyang pagbayarin ang gumawa niyon sa kaniyang nobyo.
Nais niyang puntahan ang magkapatid na Karen at Derya upang ipaghiganti ang ginawa ng mga ito kay Toffer. Mahinang natapik ni Claudine ang kaniyang noo nang mapagtanto na wala siyang gagamiting tanglaw sa dilim kung sakaling lalabas siya.
Nang sila ay makabalik matapos hanapin si Harry, ang lahat ng mga gamit na kanilang dadalhin ay nawala. Maging ang kanilang mga cellphone na napakahalaga sa kanila upang makahingi ng tulong ay nawala rin. Mayroon silang kutob na maaaring kagagawan iyon ng magkapatid, na tila hindi sila pinapayagang makaalis nang buhay sa bayan ng Kalu.
"Ipaghihiganti kita, Toffer," punong puno ng poot na turan ni Claudine.
Hindi man niya magawang makaalis upang puntahan ang magkapatid, ipinapangako niya na sa muling pagbalot ng liwanag ay ipaghihiganti niya ang kaniyang nobyo.
NASILAW si Marissa nang maimulat niya ang kaniyang mga mata. Dali-dali siyang bumangon nang mapagtanto na nakatulog siya. Hindi niya nais matulog dahil sa maaaring mangyari sa kanila sa oras na pansamantalang takasan ang bangungot na kanilang kinakaharap sa reyalidad. Hindi niya namalayan na kusa nang pumikit ang kaniyang mga mata nang dahil sa matinding pagod.
Sinulyapan niya ang higaan ni Kevin at gayon na lamang ang kaniyang pagtataka dahil wala ito roon. Sinulyapan niya ang higaan ni Claudine. Hanggang ngayon ay tulog pa rin ito at nakatalukbong ng kumot.
Hindi na niya ginawang gisingin pa si Claudine dahil batid niyang pagod ito. Lumabas siya ng silid upang hanapin si Kevin. Tila nabunutan siya ng tinik nang makita si Kevin na nakaupo sa harap ng mesa habang nagkakape. Pansin niya na malalim ang iniisip nito.
"Gising ka na pala," nakangiting turan ni Kevin nang mapansin siya nito.
Tinabihan niya ito at ang kaniyang tingin ay ibinaling niya sa pinto na kanilang hinarangan ng kung ano. Blanko ang kaniyang isipan sa maaari nilang gawin upang makaalis sa bayan ng Kalu.
"Hindi na kita ginising dahil masarap ang tulog mo," narinig niyang pahayag ni Kevin.
Pinilit niyang ngumiti kahit na tila hirap siyang gawin iyon. "Si Claudine, masarap din ang tulog."
"Saglit lang, ipagtitimpla kita ng kape nang mainitan ang sikmura mo."
Napansin niya ang pagtayo ni Kevin. Hindi niya namalayan na umagos ang kaniyang mga luha nang maalala si Harry. Nagbakasali siyang kakatok ang kaniyang nobyo sa pinto, ngunit hindi iyon nangyari. Ngayon, labis ang kaniyang pag-aalala kung nasaan na ngayon si Harry. Pilit man niyang iwinawaglit sa kaniyang isipan ang mga negatibong kaniyang hinala, ngunit tila ipinapamukha sa kaniya na iyon ang tunay na sinapit ng kaniyang nobyo. Sa kabila niyon, umaasa pa rin siya na buhay ito hangga't hindi niya nakikita ang patunay.
"Humigop ka muna," ani Kevin nang mailapag na nito ang tasa sa mesa.
Humigop siya ng kape at hiling niya na sa kaniyang paghigop ay gumaan ang kaniyang pakiramdam, ngunit tila wala iyong epekto sa kaniya. Pilit na bumabangabag sa kaniya ang kalagayan ni Harry.
BINABASA MO ANG
Karen Deryahan
HorrorDahil sa isang mananaliksik si Marissa, kailangan niyang humanap ng lugar na maaari niyang maging asignatura para sa kaniyang trabaho. Ang bayan ng Kalu ang lugar na kaniyang sasaliksikin upang alamin ang natatagong ganda nito. Ang nasabing bayan ay...