DAHAN-dahang iminulat ni Mayett ang kaniyang mga mata. Ramdam niya ang kirot sa kaniyang noo at maging ang malamig na likidong umaagos sa kaniyang pisngi. Malabo ang una niyang tingin at mayroong siyang naaninag na hugis tao sa kaniyang harapan. Hindi niya mawari kung ito ba ay nakatayo dahil ang mga kamay nito ay nakataas na tila ba nakalambitin.
Nang tuluyang luminaw ang paningin ni Mayett ay nagpakawala siya ng malakas na sigaw dahil ang tao sa kaniyang harapan ay nakasabit. Nagpatuloy siya sa pagsigaw ngunit tila walang nakaririnig sa kaniya. Ang kalunos-lunos na kalagayan ng lalaki sa kaniyang harapan ang naging dahilan upang balutin siya ng matinding takot.
Ang buong katawan ng lalaki ay unti-unti nang naaagnas at pinagpipiyestahan na ng napakaraming uod. Maging ang napakabaho nitong amoy ay naaamoy ni Mayett. Ang higit niyang ikinagimbal nang makita ang wakwak nitong tiyan at walang itong lamang-loob. Mula sa butas nitong tiyan ay naglalaglagan doon ang mga uod.
Naramdaman ni Mayett na may gumagapang sa kaniyang kamay at hindi niya mawari kung ano iyon ngunit dama niya ang lamig nitong taglay. Laking pagtataka niya nang hindi niya magawang maigalaw ang kaniyang dalawang kamay at paa. Doon lang niya napagtanto na nakatali ang mga iyon sa mesang kaniyang pinaghihigaan.
Muling sumigaw si Mayett sa pagbabaka-sakaling mayroon nang makarinig sa kaniya, ngunit nabigo lang siya. Iginala niya ang kaniyang tingin sa kinaroroonan niya at mas lalo siyang nagimbal dahil sa kaniyang mga nakita. May mga nakasabit na mga paa at kamay ng tao, ganoon din ang mga ulo at hating mga katawan. Mayroon din siyang nakitang mga bituka at batid niyang sa tao iyon.
Ang tangi lamang nagawa ni Mayett ay ang umiiyak dahil hindi niya alam kung ano ang kaniyang kahihinatnan. Hindi niya magawang maisip na magiging kagaya rin siya ng kaniyang kalunos-lunos na nakita. Hindi niya nais na maging ganoon ang kaniyang katapusan.
Naramdaman ni Mayett na halos dumarami ang gumagapang sa kaniyang kanang kamay at paa hanggang ang gumagapang na iyon ay nasa kaniya nang braso. Impit na sigaw ang kaniyang pinakawalan nang mapagtanto na mga uod ang gumagapang sa kaniyang kamay at paa. Bagaman nais niyang masuka, ngunit pinipigilan niya lalo na at nakahiga siya.
Pinilit na inaalis ni Mayett ang mga uod sa kaniyang kamay at paa ngunit nabigo siya, sa halip ay nagpatuloy ang paggapang ng mga iyon sa kaniya. Napatigil lang siya nang marinig ang pagkiskis ng matalim na bagay sa pader. Ang tunog na iyon ay palakas nang palakas. Habang palakas nang palakas ang tunog ay siya namang paglakas ng kabog sa kaniyang dibdib. Hanggang ang kaniyang kinatatakutan ay nasa kaniya na ngayong harapan at may hawak na itak at isang malapad na bato.
Lumaki ang mga mata ni Mayett nang masilayan ang mukha nito. Hindi siya maaaring magkamali, nakita na niya ang nasa kaniyang harapan! Hindi siya makapaniwala na ito ang may kagagawan ng lahat kung bakit marami ang nawawalang residente sa bayan ng Kalu. Hindi siya makapaniwala na karumal-dumal ang mga sinapit ng mga nawawalang residente.
Ngumisi ang nasa harapan ni Mayett at ang hawak nitong itak ay hinasa nito sa malapad na bato. Ang bawat pagkiskis ng itak sa bato ang nagbibigay kilabot kay Mayett. Muli niyang sinubukang maalis ang kaniyang mga kamay at paa mula sa pagkakatali nito, ngunit kagaya kanina ay nabigo siya. Muli siyang sumigaw dahil sa labis na takot at ang pagkiskis ng talim ng itak sa bato ay mas lalong lumakas na tila nais nitong iparinig iyon sa kaniya.
Tumigil ang nasa harapan ni Mayett sa ginagawa nitong paghasa at ang hawak nitong bato ay tinitapon nito sa kung saan. Bahagya nitong inangat ang hawak na itak. Ang tingin nito ay nakapako sa talim at nang ibaling nito sa kaniya ang tingin ay ngumisi ito nang nakapangingilabot.
Ang dulo ng itak ang ginamit nito upang alisin ang mga uod na halos palapit na sa balikat ni Mayett. Kasunod niyon ang paglakbay ng talim ng itak sa balat ng kaniyang kanang braso. Tanging pagsigaw ang kaniyang nagawa dahil sa labis na kirot na halos gusto na lang niyang mamatay kaysa maramdaman iyon.
BINABASA MO ANG
Karen Deryahan
HorrorDahil sa isang mananaliksik si Marissa, kailangan niyang humanap ng lugar na maaari niyang maging asignatura para sa kaniyang trabaho. Ang bayan ng Kalu ang lugar na kaniyang sasaliksikin upang alamin ang natatagong ganda nito. Ang nasabing bayan ay...