Kabanata 6

3.8K 151 21
                                    

   "KUMAIN muna tayo ng pananghalian, bago natin ipagpatuloy ang paghahanap kay Mayett," ani Toffer nang makapasok na ito sa loob dala ang lutong ulam na binili nito sa Karen Deryahan.

Napatayo si Marissa at tumanaw sa bintana dahil labis na ang kaniyang pag-aalala para kay Mayett. Kung saan-saan na rin sila nagpunta ngunit ni anino nito ay hindi nila nakita. Hindi nila maiwasan ang hindi makapag-isip ng hindi maganda dahil na rin sa unang beses pa lang ni Mayett sa bayan ng Kalu. Hindi nila alam kung saan ito maaaring magpunta. Ang telepono naman nito ay hindi nila matawagan dahil nakapatay, tuloy ay mas lalo silang nahihirapan na matunton ang kinaroroonan nito. Tinawagan na rin nila ang pamilya nito, ngunit wala ito roon.

Naibaling ni Marissa ang kaniyang tingin sa lalaking may buhat-buhat na malaking bagahe. Huminto ito sa harap ng tricycle at ipinasok doon ang dala nito. Isang babae rin ang nagpasok ng bagahe sa loob ng sasakyan.

"Halina na kayo!" malakas na sigaw ng lalaki at ang tono nito ay tila balot ng takot.

Lumapit sa lalaki ang dalawang batang babae at pumasok ang mga ito sa loob ng tricycle. Ang lalaki ang magmamaneho at nasa likod nito ang babae. Ilang saglit pa ay umandar na ang sasakyan.

"Isa-isa nang nag-aalisan ang mga tao rito," turan ni Toffer at nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga

Hinarap ni Marissa si Toffer upang higit na maunawaan ang tinuran nito. "Iyon nga rin ang ipinagtataka ko. Ano sa tingin mo ang dahilan?"

"Wala nang iba kung hindi ang sunod-sunod na pagkawala ng mga tao rito. Ibinalita sa akin ni Mang Nilo, apat na buwan na nang magsimula ang pagkawala ng mga tao. Noon, hindi naman nangyayari iyon at hindi ko alam kung anong dahilan," tugon pahayag pa ni Toffer at tila wala itong takot na nararamdaman.

"Hindi ka ba natatakot?"

"Bakit naman ako matatakot. Isa pa, baka naaksidente lang ang mga iyon. Malay natin, nalunod at tinangay na ng agos."

"Ganoon din ba ang iniisip mo kay Mayett?"

Pagkibit-balikat ang naging tugon ni Toffer. "Kumain na tayo."

Muling ibinaling ni Marissa ang tingin sa labas ng bintana at kagaya kanina, mayroon na namang umaalis sa bayan na kanilang kinaroroonan.

   "Kapag nahanap na natin si Mayett, aalis na tayo rito," saad ni Marissa habang kumakain silang anim sa iisang lamesa.

Maging si Marissa ay nakararamdam na rin ng takot sa nangyayari sa bayan ng Kalu. Kung alam lang niya na ganoon ang nangyayari sa lugar, hindi na sana siya sumama pa. Batid niyang sunod-sunod ang pagkawala ng mga tao ayon na rin sa kaniyang mga nabasa sa mga pinaghahanap at ngayon, ang kaibigan naman nila ang nawawala. Mayroon siyang kutob na may dahilan sa pagkawala ng mga tao sa lugar at iisa lamang iyon.

"Paano ang trabaho mo?" tanong ni Claret na tila nanghihinayang itong lisanin ang bayan ng Kalu.

Huminto si Marissa sa kaniyang pagkain at sinulyapan si Claret. "Marami pa namang puwedeng lugar." Nagpakawala si Marissa ng malalim na buntong-hininga dahil hindi niya alam kung saang lugar siya maaaring magpunta. Hindi muna niya iyon iisipin dahil ang mahalaga, makaalis sila sa bayan ng Kalu.

"Alam kong natakot ka lang sa sinabi, Marissa. Huwag mo nang intindihin iyon," turan ni Toffer at bahagya pa itong napailing na tila hindi nito gusto ang gustong mangyari ni Marissa.

"Sunod-sunod, Toffer. Ewan ko ba sa iyo kung bakit dito pa ang naisip mo," pigil ang galit na turan ni Marissa. Sa puntong iyon ay sinisisi niya si Toffer sa pagkawala ni Mayett ngunit sinasarili lang niya iyon.

"Bakit ba babe?" kunot-noong tanong ni Harry at hinawakan nito ang kamay ni Marissa.

Kaagad ding inalis ni Marissa ang kaniyang kamay sa pagkakahawak ng kaniyang nobyo. Napatapik na lamang siya sa kaniyang noo at napabuntong-hininga. Mas nanaisin pa siguro ng mga ito na lumagi sa bayan ng Kalu kahit na alam ng mga ito na delikado na para sa kanila na manatili roon.

Karen DeryahanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon