"HARRY!" malakas na tawag ni Marissa nang makapasok silang tatlo sa bahay ni Toffer.
Matinding pagod ang nararamdaman nilang tatlo nang dahil halos takbuhin nila ang daan pabalik upang makahabol sa pinakahuling jeep na maaari nilang sakyan paalis sa bayan ng Kalu. Ang jeep na ito ay daraan sa patag na daan ngunit mas mahaba ang maigugugol nitong oras kumpara kung tatawid sa dalawang bundok.
"Bilisan ninyo ang pag-iimpake at baka mahuli tayo," turan ni Kevin habang abala ito sa paglalagay ng mga mahahalagang bagay na maaari nilang dalhin pauwi.
"Maiwan ko muna kayo at mag-iimpake na ako," paalam ni Claudine at dali-dali itong lumabas upang magtungo sa kubo na tinutuluyan nito.
Napagpasyahan ni Marissa na magpunta sa kanilang silid sa pag-aakalang naroon si Harry dahil nang tawagin niya ito ay hindi ito sumagot. Nang mabuksan niya ang pinto ng silid ay labis niyang ipinagtaka na wala roon ang kaniyang nobyo. Nasaan si Harry?
"Wala rito si Harry," kinakabahang turan ni Marissa dahil mayroong sumasagi sa kaniyang isipan ngunit pilit niya iyong iwinawaglit sa kaniyang isipan.
Kaagad na napahinto si Kevin sa kaniyang ginagawa at lumapit sa kinatatayuan ni Marissa. "Saan nagpunta si Harry? Bakit ngayon pa siya umalis?" mayroong inis na saad ni Kevin.
"Kinakabahan ako, Kevin." Sa puntong iyon ay gusto nang mapaluha ni Marissa ngunit pilit niyang tinatatagan ang kaniyang loob. Hindi niya gustong magpatalo sa nabubuong konklusyon sa kaniyang isipan. Ligtas si Harry.
"Tara na," tinig ni Claudine sa kanilang likuran.
Ibinaling nila roon ang kanilang tingin.
"Nawawala si Harry," pahayag ni Kevin na nagbigay daan upang mas lalong madagdagan ang kabang nadarama ni Claudine.
Bahagyang lumapit sa kanila si Claudine at nabitawan nito ang hawak na bag. "Bakit ngayon pa?"
Halos mawalan na silang tatlo ng pag-asa na makakaalis pa sa bayan ng Kalu. Maaaring sapitin din nila ang sinapit ng ilan sa kanila.
"Ano ng gagawin natin?" naguguluhang tanong ni Claudine at batid nito na hindi mabibigyang kasagutan ng dalawa ang kaniyang tanong.
Naibaling ni Marissa ang kaniyang tingin kay Kevin at nakikita niya sa mga mata nito na maging ito ay hindi rin alam ang isasagot.
Malalim na napabuntong hininga si Marissa. "Buhay pa si Harry at hahanapin ko siya. Kahit na nag-iba ang pakikitungo niya sa akin, mayroon pa rin kaming pinagsamahan. Puwede ninyo akong iwanan dito. Hindi ko iiwanan si Harry rito para lang iligtas ang sarili ko. Umalis na kayo at baka maiwan pa kayo, sige na."
Bagaman balot ng takot dahil kung sakaling umalis sina Kevin at Claudine, siya na lamang ang maiiwan at makakasama niya sa lugar na iyon ang magkapatid na sina Karen at Derya. Hindi niya nais iligtas ang sarili gayon ay naiwan ang kaniyang nobyo at hindi siya nawawalan ng pag-asa na maaaring naglakad-lakad lamang ito sa kabila na malabong mangyari ang kaniyang hinala.
Sa kaniyang pakiwari rin ay tuluyan nang nagsi-alisan ang lahat ng mga residente sa bayan ng Kalu dahil na rin sa sinabi ng babaeng kanilang nakasalubong at hindi nila halos mabilang ang mga magpamilyang nagsi-alisan na kanilang nakasalubong.
Humakbang siya upang tunguhin ang pinto at hanapin ang kaniyang nobyo. Bago pa man tuluyang makalabas ay narinig niya si Kevin.
"Hindi ka maaaring maiwan nang mag-isa rito. Hindi ako aalis, sasamahan kita sa paghahanap kay Harry."
Nabuhayan ng loob si Marissa matapos marinig iyon. Kaagad niya itong nilingon at pinakitaan ng ngiti. "Salamat, Kevin."
"Ayokong maging makasarili, kaya hindi ko kayo iiwan," pahayag ni Claudine.
BINABASA MO ANG
Karen Deryahan
HorrorDahil sa isang mananaliksik si Marissa, kailangan niyang humanap ng lugar na maaari niyang maging asignatura para sa kaniyang trabaho. Ang bayan ng Kalu ang lugar na kaniyang sasaliksikin upang alamin ang natatagong ganda nito. Ang nasabing bayan ay...