NANG makarating sina Marissa at Kevin sa Karen Deryahan ay kaagad nilang napansin ang mga lamesang nakataob. Maging ang kaldero ay nasa kung saan. Malakas ang kanilang kutob na maaaring mayroong naganap na gulo at batid nilang sa pagitan iyon ng magkapatid at ni Claudine. Ipinagtataka lamang nila kung bakit nasa labas ang lahat ng kagamitan nina Karen at Derya sa pagtitinda.
Dahil sa labis na pangamba ay dali-dali nilang pinasok ang loob ng kubo. Gayon na lamang ang kanilang pagkabigla nang makita ang kanilang kaibigan na si Claudine na halos maligo sa sariling dugo. Nakahandusay ito at mayroon pang nakatarak na kutsilyo sa dibdib nito.
Hindi magawang lapitan ni Marissa ang kaawa-awang si Claudine na tila naparalisado ang buo niyang katawan sa nakita. Tanging pag-iyak na lamang ang kaniyang nagawa. Bakit hindi nila namalayan na umalis si Claudine? Bakit hinayaan nila ito na mag-isang kunin ang hustisya?
Naramdaman ni Marissa ang paghaplos ng palad ni Kevin sa kaniyang likod.
Kapwa namilog ang mga nila nang lumabas ang nakasuot ng maskara mula sa pinagtataguan nito sa bandang dulong bahagi ng kubo. Ang suot nitong pang-itaas ay halos tumakip sa buong katawan nito dahil sa mahabang mga manggas at ang tangi lamang nilang nakikita ay ang mga daliri nitong mahigpit na nakahawak sa itak. Maging ang suot nitong pajama ay malaki na hindi na halos makita ang mga paa nito.
Sa kabila ng nakatago nitong mukha ay nababatid nila na kilala nila ito dahil na rin sa mahaba at tuwid nitong buhok, si Derya.
"Hayop ka, Derya! Papatayin kita! Papatayin ko kayo!" malakas na sigaw ni Marissa. Wala siyang pakialam kung pumatay siya ng tao, maipagtanggol lamang niya ang sarili.
Napatingin si Kevin sa itak na hawak ni Derya. Bahagyang dumiin ang pagkakahawak nito roon at batid niya ang susunod na mangyayari. Pilit niyang pinipigilan si Marissa na makalapit kay Derya. Bagaman maaaring mayroon siyang laban kay Derya, hindi niya iyon gagawin dahil maaaring ikapahamak nila iyon lalo na at sa oras na dumating ang kapatid nitong si Karen.
Bahagyang umatras si Kevin at pilit niyang inakay si Marissa. Nakikita ni Kevin ang bahagyang paghakbang ni Derya palapit sa kanila. Kailangan nilang makatakbo upang makatakas. Hindi ito ang pagkakataon upang makaganti sa magkapatid lalo na't mayroon itong hawak na itak.
Mahigpit na hinawakan ni Kevin ang isang kamay ni Marissa sa nagbabadya nilang pagtakbo. Hindi hahayaan ni Kevin na mapahamak si Marissa. Tinignan niya sa mata si Marissa at batid niyang nahinuha nito ang nais niyang mangyari.
Bago pa man maihakbang ni Derya ang mga paa nito ay mabilis na tumakbo sina Kevin at Marissa.
WALANG tigil sa pagtakbo ang dalawa at pilit na tinatakasan ang humahabol sa kanila. Ilang minuto na rin silang tumatakbo at nakakaramdam na sila ng pagod, ngunit wala silang magawa kung hindi tumakbo upang takasan ang kamatayan. Hindi na rin nila alam kung nasaan sila dahil sa masukal na bahagi sila dinala ng kanilang pagtakbo.
Ang kamay ni Marissa na nakahawak sa kamay ni Kevin ang nagbibigay sa kaniya ng lakas ng loob. Gagawin niya ang lahat, maprotektahan lamang ang babaeng minamahal. Handa siyang mamatay, huwag lamang mapahamak si Marissa, dahil ikamamatay niya kung sakaling mawala ito sa kaniya.
Gayon na lamang ang pagkabigla ni Kevin nang mahulog si Marissa sa bangin. Ang kamay nito ay mabilis na nakabitaw mula sa kaniyang pagkakahawak.
"Marissa!" malakas na pagpapakawala niya ng sigaw. Nakita niya kung paano magpagulong-gulong si Marissa. Sa taas ng bangin, imposibleng makaligtas pa si Marissa.
Sinubukan niyang bumaba ngunit nabigo siya dahil lubhang mapanganib. Wala na siyang nagawa kung hindi umiyak sa nangyari kay Marissa. Hindi niya sukat akalain na ganoon ang mangyayari. Bakit wala man lang siyang nagawa upang hindi iyon mangyari kay Marissa? Bakit hindi niya nahawakan ang kamay nito? Sana ay nagawa pa niyang iligtas ito. Sinisisi niya ang kaniyang sarili sa nangyari.
BINABASA MO ANG
Karen Deryahan
HorrorDahil sa isang mananaliksik si Marissa, kailangan niyang humanap ng lugar na maaari niyang maging asignatura para sa kaniyang trabaho. Ang bayan ng Kalu ang lugar na kaniyang sasaliksikin upang alamin ang natatagong ganda nito. Ang nasabing bayan ay...