ANG nakaimprintang larawan ng lalaki na nakadikit sa bakal, ang nakaagaw-atensyon kay Marissa nang makasakay siya sa bangkang de-motor kasama ang kaniyang nobyong si Harry at si Claret na kaniyang kaibigan. Sa kaniyang nabasa, mahigit dalawang buwan nang pinaghahanap ang lalaking nasa trenta anyos at may pabuya sa kung sino ang makakakita rito.
Napabuntong-hininga si Marissa nang sumagi sa kaniyang isipan na maaaring tinangay ito ng dagat. Ibinaling niya ang tingin sa dagat na noon ay malakas ang alon na tila hindi sila pinapayagan nito na makapunta sa kanilang pakay. Doon pa lang ay nabuo na ang konklusyon sa kaniyang isipan na maaaring tinangay ito at sa lalim ng dagat, tila mahihirapan ang kamag-anak nito na makita ang kapamilyang nawawala.
"Bakit pati sa bangka may nakapaskil niyan?" walang galang na tanong ni Harry at nilapitan nito ang nakapaskil na larawan.
"Pati rin ho sa harap ng bangka, mayroon ding nakapaskil," magalang na sagot ng lalaking nangangasiwa sa bangka at nakatalikod ito habang may inaayos sa bandang unahan.
Lumapit si Claret kay Harry at tiningnan din nito ang nakapaskil. "Baka raw kasi makita ng mga sirena at tsokoy ang lalaking ito kaya nilagay ni manong dito," natatawang turan ni Claret at ang tawa nito ay may halong pang-aasar. "Kapag sila ang nakakita, ano kayang gagawin nila sa pera?"
"Ano ka ba, Claret, malamang bibili sila ng isda para ulamin nila," tugon ni Harry at nagpakawala ito ng nakapang-iinsultong tawa.
Napailing na lang si Marissa at wala na siyang planong sawayin pa ang dalawa dahil kahit anong gawin niya, hindi na niya mababago ang ugali ng mga ito. Siya na lang ang nahihiya sa asal ng dalawa. Sinulyapan niya ang lalaki at kahit hindi niya nakikita ang mukha nito, ramdam niyang tila nainsulto ito.
"Hindi naman ho sa ganoon. Baka kasi sakaling may makakilala riyan na mga nakatira rito sa bayan na ito," tugon ng lalaki at humarap ito.
Hindi maitatanggi na nabigla si Marissa nang makita ang mukha ng lalaki. Ang mukha nito ay tila nasunog at ang kaliwang mata nito ay halos matakpan na. Nakita niya ang pagkahiya nito habang nakatitig sila rito.
"Yuck!" sambit ni Claret at umarte ito na tila nasusuka. Ni hindi man lang ito nahiyang iparinig sa lalaki ang sinambit.
Bahagyang yumuko ang lalaki. "Kaya ganito ang mukha ko, binuhusan ito ng asido."
"Taga saan po ba ang lalaking nawawala?" pag-iiba ni Marissa at nasa tono niya ang paggalang sa lalaki dahil hindi niya nais na itulad ang kaniyang sarili kina Harry at Claret. Galing sila ng Manila at ayaw niyang maging masama ang tingin nito sa mga taong nakatira malayo sa Kabihasnang nakagisnan nito.
Kaagad na sumulyap ang lalaki kay Marissa at ngumiti ito. "Sa bayan ng Kalu, sa pupuntahan ninyo," sagot nito kasunod ang pagpapaandar sa bangka.
Hindi mawari ni Marissa kung bakit bigla na lamang bumilis ang kabog sa kaniyang dibdib nang umandar ang sinasakyang bangka. Sa unang beses na napuntahan niya ang isang lugar, hindi niya iyon naramdaman. Iba ito kumpara noon. Tila may kakaiba ang bayan na kanilang pupuntahan.
Hindi nais ni Marissa na balutin ng negatibong pag-iisip ang kaniyang isipan. Inisip na lang niya ang magagandang tanawin na maaari nilang makita at kung anong ganda ang natatago nito. Marahil ay marami siyang matutuklasan. Hiling niya ay maging masaya ang mga araw nila sa kanilang pupuntahan.
Dahil malayo ang bayan ng Kalu, sinamahan si Marissa ng kaniyang nobyong si Harry at kaibigan na si Claret sa kaniyang pananaliksik sa lugar. Tumanggi siya na huwag na siyang samahan ng nobyo, ngunit nagpumulit ito dala ng kawalan ng tiwala. Dahil sa probinsya iyon ni Toffer, sumama na rin ito sa kaniya. Inaya nitong sumama na rin ang nobya nitong si Claudine at ang dalawa pa nilang kaibigan na si Kevin at Mayett na kasalukuyan nang naroroon.
BINABASA MO ANG
Karen Deryahan
HorrorDahil sa isang mananaliksik si Marissa, kailangan niyang humanap ng lugar na maaari niyang maging asignatura para sa kaniyang trabaho. Ang bayan ng Kalu ang lugar na kaniyang sasaliksikin upang alamin ang natatagong ganda nito. Ang nasabing bayan ay...