NAPABALIKWAS si Marissa sa kaniyang paggising matapos makapanaginip ng masama. Ramdam niya ang malamig na pawis sa kaniyang katawan. Ang kaniyang katawan ay nanghihina dahil sa panaginip at hindi na niya nais pang bumalik sa pagkakatulog.
Napahilamos si Marissa gamit ang kaniyang mga palad at pagkuway, ibinaling niya ang tingin sa bintana. Maliwanag na at ang sikat ng araw ay pumapasok sa kaniyang silid.
Sa kabila ng nangyari ay nagawa pa ring ngumiti ni Marissa dahil panaginip lamang iyon. Makakasama pa rin niya si Kevin at magsasama pa rin sila nang matagal. Maraming ulit na rin siyang binabangungot dahil sa labis na pag-aalala.
Mahigit dalawang taon na ang nakalilipas, ngunit ang magkapatid na Turo ay hindi na nahuli. Siguro ay tinakot lamang sila nito. Sa katunayan, ikinasal na lamang sila ni Kevin, ngunit wala pa ring masamang nangyari sa kanila. Ni hindi na talaga ito nagpakita sa kanila.
Naging masaya si Marissa sa piling ni Kevin. Kahit na isang taon pa lamang nang sila ay maging mag-asawa, naramdaman ni Marissa ang labis na pagmamahal sa kaniya ni Kevin. Hindi siya makapaniwala na matapos ang bangungot ng kahapon, muli pa palang malilimbagan ng matamis na sandali ang kanilang kabanata. Ngayon, nagtapos ang kuwento nila ni Kevin sa masayang pagwawakas.
Naramdaman ni Marissa ang malamig na sahig nang ilapat niya ang mga paa roon. Nang pihitin ni Marissa ang seradura ng pinto ay tila bumilis ang tibok sa kaniyang dibdib. Sa kabila niyon ay ipinagpatuloy niya ang pagpihit doon upang makalabas na ng silid dahil ipinagtaka niya kung bakit hindi siya ginising ni Kevin, gayon ay parati silang magkatabing matulog.
Habang binabagtas ni Marissa ang hagdan paibaba, ang katahimikan ay nakapagbibigay sa kaniya ng kaba. Kahit na silang dalawa lamang ni Kevin ang nakatira sa kanilang tahanan, kailanman ay hindi naging ganoon katahimik ang loob. Kakaiba ang katahimikang bumabalot sa kanilang tahanan. Anong dahilan niyon?
Hindi man niya nais mag-isip ng kung ano, tila kusang pumapasok sa kaniyang isipan ang malagim na kahapon. Maging ang pagbabanta sa kanila ng magkapatid na Turo ay tumatakbo sa kaniyang isipan.
Bahagyang napailing si Marissa upang alisin ang gumugulo sa kaniyang isipan, ngunit hindi niya maitatanggi kung gaano siya binabalot ng takot ng mga sandaling iyon.
Matapos ang ika-huling baitang ng hagdan, idinampi ni Marissa ang kaniyang palad sa haligi ng pintuan patungo sa salas. Tila nagdadalawang-isip siyang silipin iyon dahil sa labis na takot.
Bahagya siyang napahawak sa kaniyang dibdib at ramdam niya kung gaano kabilis ang tibok doon. Si Kevin, nasaan ito?
Dahan-dahang inihakbang ni Marissa ang kaniyang mga paa upang lubusang masilayan ang salas. Sa hindi maipaliwanag, tila natatakot siyang makita ang salas sa maaari niyang makita roon. Ang pag-aalala niya kay Kevin at ang kakaibang katahimikang bumabalot sa kanilang tahanan, ang nakapagbibigay sa kaniya ng matinding takot.
Halos mapaatras si Marissa at manlaki ang kaniyang mga mata nang marinig ang malakas na putok.
"Happy birthday!" bati kay Marissa ng mga panauhin sa kaniyang harapan.
Napangiti si Marissa nang masilayan ang kaniyang ama at ina na nakangiti sa kaniya. Maging ang ama at step-mother ni Kevin na si Clara ay nasa kanilang tahanan upang makisaya sa kaniyang kaarawan.
Ang higit na nakapagpangiti kay Marissa, nang lumapit sa kaniya ang asawang si Kevin at yakapin siya nito nang mahigpit.
"Happy birthday, mahal ko," punong-puno ng pagmamahal na bati sa kaniya ng asawa.
BINABASA MO ANG
Karen Deryahan
HorrorDahil sa isang mananaliksik si Marissa, kailangan niyang humanap ng lugar na maaari niyang maging asignatura para sa kaniyang trabaho. Ang bayan ng Kalu ang lugar na kaniyang sasaliksikin upang alamin ang natatagong ganda nito. Ang nasabing bayan ay...