TINANGGAL din ng babae ang suot nitong hairnet. Ang mahaba at tuwid nitong buhok ay nagsimulang tangayin ng malakas na ihip ng hangin. Maging ang suot nitong apron ay tinanggal din nito at inihagis sa loob ng kubo. Idinako nito ang tingin kina Marissa at pinakitaan sila nito ng matamis na ngiti. Ang maganda nitong mukha ay kaagad nilang napansin at sa pustura nito, tila hindi naninirahan sa bayan na kanilang kinaroroonan.
Lumapit ang babae kina Marissa at ang ngiti nito ay hindi nawala. "Kakain ba kayo?"
"Oo, nagutom kasi kaming dalawa sa paglalakad," magiliw rin na ani Kevin.
Sandali pang tiningnan sina Marissa at Kevin ng babae na tila kinikilatis silang dalawa. "Saan ba kayo galing?"
Ilang sandali ring natahimik si Marissa dahil tila bigla na lang siyang kinabahan. Hindi niya alam kung bakit na tila pakiramdam niya ay may kakaiba. Mabigat ang pakiramdam niya sa lugar na iyon at hindi niya mawari kung dala lang iyon ng gutom at pagod.
Napailing si Marissa matapos niyang mapagtanto na matagal siyang natahimik. Pinilit niyang ngumiti at sinulyapan niya ang babae. "R-researcher kasi ako at naghahanap ako ng lugar na maaari kong masaliksik. Itong bayan ng Kalu ang pinuntahan namin. Kaya lang hanggang ngayon, wala pa rin akong nakukuhang impormasyon."
Bahagya pang napatango ang babae habang salitan nitong pinasadahan ng tingin sina Marissa at Kevin. "Hayaan mo, gagawin ko ang lahat para makatulong sa iyo. Ano nga pa lang kakainin ninyo?"
"Ano bang puwede naming kainin? Hindi pa kasi kami nanananghalian ni Marissa."
Bahagyang ngumiti ang babae at nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga. "Tamang tama, mayroon kaming Adobo, Sinabawang utak, Bopis, Sisig, Kaldereta at Dinuguan. Kung gusto naman ninyo, mayroon kaming isaw at dugo."
"Ano ang sa iyo, Marissa?"
"W-wala ba kayong lutong isda?" pagtatanong ni Marissa dahil ipinagtaka niya kung bakit wala itong nabanggit na lutong isda. Sa hindi rin maipaliwanag ay tila naduduwal siya, ngunit pinipigilan niya bilang respeto sa may-ari ng karinderya.
Tumitig ang babae kay Marissa at walang emosyon ang mukha nito. "Nagkaroon ng oil spill sa dagat, kaya nalason ang mga isda. Dahil doon, hindi muna kumakain ng isda ang mga residente rito. Mag-iisang taon na rin nang mangyari iyon."
Tanging pagtango ang naging tugon ni Marissa. Ibinaling niya ang tingin sa mga taong kumakain. Sa kaniyang nakikita, tila masarap ang mga pagkain sa karinderyang iyon.
"Ano, Marissa?" tanong ni Kevin na tila sabik na itong kumain.
Binato ni Marissa ng tingin si Kevin at nginitian niya ito. "Kaldereta at kanin." Kahit hindi man gustong kumain ni Marissa ay napilitan siya dahil maaaring kung ano pang isipin ng babaeng may-ari ng karinderya. Tila napawi ang gutom niya sa hindi niya maipaliwanag na dahilan.
"Dalawang order ng kaldereta at kanin. Dinuguan din pala, paborito ko kasi iyon," pahayag ni Kevin sa babae at inibot nito ang isang-libo.
Ilang minuto nang nakatingin si Marissa sa karatula. Tila hinahatak niyon ang kaniyang paningin. Habang nakatingin siya roon ay pakiramdam niya ay mali ngunit hindi naman niya maipaliwanag kung ano.
"Karen Deryahan ang pangalan ng karinderya namin."
Napatingin si Marissa sa babae nang marinig niyang magsalita ito. Ipinagtaka niya kung bakit walang emosyon sa mukha nito. Pinilit niyang nginitian ang babae upang hindi nito mahalata ang kaniyang nararamdaman.
"Hintayin na lang ninyo." Humakbang na palayo ang babaeng may-ari ng karinderya at pumasok ito sa loob ng kubo.
Nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Marissa. Misteryosa niyang maituturing ang babae dahil habang kausap nila ito ay tila may nakatagong mensahe sa likod ng mga mata nito. Iniisip na lang niya na maaaring ganoon lang siguro ang katangian ng mga tao sa bayan ng Kalu.
BINABASA MO ANG
Karen Deryahan
HorrorDahil sa isang mananaliksik si Marissa, kailangan niyang humanap ng lugar na maaari niyang maging asignatura para sa kaniyang trabaho. Ang bayan ng Kalu ang lugar na kaniyang sasaliksikin upang alamin ang natatagong ganda nito. Ang nasabing bayan ay...