"KAYONG tatlo na lang ang maghanap ng ebidensya, mahirap na kung walang maiiwan dito," pahayag ni Harry at ang kamay nito ay nakahawak sa kamay ni Marissa.
"Sigurado ka ba? Sumama ka na lang sa amin. Delikadong mag-isa ka rito, Harry. Lalo na't minamanman tayo nina Karen at Derya," pag-aalalang saad ni Marissa. Sa puntong iyon ay muling bumalik ang dating Harry na kilala niya, ang dating nobyo noong nililigawan pa lamang siya.
Bahagyang ngumiti sa kaniya si Harry. "Sa oras na mapagbayaran na nila ang mga kasalanan nila, at sa oras na malaman na natin kung anong nangyari sa mga kaibigan natin, aalis na tayo rito."
Sa huling pagkakataon ay niyakap niya ang nobyo. "Mag-ingat ka rito."
"Kayo rin," tugon ni Harry habang hinaplos siya nito sa likuran.
"May magandang balita akong sasabihin," saad ni Kevin nang makapasok ito sa kanilang kinaroroonan.
Bago pa man sila humanap ng ebidensya ay pinuntahan muna ni Kevin ang karinderya nina Karen at Derya upang makatiyak sila na magiging ligtas ang kanilang paghahanap ng ebidensya.
Pumiglas si Marissa mula sa pagkakayakap sa nobyo upang lingunin si Kevin. "Ano iyon, Kevin?"
Nakita nila ang pagguhit ng ngiti sa labi nito. "Hindi nagtinda ang magkapatid. Puwede tayong pumasok sa kubo."
Napatayo si Claudine mula sa pagkakaupo. Kanina pa siya tahimik dahil sa labis na pag-aalala para sa nobyo. Hindi man niya gustong tanggapin na wala na si Toffer, wala na siyang magagawa dahil isa na rin sa mga biktima nina Karen at Derya ang kaniyang nobyo. Nais niyang bigyan ito ng katarungan, maging ang kanilang mga kaibigan at ang mga kaawa-awang mga taong nabiktima ng mga ito.
"Hindi kaya dahil hindi sila nagtinda ngayon, nalaman na nila na mayroong nakatuklas sa lihim nila?" palaisipang tanong ni Claudine.
"Maaaring ganoon nga, pero hindi puwedeng tumahimik na lang tayo at maghintay na isunod na gawing karne para sa tinda nila. Kailangan nating kumilos para mabigyan ng hustisya ang mga nabiktima nila," pahayag ni Marissa. Tila gumaan ang kaniyang loob nang malaman ang may kagagawan kung bakit sunod-sunod ang pagkawala ng mga tao roon. Masakit para sa kanila dahil batid na nilang wala na si Mayett at hindi man nila gustong isipin na ganoon din ang kinahinatnan nina Claret at Toffer, may posibilidad na iyon din ang nangyari sa dalawa. Ngayon na alam na nila kung sino ang may kagagawan ng lahat, ipinapangako ni Marissa na pagbabayaran ng magkapatid ang mga kasalanan nito.
"Tama ka, Marissa. Pagbabayaran ng Karen at Derya na iyan ang mga ginawa nila, lalo na kay Toffer!" punong-puno ng galit na turan ni Claudine.
Bahagyang napalunok si Marissa kahit ang lalamunan niya ay halos matuyot na nang dahil sa kaba sa kanilang gagawin. Hindi niya alam kung ipapaalam ba niya sa kaibigan ang pagtataksil na ginawa nina Toffer at Claret. Kailangan ng mga ito ng hustisya kaya labag man sa loob niya ay kailangan niyang ilihim iyon.
"Tara na at baka magpunta sina Karen at Derya sa kubo," turan ni Kevin.
"Mag-ingat kayo, Kevin," bilin ni Harry at ang tono nito ay may bahid ng pag aalala.
"Makakaasa ka, Harry."
INILAPAG ni Karen ang pangalawang bugkos ng bulaklak na kaniyang ginawa sa puntod ng ama. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin ang sugat sa kaniyang puso dulot ng masamang kahapon. Pilit man niyang kinakalimutan ang kahapon, ngunit hindi niya magawa. Hanggang ngayon ay balot pa rin siya ng poot. Hindi niya alam kung paano siya makakalimot, ngunit hangga't hindi niya nalalaman kung sino ang may kagagawan kung bakit natumok ng amoy ang kanilang bahay, patuloy pa rin siyang babagabagin ng bangungot ng kahapon.
BINABASA MO ANG
Karen Deryahan
HorrorDahil sa isang mananaliksik si Marissa, kailangan niyang humanap ng lugar na maaari niyang maging asignatura para sa kaniyang trabaho. Ang bayan ng Kalu ang lugar na kaniyang sasaliksikin upang alamin ang natatagong ganda nito. Ang nasabing bayan ay...