"May Isang Umagang Naghihintay"

1.3K 7 0
                                    

Siguro naman lahat ng mga Pilipino sa buong mundo ay alam ang nakakakilabot na nangyayari sa Marawi City kung saan ay maraming kababayan natin ang nag buwis ng buhay para lang sa tinatawag nating kapayapaan.

Ang digmaan ay parte na ng ating kasaysayan, sa matagal na panahon ay hindi pa rin ito tuluyang nawakasan, ngunit hanggang ngayon ay patuloy paring nakikipag-usap ang ating gobyerno sa mga tinuturing nitong mga kalaban upang resolbahin ang kanilang mga hinain.

Ngunit sadyang may mga bagay na hindi napagkakaunawaan. Ano nga ba ang tunay na dahilan? Bakit sila nakikipaglaban? Maraming dahilan kung bakit, mga dahilang dapat na bigyang pansin dahil kung hindi ay patuloy na mag danak ang dugo sa buong bayan.

Ang nangyaring gyera sa Marawi City ay isang kahindik-hindik. Isang madilim na panaginip na naging bangungot sa karamihan. Ang lugar kung saan naging patay na bayan, naghihingalo at kailangang tulungan.

Kung ikaw ang nasa katayuan nila, paano mo ito tanggapin at yakapin? Masisikmura mo ba ang kanilang pinagdadaanan? Hindi ganun kadali ang nangyari sa kanila. Walang sino man ang may gusto at higit lalo lahat tayo ay naghahangad ng kapayapaan.

Ang nangyaring trahedya sa Marawi City ay maaaring mangyari din sa atin at sa kung sino man. Kaya dapat maging alerto tayo at madiskarte kung paano natin ito malalagpasan. Hindi lang ito usapin ng ating Gobyerno kundi usapin ito ng buong mamamayang Pilipino. Marapat lamang na tugunan ang puno't dulo ng problemang ito dahil kung hindi magpapatuloy ang pang-aapi at pang-aabuso.

Ito ang malaking hamon sa makabagong panahon ngayon, kung paano natin solusyunan ang problemang hindi lamang nakatuon sa digmaan kung hindi ang pangkabuuang problema ng ating bayan na matagal na nating pinapasan. Pag-aralan na dapat natin ang bawat kilos bago natin gawin ang nararapat.

Naniwala akong may isang umagang naghihintay sa muli nating pag bangon at ang lahat ng pagsubok ay ating malalagpasan basta't maging mahinahon tayo sa bawat hakbang na gagawin. Magkaisa tayo at lalong patatagin ang ating mga sarili tungo sa tunay na pagbabago para sa ating lipunan.

Essay - SanaysayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon