Nakakatuwa, nakakakaba, ngunit nakakainis, nakakagalit, at nakakawala din ng gana. Higit sa lahat nakakapagod ng tumakbo lalo na't ang iba ay umabot na sa finish line at nakapagpahinga na habang ikaw ay nasa kalagitnaan parin ng sikat ng araw at mahaba-haba pa ang tatakbuhin.
Ang pagtakbo ay isang paligsahan hindi lamang ng mga mahuhusay, beterano at sanay sa larangang ito. Lahat tayo ay may taglay na kakayahan at may kalayaang tumakbo kahit ito'y hindi simpleng takbo lamang, sapagkat ito ay may katumbas na parangal hindi lamang medalya at perang matatanggap kundi ang karangalan para sa iyong sarili at ng buong bansang iyong kinabibilangan.
Hirap at pait ang iyong mararanasan sa t'wing ika'y sasabak sa digmaang pagtakbo. Mapanganib at hindi biro ang larangang ito sapagkat kailangang malakas at malusog dapat ang iyong pangangatawan lalong higit ang iyong puso't isipan. Mahalaga ding malaman mong paano sayawin ang bawat hakbang ng iyong mga paa habang tinatahak mo ang kalagitnaan ng daan.
Ngunit sa kabila ng lahat ito ay hindi parin alintana ang pagod at sakit ng katawan, ang mahalaga ay nairaos mo ang hirap na iyong pinapasan umabot lamang sa patutunguhan. At isipin mong ginagawa mo ang lahat ng ito dahil may malalim kang dahilan. Dahil ang bawat patak ng pawis sa iyong katawan ay may katumbas na kasiyahan.
H'wag kang panghinaan ng loob, at h'wag mong isiping hindi mo kayang gawin ang hamon sa takbuhan dahil lalo kang malulunod sa ilusyong iyon. Harapin mo at hamunin ang sarili na kaya mong makipagsabayan, na kayang mong takbuhin ang layo ng distansya, at kaya kang dalhin ng iyong pangarap na makaabot sa finish line.
Dahil sa ngalan ng pagtakbo, kalaban mo ay iisa lang, tanging ang sarili mo lamang.
BINABASA MO ANG
Essay - Sanaysay
Storie breviMga sanaysay mula sa aking imahenasyon, sa tunay na karanasan at sa totoong buhay. ☺️