"Isang Pirasong Papel"

1.4K 3 0
                                    


"Mabuhay ang bagong kasal!" Sigaw ng mga taong saksi sa pag-iisang dibdib ng aking mga magulang kasabay nito ang malakas na palakpakan matapos ang seremonyas ng kanilang kasal. Malamang lahat ng mga tao ay nagagalak at natutuwa sa araw na ikinasal ang aking Ina at Ama noong Setyembre 29, 1965. Kapareho ng Fiesta ni San Miguel Arkanghel sa bayan ng San Miguel, Surigao del Sur.

Ayon sa aking mga magulang, ang pag-aasawa ay isang malaking hamon sa kanilang dalawa kung paano nila harapin ang darating na mga pagsubok sa kanilang buhay. Mabigat na responsibilidad ang dapat na tugunan agad ng pansin at hindi na dapat hintayin pa ang pagsikat ng araw bago solusyunan ang problemang hinaharap. Problemang mag-asawa man o problema ng kani-kanilang mga pamilya. Hindi ganoon ka dali ang maging Ina sa edad na Dalawamput Isang taong gulang lamang habang Dalawamput Dalawang taong gulang naman ang aking Ama.

Pagsasaka ang hanapbuhay ng aking mga magulang dahil Second Year High School lang ang tinapos ng aking Ina, hindi na ito nagpatuloy pa sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng pinansyal na pangangailangan. Samantalang Grade 1 lang ang natapos ng aking Ama, dahil bukod sa kakulangan din ng tulong pinanayal sya na ang tumatayong haligi ng kanilang pamilya.

Ipinanganak ang aking Ina na si Violeta "Violy" Guardalope Coma, sa bayan ng Saca, Carrascal, Surigao del Sur ng kanyang mga magulang na sina Pedro Yparraguirre Coma at Irenea Poyalis Guardalope noong Mayo 3, 1944. Ang aking Ina ang panganay sa anim na magkakapatid.

Pangarap nyang maging isang Madre at magsilbi sa simbahan, ngunit sadyang hindi talaga para sa kanya ang tadhanang ikasal sa ating Panginoong Hesus kaya napangasawa nya ang noo'y hindi nya pa gusto, ang aking butihing Ama. Subalit naging aktibo naman sya sa simbahan at nagsilbi bilang Katekista sa mahabang panahon katuwang ang aking Ama.

Sa bayan naman ng Patong-patong, Madrid, Surigao del Sur ipinanganak at lumaki ang aking Ama na si Sotico "Tiku" Guillen Hayahay Sr., ng kanyang mga magulang na sina Cayetano Bocarelli Hayahay at Maria Cuadrado Guillen noong Enero 7, 1943. Ayon sa kanyang pamilya ang aking Ama ang pinakamasipag sa lahat ng magkakapatid.

Maagang napasabak sa gawaing bukid ang aking Ama, sa murang edad subsob na sya sa mabibigat na mga gawain, katulad ng pag tanim ng palay, mais, gulay at iba pa. Sa katunayan sya na halos ang namamahala sa kanilang bukirin, ito ang dahilan kung bakit hindi na nya naipagpatuloy pa ang kanyang pag-aaral. Ayon sa kwento ng aking Ina nag-aral lang ang aking Ama kung paano isulat ang kanyang pangalan at signatura, marunong naman syang mag bilang ng numero at pera, nakakabasa ngunit hindi lahat ng titik at wika.

Ngunit sa kabila ng kahinaan ng aking Ama may malawak naman itong kaisipan at diskarte sa buhay ayon sa aking Ina. Mas matalino pa ito sa mga taong may pinag-aralan. Mapagmahal, busilak ang puso at may respeto. Abot langit ang kabaitan at kahit kailan ay hindi ito nagrereklamo sa buhay, higit lalo malawak ang kanyang mga pangarap para sa kanyang pamilya at mga Anak. Iyon ang mga katangiang nag udyok sa aking Ina na mahalin ang aking Ama.

Taong 1958 ng lumipat ng tirahan ang buong pamilya ng aking Ina sa bayan ng Siagao, San Miguel, Surigao del Sur. At taong 1959 naman lumipat ang buong pamilya ng aking Ama sa bayan ng Sagbayan, San Miguel, Surigao del Sur. Halos magkalapit lang ang kanilang baryo at isang malaking sapa lamang ang pagitan.

Isang gabi noong May 18, 1961, kapistahan sa bayan ng Siagao ng magtapo ang kanilang mga landas sa isang sayawan o tinawag na "Bayle" kung saan gamit pa ang"Petromax light" na syang nag sisilbing liwanag sa gabing madilim dahil wala pang kuryente sa mga panahon na iyon, lumang klase ng "Ponograph" o "Grapopono"  bilang sound system at ang makalumang tugtugin na mga kanta.

Essay - SanaysayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon