Simula pagkabata wala akong maalala na pinagbuhatan mo ako ng kamay dahil sa aking kasarian. Kung nasaktan man ako ay dahil dun sa mga responsibilidad na di ko nagampanan bilang isang anak na dapat tumulong sa mga gawaing bahay.
Salamat dahil hindi biro ang maging isang haligi ng tahanan lalo na sa estado ng ating buhay, ngunit nagampanan at nalagpasan mo ang lahat ng pagsubok. Taas kamaong pagsaludo at respeto sayo Itay. Katuwang mo lang noon sa sakahan natin ang aming isang nakakatandang kapatid na Babae na hindi na rin nakapag tapos ng pag aaral dahil tumutulong sayo sa ating sakahan. Sa dami namin hindi ka pinalad na magkaanak ng maraming lalaki.
Naalala ko noong pilit mo akong tinuturuan mag araro at ako naman reklamo ng reklamo dahil ayokong gawin ang pinapagawa mo. Kaya nagtitiis nalang akong mag linis ng pilapil, ng palayan, mag aabono at taga igib mo ng tubig sa twing kailangan mong mag "spray" ng palayan.
Paulit ulit mo pa nga sinasabi sa akin na dapat mag tapos talaga ako sa pag-aaral dahil hindi ako tatagal sa ganitong trabaho. Kaya pinipilit at kinakaya kong tapusin para sa inyo. Di man ako nangako sayo pero sa awa ng Diyos natapos ko sa hirap at ginhawa. Alam kong walang mapagsidlan ng tuwa ang iyong nararamdaman ng malaman mong magtapos ako sa pag aaral.
Salamat dahil ni minsan hindi mo kami sinisigawan, pinapahiya at pinapalo sa harap ng maraming tao. Parang hindi ka nga galit dahil wala naman sa tono ng boses mo pero kami nanginginig na sa takot sayo. Ang bait mo pa nga kasi tatanungin mo muna kami kung ilang palo ang gusto namin saka mo kami papaluin tapos deretso luhod sa harap ng altar.
Hindi ka man pinalad na makapag aral noong kapanahunan ninyo ngunit higit pa sa isang magaling at matalinong tao ang iyong natutunan sa buhay. Ang iyong mga pangaral ay baon baon namin hanggang sa huling buhay namin. Hindi ka nagkulang bilang Ama, kami ang may maraming pagkukulang bilang mga anak mo. Sana ay mapatawad mo kami.
Salamat dahil sa dami ng problemang pinapasan ng ating pamilya buhat ng maagang nag-asawa ang iba naming kapatid at hindi sila nakapagtapos sa pag aaral ni minsan di ko nabalitaang sinaktan at sinumpa mo sila, bagkus tinanggap at minahal mo pa rin sila ng buo bilang mga anak at parte ng pamilya. Kaya malaking dagok para sa amin noong ika'y lumisan.
Parang kelan lang ng ika'y nawala, ngunit parang nangyari kahapon lang. Masakit pa rin kahit na tanggap na namin pero may kulang.
Maraming maraming SALAMAT TATAY! Sa mga alaala, lalo na sa walang sawang pagmamahal mo sa amin, sakripisyo at pag aaruga na walang kapantay. Hindi mababayaran ang iyong kabayanihang ginagawa. Hindi biro ang magkaroon ng Siyam na anak bunga ng inyong pagmamahalan ni Inay.
Biyaya ka para sa amin. Isa kang dakila, napaka busilak ng iyong puso, pinagpala ka ng Maykapal. Mahal na mahal ka namin at sobrang nangungulila na kami sa iyo. Kung saan ka man ngayon sana masaya ka sa piling ng ating Panginoon.
Hanggang sa muli nating pagkikita. Mahigpit na mahigpit na yakap Tatay!
+ Sotico Guillen Hayahay Sr.
January 7, 1943 - June 17, 2009
BINABASA MO ANG
Essay - Sanaysay
Short StoryMga sanaysay mula sa aking imahenasyon, sa tunay na karanasan at sa totoong buhay. ☺️