"Makulimlim Na Ulap"

1.9K 8 12
                                    

Kasabay ng malakas na kulog at kidlat sa kalangitan ang pagkawasak ng aking kumpyansa sa sarili na kayang kong lagpasan ang lahat ng pagsubok na dumating sa aking buhay. Hindi ko lubos maisip na sa isang kulog at kidlat pala ay biglang maglaho ang aking mga pangarap.

Ang mga masasakit na kahapon ay pilit na gumugunita sa aking isipan na dama kong sariwang-sariwa pa. "Hindi ba't ibinaon ko na sa limot ang lahat?" Tanong ng aking damdaming hindi mapakali sa kakaisip kung ano mga dahilan. "Bakit paulit-ulit nalang?" Pagpapatuloy ko pa, hanggang sa hindi ko na namalayang unti-unti na palang nahuhulog ang luha sa aking mga mata.

Dahil ba sadyang may mga bagay talaga na hindi kayang limutin lalo na kung ito ay napaka halaga sa ating buhay? Alam kong may mga panahong hindi ko naiwasang madapa sa lubak-lubak na daan at naputikan ang ang buo kong katawan. Ngunit wala akong magagawa sapagkat ako'y tao lamang at minsan ay nasadlak din sa kapusukan.

Hindi ito ang buhay na pinapangarap ko, hindi ito ang buhay na para sa akin, at lalong hindi ito ang nakatadhana, ang magdusa at walang kapalarang umibig at mahalin ay kasumpa-sumpa. Nasasaktan ako sa pagkakataong hindi ko man lang maipaglaban ang aking tunay na nararamdam dahil sa mga balakid na ito.

Kaya't minsan ayokong tingnan ang langit dahil sa makulimlim nitong mga ulap na alam kong may nagbabadyang hindi magandang mangyayari. Ngunit kahit anong pilit ang gawin kong pag-iwas ay sadyang nakikita ng aking mga mata ang kalangitan na tila ba'y nagluluksa katulad ng aking pag-iisa. Hangad ko lamang ang lumigaya ngunit tila ba kay hirap itong makita. Kailan ko kaya matatamasa ang ligayang matagal na akong pinaasa?

Gayunpaman umaasa akong sa isang umaga ay liliwanag din ang kalangitan kasabay ng pagsikat ng araw sa hilagang silangan. Dito muli ako magtanim ng magagandang alaala hanggang sa aking huling hininga. Siguro naman sa pagkakataong ito dito ko na masilayan ang walang humpay na kasiyahang aking inaasam-asam, at mga ngiting hindi ko man lang naranasan kailanman.

Essay - SanaysayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon