CHAPTER 10

2.3K 88 4
                                        

ISANG malalim na hininga ang pinakawalan ni Roevi habang naglalakad papunta sa sasakyan niya. Mabuti na lang at nakuha na niya ang sasakyan mula sa talyer. Pasado alas tres na ng gabi at kinailangan niyang mag-assist kay Fei na nagkaroon ng isang major operation.

Nagulat si Roevi nang may biglang dumamba sa kanya mula sa likuran at tinakpan ng panyo ang ilong at bibig niya. Bakit ba naisipan niyang sa may bandang dulong bahagi ng parking lot magpark kanina? Sinubukan niyang pumiglas pero mas malakas ito sa kanya. Unti-unting umikot ang paningin niya nang maamoy ang matapang na kemikal na nagmumula sa panyo. Gustuhin man niyang magpatuloy sa panlalaban ay hindi niya magawa dahil nagsisimula ng manghina ang katawan niya at manlabo ang paningin niya.

Harry...

Ang binata ang nasa isip niya nang tuluyan siyang lamunin ng dilim.

Nagbalik ang malay ni Roevi na nasa isang hindi pamilyar na lugar na siya. Mabilis niyang iginala ang tingin sa paligid. Nasa isang kuwarto siya na halos nanlilimahid na sa dumi ang mga dingding. Mayroon ding mga patong-patong na kahon ang nakasalansan sa may gilid na mukhang matagal na doon dahil sa alikabok. Tanging fluorescent light lang ang nagsisilbing ilaw doon.

Nakaupo siya sa isang monoblock chair habang ang mga kamay ay nakatali sa likod ng kinauupuan at ang magkabilang paa niya ay nakatali sa mga paa ng monoblock chair gamit ang packaging tape. Hindi din siya makagalaw dahil ang itaas na bahagi ng katawan niya ay nakatali din ng packaging tape sa sandalan ng upuan.

"Shit! Where the hell am I?" tanong niya sa sarili. Mabilis niyang pinakiramdaman ang sarili pero bukod sa sakit ng ulo ay wala naman siyang anumang naramdamang kakaiba sa katawan niya. Kahit paano ay nakahinga siya ng maluwag.

Nasa kalagitnaan siya ng pag-iisip kung paano siya makakatakas nang bumukas ang pinto. Nanlaki ang mata niya nang pumasok si Isabel kasama ang isang lalaki.

"Mabuti naman at gising ka na," nakasimangot na sabi ni Isabel nang huminto ito sa harapan niya. "Akala ko naman natuluyan ka na nung kemikal na sininghot mo."

"Bakit ninyo ako dinala dito?" Matalim ang tinging tanong niya dito.

"Nandito ka dahil kay Harry," sagot ng lalaking kasama nito.

"Ano ang kinalaman ni Harry dito?" naguguluhang tanong niya.

Lumapit sa kanya ang lalaki at mahigpit siyang hinawakan sa pisngi. "Malaki ang atraso ni Harry sa amin, Miss. Dahil sa kanya, marami ang nawalang pera at mga kargamento sa negosyo namin. Pinaniwala din niya kaming patay na siya para takasan ang mga kasalanan niya! And I would like to thank you, kasi nang dahil sa iyo nalaman namin na buhay pa pala ang walanghiyang lalaking 'yon at nagtatago lang sa kung saan." Kinilabutan siya sa pagkakangiti nito. "At ikaw ang gagamitin namin para ipakita sa kanya na hindi dapat niya kami ginagago."

Umiling siya. "Hindi na siya ang Harry na kilala ninyo. Nagbago na siya."

Tumawa ang lalaki. "Really? Well tingnan na lang natin. A leopard cannot change its color."

"Please pakawalan na ninyo ako dito. Wala kayong mapapala sa akin." pakiusap niya sa garalgal na tinig.

Tumawa ang lalaki. "Nagkakamali ka, Miss. Dahil malaki ang pakinabang mo para makaganti kami kay Harry. You seem to be important to him. Ano sa tingin mo ang mararamdaman ni Harry kapag nawala ang isang taong malapit sa kanya?" Tumawa ito nang malakas.

"Please, tigilan na ninyo si Harry. Hayaan n'yo na siyang magbagong buhay."

"Hindi kami titigil hanggat hindi pa niya pinagbabayaran ang mga kasalanan niya sa amin."

Harry, The VillainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon