CHAPTER 1

4.9K 127 18
                                    

Hi, guys! Sa mga FB friends ko, siguro alam niyo na ang kuwento sa likod ng story ni Harry. :) siya po ang evil half brother ni Katrina sa Katrina, The Fallen Angel. Hindi niya ako tinigilan at kinulit na ibangon ko ang 'dangal' niya.

-------------------------------

ISANG MALALIM na hininga ang pinakawalan ni Roevi nang maramdaman ang malamig na hangin na tumatama sa mukha niya. Mas masarap talaga ang simoy ng hangin sa probinsiya kumpara sa Maynila na laganap ang polusyon. 

Umuwi siya sa Catamlangan na isang barangay sa may Pilar, Sorsogon para magbakasyon ng isang buwan. Matagal nang lumipat sa Maynila ang pamilya niya. Taal na taga-Bicol ang Mama Gladys at Papa Enrique niya. Sa Catamlangan din sila lumaking magkakapatid. First year highschool siya noong lumipat sila sa Maynila dahil lumipat sa isang ospital ang ama na isang Doktor. Ang mama naman niya ay isang Public School Teacher. 

Madalang na lang silang nakakauwi lalo na noong magsipagtapos sila sa kolehiyo at naging abala na sa kanya-kanyang trabaho. Nag-migrate ang Kuya Tyrone niya sa Canada habang ang Ate Alicia niya ay nakatira na sa Australia kasama ang napangasawa nitong Australian.

Nasa Canada na din ang mga magulang niya at siya na lang ang natitira na nasa Pilipinas kaya kahit ilang beses na siyang sinasabihan ng mga ito na sumunod na din sa Canada ay lagi siyang tumatanggi. Ang katwiran niya, mas gusto niyang paglingkuran ang mga kababayan niya. Tulad ng ama ay isa din siyang Doktor.

Nag-leave siya sa Trinidad General Hospital kung saan isa siyang resident doctor dahil may isang batang pasyente siyang namatay. Naging malapit sa kanya ang batang si Angela na mayroong congenital heart disease. Kaya naman noong mamatay ito dahil na din sa komplikasyon ng sakit ay naging apektado siya. Alam niyang sa propesyon niya ay hindi dapat siya ma-attach sa mga pasyente niya pero hindi niya mapigilan ang sarili na mahulog ang loob sa bata. Angela was a sweet little girl that despite her illness, she never failed to smile. So she was devastated when the young girl died. Kaya naman nagdesisyon muna siyang umuwi sa Bicol. Matagal na din siyang kinukulit ng lolo at lola niya na magbakasyon doon. Pansamantala siyang nakituloy sa bahay ng panganay na kapatid ng mama niya na si Tito Jun. Ang bahay kasi na tinutuluyan nila dati ay ipinagbili na ng magulang niya noong lumipat sila sa Maynila. 

Taon na din ang lumipas mula noong huling beses siyang nagbakasyon. Sa ikalawang araw niya sa Catamlangan ay sasamahan niya ang pinsan na si Melissa na maglaba sa cale. Matanda siya ng limang taon dito.

Ang cale ay isang patubig na ang tubig ay galing sa isang ilog. Kahit na kasi mayroon namang de bombang poso sa Centro ay nakasanayan pa din ng mga tao sa Catamlangan na maglaba sa cale. Bigla tuloy niyang naalala ang kabataan niya kung saan sinasamahan din niyang maglaba doon ang ina.

Habang naglalakad ay napansin ni Roevi ang isang grupo ng lalaki na may pasan-pasang sako ng palay. Anihan ng palay kaya naman abala ang mga tao. Bukod kasi sa pagko-kopra ay pagtatanim ng palay ang ikinabubuhay ng mga tao doon. Ang ilan sa mga lalaki ay naging kaklase niya noong nag-aaral pa siya doon. Matapos batiin ang mga ito ay nakuha ng lalaking nasa dulo ang atensiyon niya.

Seryoso ang mukha nito habang pasan ang isang sako. May kahabaan ang buhok nito na umaabot hanggang sa balikat nito. Puno na din ng pawis ang suot nitong puting T-shirt kaya naman dumidikit ang suot nito sa katawan. Masasabi niyang maganda ang katawan ng lalaki. Muntik na din siyang mapasipol ng mapansin ang toned muscles sa braso nito. Alam ni Roevi na dahil banat ang katawan nito sa trabaho kaya ganoon kaganda ang katawan nito. Awtomatikong kumunot ang noo niya nang mapansin na parang pamilyar ang mukha nito pero hindi niya matandaan kung saan niya ito nakita.

Nang magtama ang mata nila ay may kung anong parang sumipa sa dibdib ni Roevi. His eyes are cold and devoid of any expression. Saglit lang na nagtama ang mga mata nila pero hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang epekto nito sa kanya.

Harry, The VillainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon