“ONE THOUSAND five hundred twenty po lahat,” imporma ng cashier kay Roevi matapos i-punch ang lahat ng pinamili niya sa isang supermarket sa may Daraga, Albay.
Binuksan ni Roevi ang bag pero nagtaka siya nang hindi makita ang wallet. “Sandali lang, Miss,” ani Roevi sa cashie. Kinapa din niya ang bulsa ng suot na pantalon pero hindi pa din niya mahanap ang wallet niya.
Mariin niyang nakagat ang ibabang labi at gusto na niyang iuntog ang ulo sa counter nang maalala na naipatong pala niya sa TV rack sa sala kanina ang wallet dahil nakita niya ang inaanak na anak ng kaklase niya noong high school. Nakalimutan niya iyong ibalik sa bag bago siya umalis. Sumabay kasi siya sa isang kapitbahay na nagkataong pupunta din ng Daraga.
“Sorry Miss. Nakalimutan ko ang wallet ko,” sabi niya at alanganing ngumiti.
Kung puwede lang na lumubog si Roevi sa kinatatayuan sa sobrang kahihiyan. Iyon ang unang beses na nangyari ang ganoon sa kanya. Gusto na niyang batukan ang sarili. Bakit ba kasi hindi muna niya chineck ang bag kung nandoon ang wallet niya bago siya umalis ng bahay? Paano na siya uuwi ngayon?
“Ako na ang magbabayad sa mga pinamili niya.”
Biglang napalingon si Roevi sa nagsalita sa likuran niya. Napaawang ang mga labi niya ng makita si Harry. Natauhan lang siya nang mag-abot ito ng pera sa cashier. Mabilis niyang pinigilan ang kamay nito.
“Hindi mo na kailangang bayaran ang mga pinamili ko.”
Walang bakas ng emosyong nilingon siya nito at binawi ang kamay mula sa kanya. “Narinig ko ang sinabi mo na hindi mo makita ang wallet mo. Just temporarily forget your pride and let me pay. Marami pa ang nakapila sa likod.”
Wala nang nagawa si Roevi kundi ang hayaan si Harry na bayaran ang mga pinamili niya. Bigla din niyang naalala ang pagsasalita nito ng English kanina. Hindi kasi iyon pilit at parang natural lang iyon sa binata. Hindi niya maiwasang pasimpleng pag-aralan si Harry na hindi nagbabago ang ekspresyon ng mukha. Even the way he moves is graceful.
Napatuwid siya ng tayo nang matapos ito sa pagbabayad at iabot sa kanya ang plastic bag ng mga pinamili niya. “T-thank you.”
Tumango lang ito at naglakad na palabas. Isang malalim na hininga ang pinakawalan niya habang nakasunod sa likuran ni Harry na parang hindi man lang nabibigatan sa dalang tatlong malalaking plastic bags.
Nakasunod siya sa binata hanggang sa labas ng supermarket. Paglabas ni Roevi ay sinalubong siya ng malakas na ulan. Kapag nga naman minamalas ka. Bukod sa wallet ay hindi din siya nakapagdala ng payong. Ang ganda kasi ng panahon noong umalis siya kanina kaya naman hindi niya akalain na uulan ng malakas.
Bigla niyang naalala na wala nga pala siyang dalang pera pamasahe. Dalawang beses lang may biyahe ang jeep mula Catamlangan papuntang Daraga. Isa sa umaga at isa sa tanghali. Ang last trip naman pabalik ng Catamlangan ay hanggang alas kuwatro ng hapon. Mayroon na lang siyang dalawampung minuto at hindi niya alam kung aabot pa siya dahil nga wala siyang pamasahe para sumakay ng jeep. Malayo naman kung lalakarin niya iyon tapos ay umuulan pa.
Ah, bahala na.
Tinakbo niya ang gawi ni Harry na noo’y binubuksan na ang pinto ng dala nitong pick-up. “Excuse me.”
Parang gusto ng umatras ni Roevi nang lingunin siya ni Harry. Napalunok siya at nilakasan ang loob na magsalita. “A-ano kasi, itatanong ko lang sana kung pauwi ka na sa Catamlangan? Puwede ba akong makisabay? P-pero kung may iba ka pang pupuntahan-“
Binuksan nito ang pinto at kinuha sa kamay niya ang mga dala niyang plastic bags. “Get in.”
“Ha?”

BINABASA MO ANG
Harry, The Villain
ActionHe destroys. She saves. He is cold as night. She's warm like the sun. He got so many secrets. She wanted to know everything. He pushes. She pulls. Harry knew Roevi was trouble the very first time their eyes met. Limang taon na siyang tahimik na n...