CHAPTER 4 PART 2

3.1K 102 7
                                    


“Nasaan na?” naiiritang tanong ni Kai sa driver niya na si Gomer.

Kinakapos sa paghinga na pinunasan niya ang pawis sa bandang noo niya.

“Sir hindi ko na po nakita. Parang lumiko na po sa kabilang kanto eh,” napakamot sa ulo si Gomer.

“Shit!” malakas na napamura siya.

Ano ba naman ang malay niya na magaling palang tumakas ang babaeng mangkukulam. Bigla na lang itong kumaripas nang takbo kanina at nawala na parang bula. Inis na naisuklay niya ang mga daliri sa buhok at hinarap ang driver.

“Hanapin mo siya. 'Wag kang magpapakita sa akin hangga't hindi mo siya nakikita.” mariing utos niya dito.

Namutla naman ang driver dahil sa banta niya. Alam nito na matinding sermon ang aabutin nito sa kaniya kapag hindi nasunod ang gusto niya kaya mabilis na kumilos ito. Nagmamadaling umalis na ito at iniwan siya.

Ilan beses siyang napamura at muling pinahid ang pawis sa noo. Marahil kung makikita siya ng mga kakilala niya ay pagtawanan siya ng mga ito. Buong buhay niya ay hindi niya naranasan na tumakbo ng ganoon kabilis. Hindi siya mahilig sa sports at ayaw niya sa lahat na pinagpapawisan at napapagod siya kaya ganoon na lang ang inis niya.

“Humanda talaga sa akin ang babaeng mangkukulam na 'yun kapag nakita ko siya,” gigil na tumawid siya sa kabilang side ng kalsada. 

Pero bakit nga ba nagsasayang pa siya ng oras na hanapin ito? pwede naman niyang pakilusin ang mga tauhan ng daddy niya para hindi na siya mapagod pa. Bakit nga ba sobra-sobrang effort pa ang ginagawa niya makita lang ang babaeng mangkukulam na iyon?

Naipilig niya ang ulo ng wala siyang makuha na anumang sagot sa mismong sarili niya. Wala rin siyang ideya sa nangyayari sa kaniya. Kung totoo man na nakulam nga siya o nilagyan siya nito ng spell o kung ano man ang tawag sa ginawa nito sa kaniya ay kailangan talaga nitong managot. Aba! siya, si Tristan Kai San Miguel ay ganoon na lang kung pahirapan nito.

Nang makaramdam siya nang
pangangalay ng mga paa dahil sa walang tigil na paglalakad niya ay napangiwi siya. Ngayon lang nangyari sa kaniya na naglakad siya ng ganoon kalayo at walang iba na maaaring sisihin kundi ang babaeng mangkukulam na iyon.

Tirik na tirik pa naman ang araw at kanina pa siya nauuhaw dahil malayo layo na rin ang nilakad niya. Natanaw niya ang isang maliit na sari-sari store sa tabi ng isang botica. Ang plano niya ay bumili doon ng maiinom pero natigilan siya ng maalala na wala siyang dalang pera maliban sa ATM card na nasa wallet niya. Mahinang napaungol siya ng maalala na naiwan pa pala niya sa loob ng sasakyan ang wallet niya.

“Great!” naiinis na tatalikod na sana siya pero natigilan siya ng makita niya sa labas ng sari-sari store ang taong hinahanap niya.

Naniningkit ang mga mata na ipinako niya ang tingin sa direksiyon ni Charity habang maingat na nilalapitan niya ito. Sakto naman na medyo malapit na siya dito ay narinig niya itong nagsalita.

“Lola kumain lang po kayo,” narinig niyang sabi ni Charity.

Noon lang niya napansin ang isang matandang babae na kumakain ng tinapay at may hawak na bote ng softdrink sa tabi nito. Nakaupo ang mga ito sa isang mahabang upuan na yari sa kahoy.

“Salamat sa'yo, anak. Napakabuti mo, sana ay marami pang mga kabataan ngayon ang maging kasing buti mo. Kumain ka na rin. ” ang sagot ng matanda dito.

“Naku 'La 'wag na po ninyo akong intindihin. Busog pa po ako dahil may mayabang pero gwapong lalaki po ang nanlibre sa akin kanina sa isang sosyal na restaurant.”

“Ganoon ba?”

“Opo. Kaya okay lang po ako. Busog pa po ako,” nakangiting turan ng dalaga.

Natulala siya at saglit na pinagmasdan ang dalawa habang nag uusap. Nang makita niya kung papaano tingnan ng babae ang matandang kausap nito ay parang yelong natunaw ang galit sa puso niya. Animo ay may munting mga palad ang humaplos sa dibdib niya ng makita ang kontentong ngiti sa mga labi nito. Nagawa nitong bigyan ng makakain ang iba kahit na nagugutom na rin ito.  

Bagay na bagay  kay Charity ang pangalan nito dahil natuklasan niya ngayon na sanay itong tumulong sa ibang tao. Bigla ay nakita niya sa katauhan nito ang mommy niya. Ganoon din kasi ang kaniyang ina. Sanay itong tumulong sa iba kaya nga nagtayo ito ng sarili nitong foundation para mas marami pa itong matulungan.

“Sige Lola aalis na po ako dahil marami pa po akong gagawin. Ingat po kayo.” paalam ni Charity sa matanda at tumayo na.

Naglakad na ito patungo sa mismong direksiyon niya. Nakayuko ito kaya marahil hindi siya nito napansin. Kung hindi pa siya nito nabangga ay hindi pa ito mag aangat ng tingin. Namutla ito nang makita siya.

Nagpalinga linga ito sa paligid at mukhang naghahanap na naman ng maaaring mapagtaguan.

“Tatakas ka na naman ba?” nagsisimula na namang mag init ang ulo na tanong niya dito.

Kung maghapon siyang tatakbo at makikipaglaro ng habulan dito ay baka sa ospital na ang bagsak niya. Hindi ito nagsalita at bigla na lang kumaripas ng takbo. Mas mabilis itong tumakbo kumpara sa kaniya kaya naman kahit anong pilit niya ay hindi niya ito magawang habulin.

“Stop!” hinihingal na sigaw niya.

“Ayoko! manigas ka, hinding hindi ako magpapahuli sa'yo.” sagot naman nito habang patuloy sa mabilis na pagtakbo.

Tumawid ito sa kabilang kalsada kaya sinundan niya ito. Pero hindi niya inaasahan ang sunod na pangyayari.

Para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang marinig niya ang pag alingawngaw ng tunog ng isang paparating na ambulansiya. Tumigil siya sa pagtakbo at animo ay bigla siyang naestatwa sa mismong gitna ng kalsada.

Tulalang tumingin lang siya sa ambulansya na matuling tumatakbo palapit sa kaniya. Parang sasabog ang ulo niya habang naririnig niya ang malakas na pagsirena ng sasakyan. Nasapo niya ang ulo ng magsimula iyon sa pagsakit. Isang alaala ang pilit na sumulpot sa isip niya.

“M-mommy,” iglap lang ay nag unahan na sa pagpatak ang mga luha niya.

“Kai! Umalis ka diyan!” malakas na sigaw ni Charity.

Help me, please!

Gusto niyang sumigaw pero hindi niya magawang ibuka ang mga labi niya. Natatakot siyang ihakbang ang mga paa dahil pakiramdam niya ay matutumba siya. Naipikit niya ang mga mata nang marinig ang malakas na pagbusina ng mga sasakyan.

Ang buong akala niya ay katapusan na niya pero tila doon lang dininig ang panalangin niya. May isang mainit na palad ang humila sa isang braso niya at parang doon lang siya bumalik sa normal. May isang anghel ang nagligtas sa kaniya at hinila siya patungo sa sidewalk.

“Gago ka ba ha? kung gusto mong mamatay iyon sa hindi ko makikita!” hinihingal na singhal ni Charity sa kaniya.

Nagulat siya sa malakas na pagsigaw nito kaya nag angat siya ng tingin dito. Nagimbal siya nang makita ang pagtulo ng luha sa mga mata nito. Nagsikip ang dibdib niya nang mapansin ang bahagyang panginginig ng mga labi nito.

“A-ang dami ko na ngang problema tapos dumagdag ka pa. Papaano kung nasagasaan ka ng ambulansya, ha? sa tingin mo mabubuhay ka pa? sa tingin mo matatahimik ang konsensiya ko kapag maaga kang nawala sa mundo ng dahil sa kakahabol mo sa akin!?” hilam sa luha ang mga mata na singhal nito sa kaniya.

Muling naramdaman niya ang pagsikip ng dibdib niya nang sumungaw ang labis na pag aalala sa mga mata nito. Naramdaman niya niya ang panginginig ng katawan nito kaya maingat na hinila niya ito. Mahigpit na ikinulong niya ito sa mga bisig niya na para bang wala na siyang balak pa na pakawalan ito. 

“S-sorry. Hindi ko sinasadya. Hindi ko alam na mangyayari ito.” buong pag aalala na anas niya.
Ipinatong niya ang baba sa ibabaw ng ulo nito at hinayaan itong umiyak na parang bata. Naramdam niya ang pangangatal ng buong katawan nito habang mahinang humihikbi ito kaya marahang hinaplos niya ito sa likod.

“S-sorry..” mahinang anas niya. Bigla ay natigilan siya.

Kailan pa siya natutong magsabi ng sorry? kailan pa siya nag alala ng ganoon katindi sa isang tao?

Ano ba ang nangyayari sa'yo, Tristan Kai?

BE MY GIRL (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon