4 years later.......

2.9K 77 2
                                    

Four years later…

Ilang araw pagkatapos ng photo exhibit na ginanap sa Macau ay nagpasiyang umuwi na muna sa bansa si Kai para makapagpahinga at makapiling ang mommy niya.

Pagkatapos kasi ng isang buwan niyang pahinga ay kailangan na naman niyang maglibot sa mundo para ipagpatuloy ang trabaho niya bilang isang photographer.

“Dude!”

Mula sa pagbabasa ng libro ay kaagad na nag angat nang tingin si Kai nang marinig ang tinig ng pinsan niyang si Mantis. Panganay na anak ito ni tita Sky at siyang pinakamalapit sa kaniya.

Simula nang magpasiya siyang bumalik sa Japan may apat na taon na ang nakakaraan at makasama sa isang apartment ang lalaki ay naging malapit na sila sa isa’t isa. Limang taon ang tanda niya rito at parang bunsong kapatid na ang turing niya kay Mantis.

Nang magdesisyon siya na magbakasyon na muna dahil halos isang taon din siyang nagpalipat lipat ng bansa dahil sa trabaho niya ay sumama ito sa kaniya sa Pilipinas. Isa lang naman ang dahilan ni Mantis kung bakit ito bumubuntot sa kaniya ngayon. Naghiwalay na kasi ang mga magulang nito at pinipilit ito ng ina na sumunod sa Chicago.

“Hindi ko na kaya! babalik na lang ako sa Japan. Nakumbinsi ko nga si mommy na hayaan na lang muna ako sa gusto kong mangyari sa buhay ko, pero ginawa naman niya akong yayo ng anak niya sa Heraldo na iyon!” halos lumabas ang mga litid sa leeg na sabi ni Mantis.

Padabog na naupo ito sa single couch at tumingin sa kaniya. Napabuntong hininga naman siya at ipinatong sa ibabaw ng coffee table ang libro. Kung gaano katahimik sa buong sala ng wala pa si Mantis ay kabaliktaran naman niyon ang nangyayari ngayon.

“Hindi na ba naaawa sa akin ang mga magulang ko? nagdesisyon silang maghiwalay tapos ako ang magsasakripisyo? Si daddy may ibang asawa na rin at si mommy naman..” napahinga ito ng malalim at hinilot ang sentido.

Naiintindihan niya ang sentimyento nito. Hindi pa man kasi naghihiwalay ang mga magulang ni Mantis ay may kaniya kaniyang karelasyon na ang mga ito. Nagkaroon na nga ng anak si tita Sky sa boyfriend nito pero ngayon lang ito nakipaghiwalay sa asawa dahil sa takot nito sa biyenan.

Nang pumanaw na ang lolo ni Mantis sa paternal side ay saka nagdesisyon ang mag asawa na maghiwalay. Nagtungo na sa Chicago ang tiyahin niya para ayusin ang problema sa nobyo nito kaya nauwi sa pangangalaga ni Mantis ang anim na taong gulang na kapatid nito na si Doniel.

May pagkapilyong bata si Doniel at hindi naman sanay mag alaga ng bata si Mantis kaya malaking problema talaga iyon. Ilang beses na rin ipinatawag sa guidance office si Mantis dahil sa mga kalokohan ng nag iisa nitong kapatid.

“Malapit na akong maubusan ng dugo. Kung wala lang talaga akong konsensiya iiwanan ko na lang sa kung saan na kalye ang monster na batang iyon.”

“Gago! Kapatid mo si Doniel kaya kahit monster pa ang tingin mo sa kaniya ay kailangan mo pa rin siyang intindihin dahil wala ang mga magulang niya dito.”

Mahinang napamura si Mantis nang marinig ang sinabi niya. Natawa naman siya nang makita ang reaksiyon nito. Hindi niya ito magawang sisihin dahil totoong ubod ng pasaway si Doniel. Kaya din siguro mabigat ang loob ng pinsan niya sa kapatid nito ay dahil hindi magkamukha ang dalawa.

Kung hindi nga lang niya kilala si Mantis ay iisipin niya na ampon lang ito o si Doniel dahil malayong malayo ang hitsura ng pinsan niya sa bata. Wala rin nakuhang features si Doniel sa mga San Miguel kaya walang mag aakala na anak ito ng tita Sky niya. Namana ni Doniel ang maitim na kulay ng balat, malaking mga mata at makapal na mga labi sa daddy nito.

“Pagpasensiyahan mo na nga lang, bata 'eh,” sabi na lang niya para matapos na ang usapan.

Magsasalita pa sana si Mantis pero naagaw ang atensiyon nila ng pagdating ng kaniyang ina.

“Mommy?” napakunot noo siya at kaagad na tumayo para salubungin ito nang mapansin ang pamumutla nito.

“Are you okay?” hinawakan niya ito sa magkabilang balikat at inalalayan na maupo sa couch.

Mabagal na tumango ang ina at nakangiting tiningnan siya. Hindi niya mapigilan ang pagbuhos ng napakaraming emosyon nang makita ang pangingilid ng mga luha nito. Ngayon na lang ulit niya nakitang umiyak ang mommy niya. Kilala niya ito bilang isang matapang at palaban na babae.

Tatlong taon na ang nakakalipas nang maoperahan ito at sumailalim sa heart transplant dahil na rin sa paglala ng kondisyon nito. Nasa Japan pa siya noon at pilit na kinakalimutan ang mapait na nakaraan nang tawagan siya ng daddy niya at ipinaalam sa kaniya ang nangyari sa mommy niya.

Nagtungo siya sa Amerika para mabantayan ang may sakit na ina.
Hindi naging madali ang operasyon dahil may ilang buwan din silang naghintay na magkaroon ito ng heart donor.

Nang sumailalim na ito sa operasyon ay ilang araw din ang lumipas bago ito nagising. Maswerte ng hindi inireject ng katawan ng mommy niya ang bagong puso nito kaya paunti unti ay nakarecover naman ito.

Pero wala pang isang taon itong gumagaling ay natuklasan naman nila ang lihim ng daddy niya. May kidney cancer pala ito at hindi man lang nito iyon ipinaalam sa kanila ng mommy niya. Nang igupo ito ng sakit at pumanaw ay nakita niya kung papaano umiyak ang kaniyang ina sa puntod nito.

Dahil wala na ang daddy niya ay binalak niyang ipaalam sa ina ang tungkol sa totoong pagkatao nito. Pero nahuli na pala siya dahil matagal na nitong alam ang buong katotohanan. Kinausap niya ito nang aksidenteng makita niya sa silid nito ang isang folder na naglalaman ng mga impormasyon tungkol kay Charity at sa tatay nito.

Noong naoperahan daw ito at ilang araw na walang malay ay may malabong mga alaala ang napanaginipan nito at habang nagpapagaling ito ay unti unting bumalik sa alaala nito ang lahat. Hindi nito magawang sumbatan ang kinikilalang asawa na pinapahirapan na noon ng sakit na cancer.

Sa kabila daw ng mga nagawa ng daddy niya ay totoong minahal ito ng kinikilala niyang ina kaya madali para dito na mapatawad ang huli. Ang tanging problema na lang ngayon ay si Charity dahil hindi pa nito alam kung makakaya ba nitong humarap sa sariling anak.

Matagal nang umupa ng private investigator ang mommy niya para masubaybayan ang naging buhay ng anak nito.

At siya… nagsimulang manigas ang panga niya nang makaramdam siya nang paninikip ng dibdib. Alam niya ang lahat nang nangyayari kay Charity dahil malayang ipinapaalam iyon sa kaniya ng ina.

Alam na rin nito ang dahilan kung bakit biglang umiwas sa kaniya noon si Charity at nagdesisyon siyang bumalik na lang muna sa Japan.

“Kai, may nahanap na akong paraan kung papaano makakalapit kay Charity.” masayang balita sa kaniya ng ina.

Napangiti naman siya nang makita ang saya sa buong mukha nito. May ibinigay itong mga dokumento sa kaniya at masusing binasa naman niya ang mga impormasyon na nakasulat doon.

“Saint Stephen Academy? Diyan nag aaral si tiyanak.” singit ni Mantis.

Kaagad na sinaway ito ng mommy niya. Hindi daw kasi magandang pintasan ni Mantis ang bata lalo pa at magkapatid ang mga ito.

Iglap lang ay bumilis na ang tibok ng puso niya nang lumitaw sa isip niya ang nakangiting mukha ni Charity. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang kakaibang epekto nito sa kaniya. Nagiging abnormal pa rin ang tibok ng puso niya sa tuwing naririnig ang pangalan nito.

Mabuti pa ang mommy niya dahil may nagawa na itong paraan para makalapit kay Charity. Siya kaya, kailan kaya siya magkakaroon ng pagkakataon na malapitan ulit ito at sabihin na hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman niya para rito.

Hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin niya si Charity......

BE MY GIRL (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon