"No! ayoko! isusumbong ko kayo kay mommy ko! let me go! I hate you!"
Napangiwi na lang si Kai habang pilit na inilalabas niya ng kotse niya si Doniel. Nagwawala ang bata at daig pa ang butiki kung makakapit sa pinto ng kotse.Kanina pa ito sinusumpong ng topak at kahit ang mga kasama nila sa bahay ay wala rin nagawa sa pagwawala nito.
Napabuntong hininga siya at parang mauubusan na ng pasensiya na hinawakan ulit ito sa braso. Malapit nang masira ang bungkos ng mga bulaklak na hawak niya. Mariing itinikom niya ang mga labi para lang huwag makapagsalita ng hindi maganda sa harap ng bata.
Hindi siya katulad ni Mantis na sa tuwing umiinit ang ulo sa kakulitan ng kapatid ay pipintasan ang huli hanggang sa umiyak na. Kahit medyo masama ang ugali ni Doniel at well..hindi ito cute.. ay kailangan pa rin itong pagpasensiyahan dahil bata pa lang ito.
"Bumaba ka na ng kotse ko, please lang. O gusto mo ba itanong ko sa mga kaklase mo kung sinong crush mo tapos siya ang susundo sa'yo dito sa parking lot?" hamon niya sa makulit na bata.
Natigilan naman ito at napadiretso ng tayo. Matalim ang mga mata na tiningnan siya nito bago ito napabunghalit nang iyak.
"Sabi ko naman sa inyo, kuya Kai ayoko ng mag aral dito. Tingnan mo nga ang mga hitsura nila. Sabi ni kuya Mantis sa akin, hindi daw ako bagay mag aral sa private school kasi mukha daw akong nalaglag sa kalderong may dinuguan."
Putsa.
Napaubo siya at nag iwas nang tingin sa bata.
"Sinabi ng kuya mo iyon?"
"Opo," humihikbing sumbong ni Doniel."Hayaan mo nga siya, nasabi lang niya siguro iyon kasi pagod siya at saka alam mo na hindi pa sanay na kasama ka." sabi na lang ni Kai.
Napalabi si Doniel.
"Alam ko naman na hindi ninyo ako kamukha kaya nilalait niya ako,"
Napakamot siya sa batok. Matalinong bata si Doniel kaya hindi na nakapagtataka na naiintindihan nito ang sitwasyon nito ngayon. Naiiling na ginulo niya ang buhok nito.
"Darating din ang time na magiging mabait na sa'yo ang kuya Mantis mo. Sa ngayon, kailangan na natin pumasok sa loob ng school dahil baka mahuli ka na naman sa klase."Sa kabilang banda ay parang gusto niyang tirisin si Mantis. Nauto na naman siya nito. Ang sabi nito sa kaniya ay mas magkakaroon siya ng pagkakataon na makalapit kay Charity kung siya na ang maghahatid-sundo kay Doniel sa eskwelahan.
Wala siyang kamalay malay na mas malala pa pala sa disaster ang mararanasan niya sa unang araw na inihatid niya sa eskwelahan ang bata.
Traffic na nga ay halos dumugo pa ang eardrum niya sa pag atungal ni Doniel kanina. May kasama pang padyak at suntok sa upuan ang pagwawala nito. Kung siya ang kapatid ni Doniel ay baka naibitin na niya ito ng patiwarik."P-pero.."
Hinawakan niya sa balikat si Doniel nang mapansin na parang gusto nitong tumakas.
"Ibibili kita mamaya ng gusto mo,"
"iPad?"
"Ha?"
"Gusto ko ng iPad," ungot nito.Napilitan siyang tumango at kinaray na ito patungong school building. Hindi na siya nagtataka na halos ipagtulakan ni Mantis sa kaniya ang nag iisang kapatid nito. Magastos palang suhulan dahil gadget pa ang gusto.
Sa gate ay natanaw niya ang pamilyar na bulto ng isang babae. Sapat na iyon para maging abnormal ang tibok ng puso niya. Hinawakan niya ang isang kamay ni Doniel at tumigil sila sa tapat ng babae na nakatayo sa gate at naghihintay ng mga estudyanteng darating.
"H-hi," walang kakurap kurap na bati niya. Gulat na tumingin naman sa kaniya si Charity.
"K-kai?" natulala ito nang makita siya.Ibinuka nito ang mga labi para magsalita pero pareho silang natigilan ng may apat na batang babae ang patakbong pumasok sa loob ng gate.
Ang isang bata na medyo mataba ay hindi sinasadyang bumangga pa sa isang braso ni Charity dahilan para malaglag ang suot nitong bracelet.
Mabilis ang mga kilos na yumuko siya at dinampot ang nalaglag na bracelet at ibinigay iyon sa babae.
"Salamat.." matipid na tugon nito.
Hindi matigil sa pagwawala ng matindi ang puso niya habang nakatitig siya sa maamong mukha ni Charity. Sa loob ng mahabang panahon ay wala pa rin itong ipinagbago. Mas bumata pa nga itong tingnan ngayon dahil sa lampas balikat na mahabang buhok nito. Naroon pa rin ang inosenteng ngiti sa mga labi nito.
Iglap lang ay parang nakalimutan niya kung nasaan sila na para bang nawala ang mga tao sa paligid nilang dalawa. Kahit ang masayang tawanan ng mga bata at ang pagbusina ng mga sasakyan sa kalsada ay hindi na niya napapansin.
"Magtititigan na lang po ba kayong dalawa?"
"Ah.." napakamot siya sa noo ng basagin ni Doniel ang katahimikan sa pagitan nila ni Charity.Inakbayan niya ang bata at bumulong sa kaliwang tenga nito.
"Pumasok ka na sa loob ng classroom mo, manliligaw pa si kuya Kai. Go na." utos niya.
"Pero iyon iPad ko ha, kuya?"
"Oo na." tinapik niya ito sa balikat at muling inutusan na umalis na.
Nang makaalis na ito ay muli niyang nilingon si Charity. Ngumiti siya at ibinigay ang dala niyang mga bulaklak.
"Salamat, nag abala ka pa,"
Mabilis na napailing siya."Kulang pa iyan para sa apat na taon na nawala sa atin, I-I mean sa inyo ng nanay mo. Malaki ang kasalanan sa'yo ng daddy ko at kulang pa ito para lang makabawi ako. Charity-I-"
Ang malakas na tunog ng buzzer ang pumutol sa iba pang sasabihin niya. Natitigilang tumango lang ito sa kaniya at nagpaalam na.Hindi nakaligtas sa kaniya ang pamumula ng mga mata nito na animo ay kanina pa ito nagpipigil nang pag iyak.
Marahas na napabuntong hininga na lang si Kai at nanghihinang tinanaw ang pag alis ni Charity.
I love you Charity, I still do... sapat na ba ang mga salitang iyon para maibalik natin sa dati ang lahat?
BINABASA MO ANG
BE MY GIRL (COMPLETED)
Romance"May hiwagang dala ang bracelet. Sa oras na natagpuan mo na ang true love mo ay kusa itong matatanggal sa kamay mo." iyon ang eksaktong sinabi kay Charity ni tita Tina -ang babaeng tinulungan niya matapos nitong mahimatay sa loob ng mall. Hindi si...