CHAPTER 6 PART 3

2.8K 81 3
                                    

Bandang alas otso ng gabi ng biglang bumuhos ang malakas na ulan. Natatarantang lumabas si Chari ng bahay para sana kunin ang mga nakasampay na damit pero natigilan siya nang makita niya si Kai na nakatayo sa labas.

Nakayuko ito at walang pakialam kahit basang basa na ng ulan ang buong katawan. Daig pa niya ang tinadyakan ng malakas sa dibdib nang mapansin na nanginginig ang buong katawan nito dahil sa sobrang lamig habang yakap nito ang sarili. Parang may pakpak ang mga paa na tinakbo niya ang malaking agwat sa pagitan nilang dalawa at nilapitan ito.

“Anong ginagawa mo dito? bakit nagpapaulan ka?” wala siyang pakialam kahit basang basa na rin siya ng ulan.

Nangangatal ang mga labi na hinawakan niya ang isang braso ni Kai at pilit na hinila ito pero hindi ito kumilos at nanatili lang na nakatayo. 

“Kai ano ba? gusto mo ba talagang magkasakit ha?” Para siyang nakikipag usap sa isang bingi dahil hindi ito nagsalita.

Mas lalong lumakas ang pagbuhos ng ulan kaya napasigaw na siya.

“Kai!” niyugyog niya ito sa isang braso.

Natigilan siya nang makita ang kakaibang lungkot sa mga mata nito nang mag angat ito ng tingin sa kaniya.

“M-may nangyari ba?” kinakabahang tanong niya dito.

Hindi ito nagsalita at pinagmasdan lang siya. Mayamaya pa ay yumugyog na ang mga balikat nito tanda na umiiyak ito. Binalot siya ng matinding takot at pag aalala kaya hinawakan niya ang magkabilang pisngi nito.

“Anong nangyari sa'yo? napagalitan ka na naman ba ng daddy mo?” nag aalalang tanong niya nang magtama ang mga mata nilang dalawa.

Sa isang iglap ay nawala ang dating imahen nito na nabuo sa isip niya. Nawala ang Kai na mayabang at makulit na madalas niyang nakakasama. Napalitan iyon ng isang Kai na nasasaktan at nagdurusa habang mag isa.

Habang umiiyak ay inabot nito ang mga palad niya na nakalapat sa mga pisngi nito bago nito mariing ipinikit ang mga mata.

Animo ay hinigit pataas ang puso niya nang makita ang pagpatak ng mga luha nito. Ngayon niya lubos na naisip na kahit itanggi pala niya ang nararamdaman niya ay mabibigo lang siya sa huli. Na kahit buong araw pa niya itong iniwasan dahil sa naging alok nito sa kaniya ay gagawa pa rin talaga ang pagkakataon ng paraan para muli silang mapaglapit.

Dahil ayaw tumigil sa pag iyak ni Kai ay maging siya ay napaluha na rin. Nang mahigpit na yumakap ito sa kaniya ay hindi na siya tumanggi pa. Buong pag aalala na gumanti siya ng mahigpit na yakap dito na animo ay nakahanda siyang protektahan ito sa kung ano man na maaaring makasakit dito.

Hanggang sa makapasok silang dalawa sa loob ng bahay ay hindi pa rin ito nagsasalita. Ipinaghanda niya ito ng tubig na pampaligo at pinahiram niya ito ng malaking t-shirt at pajama.

“Nagugutom ka ba? gusto mong kumain?” alok ni Charity kay Kai nang madatnan niya itong nakaupo sa sofa.

Tahimik lang ito at mukhang may malalim na iniisip. Matamlay na tumingin ito sa kaniya at umiling. Napahinga na lang siya ng malalim at marahang lumapit dito. Naupo siya sa tabi nito saka niya ito tinapik sa balikat.

“Kung ano man 'yan nasa isip mo ngayon, bakit hindi mo i-share baka sakaling gumaan ang nararamdaman mo?” suhestiyon niya.

Sa halip na sumagot ay nahiga ito at isinandal ang ulo sa kandungan niya. 
Awang ang mga labi na pinagmasdan niya ito. Dinig niya ang pagwawala ng puso niya at sana lang ay hindi iyon marinig ni Kai. Napaigtad siya ng masuyong hilahin nito ang isang palad niya at dinala iyon sa ibabaw ng pisngi nito. Dumoble ang pagwawala ng puso niya nang rumehistro sa balat niya ang init na nagmumula sa pisngi ng binata.

“Papaano kung ang isang bagay na matagal mo nang pinaniniwalaan ay hindi naman pala totoo. Anong gagawin mo?” bigla ay tanong nito sa kaniya.

Nagbaba siya ng tingin para magtama ang mga mata nilang dalawa. Lihim niyang sinisi ang sarili sa maling kilos niya dahil para siyang unti unting nanghihina dahil sa paraan ng pagtitig nito sa kaniya. Kung tingnan kasi siya nito ngayon ay parang siya na ang pinakamagandang babaeng nakita nito sa buong buhay nito.

Mahinang tumikhim siya at kinalma ang sarili bago sinagot ang tanong ni Kai.

“Depende. Kung mahal mo naman ang bagay na matagal mo nang pinaniwalaan na totoo bakit hindi mo na lang panghawakan hanggang sa huli? wala naman
mawawala, 'di ba? nabuhay ka sa matagal na panahon at naniwalang nag e-exist ang bagay na iyon at sa palagay ko kung ipagpapatuloy mo iyon ay wala naman sigurong maaapektuhan.” sagot niya.

Alam niyang wala siyang kahit isang naiintindihan sa tanong nito pero ang mismong puso niya ang nagdikta kung ano nga ba ang maaari niyang maging sagot dito.

“Ngumiti ka na sa wakas,” gumaan ang pakiramdam niya nang makita ang kontentong ngiti sa mga labi nito.

Ilan saglit pa ay natahimik na ito at nakaidlip na habang nakaunan sa mga hita niya. Walang sawang pinagmamasdan niya si Kai habang mahimbing na natutulog ito.

Masuyong hinahaplos ni Chari ng mga daliri ang malambot na hibla ng buhok nito bago niya tuluyang naipikit ang mga mata dala ng matinding antok.

BE MY GIRL (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon