Pagkatapos ng okasyon ay kaagad nang umuwi si Charity sa bahay. Inihatid siya ni Kai pero nagpaalam din kaagad ito dahil tinagawan ito ng mommy nito. Pagpasok niya sa loob ng bahay ay naabutan niya ang ama na abala sa paghahalungkat sa lumang cabinet na nakapwesto sa labas ng kwarto niya.
“'Tay anong ginagawa mo?” naghihikab na tanong niya sa ama. Inilapag niya ang bag sa sofa at mauupo na sana nang marinig niya itong magsalita.
“Charity, kailangan kong makita ang picture ng nanay mo. Nakita mo ba 'yun dito? 'yun na lang ang natitirang alaala niya, kaya hindi iyon pwedeng mawala.” anito.
Gulat na napadiretso siya ng tayo at tumingin sa ama.
“'Tay naaalala mo na ba ako?” hindi makapaniwalang bulalas niya.
Kaagad na nilapitan niya ito. Pero hindi siya pinansin ng ama at patuloy lang ito sa pagbuklat ng mga gamit sa cabinet.
“Ang picture ng nanay mo nasaan na?”
“'Tay..” pinigilan niya ang mapaiyak.
Ngayon na lang ulit siya nito naalala kaya ganoon na lang ang tuwa niya. Hinawakan niya ito sa isang braso pero hindi ito natinag at nagpatuloy lang sa ginagawa.
“'Tay naman eh, pansinin mo kaya ako? ako naman ang nandito ngayon at hindi si nanay.”
“Nakita ko na!” masayang bulalas ng kaniyang ama.
May hawak itong maliit na frame kung saan nakalagay ang picture niya noong bata pa siya. Nagulat siya nang binuksan ng tatay niya ang likod ng frame.
Nalaglag ang isang maliit na picture sa loob maliban pa sa picture niya na nasa frame. Dinampot iyon ng ama at umiiyak na ipinakita nito ang picture sa kaniya.
“Siya, siya ang nanay mo. Ang ganda niya 'di ba?”
Parang iglap ay tumigil sa pag inog ang mundo niya nang mahawakan niya ang litrato. Ngayon lang niya makikita ang totoong hitsura ng nanay niya kaya hindi niya alam kung ano ang eksaktong nararamdaman niya.
“Diyos ko!” nagimbal siya nang makita ang totoong mukha ng nanay niya sa litrato.
Karga siya nito habang nakaakbay naman dito ang tatay niya.
“'T-tay baka nagkakamali ka lang, hindi po siya ang nanay ko.” nagsisikip ang dibdib na nasambit niya.
Ano ka ba Charity! gumising ka nga!
Napasigaw siya nang magsimula nang ihagis ng tatay niya ang mga lumang album na nasa ibabaw ng mesa. Parang bata na naglupasay ito sa sahig at umiiyak na sumigaw ito.
“Siya ang asawa ko. Siya si Madel! hindi ka ba naniniwala sa akin?” napaluhod siya at niyakap ang ama.
Mukhang bumalik na naman ito sa dati. Tiyak na mamaya lang ay hindi na naman siya nito maaalala.
“S-sorry 'tay.. s-sorry..”
Napahagulhol siya at mahigpit na niyakap ito. Walang ng mas sasakit pa sa nararamdaman niya ngayon.
Ano ang gagawin niya?
Papaano niya tatanggapin ang katotohanan na ang ina na matagal na niyang hinahanap ay walang iba kundi ang kinikilalang ina ni Kai?
BINABASA MO ANG
BE MY GIRL (COMPLETED)
Romance"May hiwagang dala ang bracelet. Sa oras na natagpuan mo na ang true love mo ay kusa itong matatanggal sa kamay mo." iyon ang eksaktong sinabi kay Charity ni tita Tina -ang babaeng tinulungan niya matapos nitong mahimatay sa loob ng mall. Hindi si...