TINATAKPAN ni Cee-Cee ng plastic cup ng soda na iniinom niya ang mukha niya. Nahihiya kasi siya kay Strike na kasalo niya sa mesa sa HappyChic ng mga sandaling 'yon.
"Cee-Cee, anong ginagawa mo?"
Binaba na niya ang plastic cup. "Pasensiya ka na talaga, Strike. Babayaran ko na lang 'yong ibinayad mo sa queen-sized bed na iyon."
Dahil nakatulog siya sa queen-sized bed ay napilitan marahil ang binata na i-purchase iyon para hindi sila mapahiya. Hindi naman niya sinasadyang makatulog. Gusto lang niyang maramdaman kung gaano iyon kalambot para maging gano'n kamahal. Dala na rin siguro ng pagod at antok kaya nakatulog agad siya.
"Hindi mo ko kailangang bayaran. Isipin mo na lang na regalo ko 'yon sa'yo dahil magkapit-bahay na tayo."
"Hindi ako makakatanggap ng gano'n kamahal na regalo. Babayaran kita sa suweldo ko."
Nagkibit-balikat ito. "Okay."
Napabuntong-hininga siya. He obviously came from a wealthy family. Pero alam niyang hindi naman binabale-wala ni Strike ang pera.
Nabasa niya sa article tungkol sa HappyChic noon na may foundation para sa mga bata na sinusuportahan ang kompanya, at nalaman niyang si Strike ang nagtatag no'n noong labinwalong taong gulang pa lang ito.
Napangiti siya. "You're really a nice person, Strike."
Natawa ito ng marahan. "What made you say so?"
"Nabasa ko sa isang article ang tungkol sa foundation na tinayo mo, na hanggang ngayon ay sinusuportahan mo bilang bagong presidente ng kompanya niyo."
Napapiksi ito. "Cee-Cee, anu-anong article pa ba ang binabasa mo tungkol sa'kin?"
Umiling siya. "Nakasulat lang sa isang article tungkol sa HappyChic ang alam ko tungkol sa'yo." Natigilan siya, kasabay ng pag-iinit ng magkabila niyang pisngi. "I'm not stalking you."
"Silly, hindi ko naman iniisip 'yon. Anyway, mukhang interesado ka talaga sa HappyChic."
Tumango siya. "I like HappyChic."
"Yeah, I like you, too," mabilis na sabi nito, saka mabilis na sumubo ng sunod-sunod.
"Ha?"
Tumikhim ito. "I said I like HappyChic, too."
Ah, nagkamali lang pala siya ng rinig. Kinuha niya ang sundae niya at tinulak iyon palapit kay Strike. "Sa'yo na lang 'yan. Tanda ng pasasalamat ko sa'yo."
"Oh. Thanks."
Napansin niyang nanatiling nakatingin si Strike sa kamay niya. Napatingin din tuloy siya sa kamay niya. No'n niya lang napansin na hindi pala niya nabura ang iginuhit niya sa likod ng kamay niya. Isang simpleng drawing ng mukha na inaantok iyon.
"Gusto mo rin ng drawing sa kamay?" tanong niya kay Strike.
Nag-angat ito ng tingin sa kanya. "Puwede?"
Tumango siya. Kinuha niya mula sa bag niya ang sign pen niya, pagkatapos ay tumayo siya at umupo sa tabi ni Strike. Hinawakan niya ang kaliwang kamay nito, saka siya nag-angat ng tingin dito. "Anong nararamdaman mo ngayon, Strike?"
Napakurap-kurap ito. "H-ha?"
"Inaantok ako kanina kaya ganito ang drawing ko sa kamay ko," paliwanag niya. "Ikaw? Anong nararamdaman mo ngayon?"
"Happy," mabilis na sagot nito habang nakatingin ng diretso sa mga mata nito.
Weird, but she somehow felt his genuine happiness. Napangiti tuloy siya bago yumuko at nag-drawing sa kamay nito ng isang smiley. Nang matapos siya ay nag-angat siya ng tingin kay Strike. Napansin niyang namumula ang mukha nito. "Bakit namumula ang mukha mo, Strike?"
"Ah... mainit kasi."
Nang bumaba ang tingin nito sa kamay nilang magkahawak pa rin ay saka lang niya na-realize na hindi pa rin pala siya bumibitiw dito. Napatitig tuloy siya sa mga kamay nila. She felt comfortable holding his warm, big hand. Hindi niya alam kung bakit may kakaibang init na dumaloy sa katawan niya, diretso sa kanyang puso.
Unti-unti niyang binitawan ang kamay nito. "Sorry."
Tumikhim si Strike at dumiretso ng upo. "Okay lang."
BINABASA MO ANG
My Favorite Girl (Completed)
RomanceNag-suggest lang naman si Strike sa best friend niyang si Kraige na piliin si Cleo---ang one true love nito--- kesa pakasalan ang fiancee nito na alam niyang hindi talaga nito mahal. Siya rin ang mastermind sa planong binuo ng squad nila para magkat...