18th Chapter

4K 135 5
                                    

HINDI pa rin makapaniwala si Cee-Cee sa mga naganap ng gabing iyon. Pero patunay ang walang patid niyang pag-iyak at ang sakit sa puso niya para malamang totoo ang lahat ng iyon.

Pagdating niya sa apartment niya ay agad siyang pumunta sa silid niya ay kinuha ang nakasabit na jacket ni Strike sa pader niya. Iyon ang jacket na suot nito nang sorpresahin siya nito noong birthday niya. Hiningi niya iyon sa binata bilang "remembrance" ng araw na napagkasunduan nilang mahalin ang isa't isa.

Nagtungo siya sa kusina at binuksan ang garbage can pero nang akmang itatapon na niya ang jacket do'n ay bigla siyang natigilan.

Muli na naman siyang napaiyak. Sa sobrang pagod at panghihina, napaupo na lang siya sa sahig. Isinubsob niya ang mukha niya sa jacket. She inhaled Strike's scent that still lingered on the jacket.

Kahit anong pilit niya, hindi niya lubusang mapaniwala ang sarili niyang pagpapanggap ang lahat ng naganap sa pagitan nila. Ang mga ngiti ni Strike, ang mga yakap nito, ang mga halik at ang mga haplos nito, naramdaman niyang totoo ang lahat ng iyon.

Sa ideyang iyon ay unti-unting kumalma ang sistema niya.

"Hindi mo 'yon magagawa sa'kin, hindi ba? Strike?" pagkausap niya sa jacket na animo'y si Strike iyon. "Siguro, nabigla lang ako sa mga narinig ko. Pero kaya mong ipaliwanag sa'kin ang lahat, 'di ba?"

Kalokohan na nga siguro, pero sa puso niya, umaasa pa rin siyang hindi totoong nagpapanggap lang si Strike. Katangahan na nga siguro, pero kung sasabihin nitong mahal siya nito, patatawarin niya ito.

Sa pagtayo niya ay dinukot niya ang cellphone niya sa bulsa niya para sana tawagan si Strike. Pero nahulog ang kung ano mula sa bulsa ng jacket ni Strike. Pinulot niya iyon. Isa iyong USB.

Napakurap siya. Dala iyon ni Strike noong birthday niya. Posible kayang sorpresa nito iyon sa kanya na nakalimutan lang nitong ibigay sa kanya dahil sa natakot ito sa kulog at kidlat? Maybe he made a video greeting for her. Alam niyang nagtutunog desperada na siya, pero desperada na talaga siyang magkaroon ng kahit maliit na pag-asang aalis sa sakit sa puso niya.

Natagpuan na lang niya ang sarili niya sa harap ng laptop niya, nakasuksok ang USB do'n. Iisa lang ang laman niyon – isang video. She started to play it.

No'ng una ay malayo ang kuha ng video, pero may nakikita siyang pool at dalawang pigura ng tao na magkaharap at nag-uusap sa tabi ng pool. Pagkatapos ay may narinig siyang boses. Boses ng kumukha ng video. Boses ni Colin.

"Kraige, pare. You have to see this!" masayang sabi ni Colin sa video.

"Ano ba 'yang kinukuhanan mo ng video?" tila nayayamot na tanong ni Kraige.

Mayamaya lang ay nag-zoom ang kuha sa video. Naging malinaw na iyon. Sina Strike at Cleo pala ang nasa video! Tila naglakad din ang may hawak ng video camera dahil naging magulo ang kuha, pero mayamaya lang ay narinig na niya ang pag-uusap nina Strike at Cleo. Mukhang lumapit si Colin sa dalawa.

"Cleo, alam kong mahal mo si Kraige," sabi ni Strike. "Mga bata pa lang tayo, alam ko nang mahal niyo ang isa't isa. Kaya nga hindi ako makapaniwalang hinayaan mong magkaroon ng ibang babae sa buhay ni Kraige. Hindi ko mapapayagan 'yon, kaya gumawa ako ng paraan para kayo pa rin ang maikasal."

Ngumiti ng malungkot si Cleo. "Strike, alam kong mali ito dahil may nasaktan... pero masaya akong no'ng panahong naguguluhan ako, naroon ka sa tabi ko. Ikaw ang nagbigay sa'kin ng lakas na loob para ipaglaban ko ang pagmamahal ko kay Kraige. For that, thank you."

Umiling si Strike. "Hindi ko naman ginawa 'yon para lang sa inyo. Ginawa ko rin 'yon para sa sarili ko."

"What do you mean?"

Nagkibit-balikat si Strike. "Kung hindi mapupunta sa'kin ang babaeng mahal ko, mas gusto ko nang mapunta siya sa lalaking mahal niya. Because I want her to be happy."

Napasinghap si Cleo. "Strike..."

"Oo, Cleo. Mga bata pa lang tayo, mahal na kita." Lumapit si Strike kay Cleo, at kinulong ang mukha ng dalaga sa pagitan ng mga palad nito.

Unti-unting bumaba ang mukha ni Strike sa mukha ni Cleo. Pero bago pa mahalikan ni Strike si Cleo ay dumating si Kraige at sinuntok si Strike.

Kasabay ng pagtapos ng video ay ang mabilis at sunud-sunod na pagpatak ng mga luha ni Cee-Cee.

Nakipaglapit lang si Strike sa kanya para masiguro nitong hindi niya guguluhin ang kasal nina Kraige at Cleo.

Para kay Cleo. Dahil mahal ni Strike si Cleo.

"Cee-Cee! Open the door!"

Natauhan lang siya nang mariniga ang sunod-sunod na pagkalabog sa pinto ng apartment niya. Boses iyon ni Strike. Wala sa sariling naglakad siya at binuksan ang pinto.

"Cee-Cee!" bulalas ni Strike. He cupped her face. "I'm sorry, baby. I really am. Hindi ko sinasadyang itago sa'yo ang katotohanan. Totoong ako ang best friend ni Kraige. Totoo rin na ako ang nagplano para mapaamin sina Kraige at Cleo na mahal nila ang isa't isa. Pero hindi totoong nakipaglapit lang ako sa'yo para lang bantayan ka. Kahit kelan, hindi ko inisip na magagawa mong guluhin ang kasal nina Kraige at Cleo."

"Kung gano'n, bakit ka nakipaglapit sa'kin?"

"Because I like you," matatag na sagot nito. "Gusto na kita kahit hindi ko pa alam no'n na ikaw ang fiancee ni Kraige."

Tiningnan niya ang mukha ni Strike. He looked like he was desperately trying to make her believe in him again. Gusto sana niya, pero pagkatapos ng napanood niya, tila ba lumabas lang sa kabilang tainga niya ang mga narinig niya. Ang gusto na lang niya ay palitan ng galit ang pagmamahal niya kay Strike. Dahil 'yon lang ang tanging paraan para hindi siya masaktan.

"Strike, puwede ba kong humingi ng pabor sa'yo?" nanghihinang pakiusap niya.

"Kahit ano, Cee-Cee. Kahit ano."

Naramdaman niya ang muling pagpatak ng mga luha niya. "Lumayo ka na sa'kin."

Bumakas ang sakit sa mga mata nito. "Pero Cee-Cee..."

Umiling-iling siya para pigilan ito sa pagsasalita. "Ikaw at ang mga kaibigan mo... pare-pareho lang kayo. Ayoko nang maging sentro ng katatawanan niyo. Ang gusto ko lang naman ay maging masaya na. Mahirap bang ibigay 'yon?"

Nang walang makuhang reaksyon mula kay Strike ay unti-unti na niyang sinara ang pinto. Hindi siya nag-iwas ng tingin dito dahil gusto niyang makita nito ang sakit sa mga mata niya. Gusto niyang ipakita at iparamdam dito ang sakit niya.

My Favorite Girl (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon