20th Chapter

4.5K 142 9
                                    

NAKASANDAL si Strike sa pader sa labas ng hospital room ni Cee-Cee habang hinihintay itong matapos makipag-usap kay Kraige. Mariin ang pagkakakuyom ng mga kamay niya sa loob ng bulsa ng pantalon niya.

It hurt knowing the fact that he was with the man she used to love instead of him while she was hurting. Pero pinakamasakit sa lahat ay ang katotohanang siya ang nakasakit dito.

Hindi niya akalaing ang simpleng kasinungalingang sinabi niya kay Colin para pagtakpan noon ang nararamdaman niya para kay Cee-Cee ang magdudulot ng matinding sakit sa kalooban ng babaeng mahal niya.

Ngayon lang din niya nalaman ang matinding epekto ng pangmamaliit nilang magkakaibigan noon kay Cee-Cee dahil lang mas gusto nila si Cleo para kay Kraige. Masyado silang naging malupit at unfair sa dalaga, dahil lang gusto nilang maprotektahan ang barkada nila. Pero siya ang pinakamalala sa lahat dahil siya ang nanguna sa pananakit kay Cee-Cee sa pag-aakalang masama itong babae.

Karma na nga siguro niya ang mahalin ang babaeng kahit kailan yata ay hindi na siya mapapatawad.

Natigilan lang siya sa pagmumuni-muni nang bumukas ang pinto ng kuwarto at lumabas mula ro'n si Kraige. Agad siyang dumiretso ng tayo. Papasok sana siya ng silid para muling bantayan si Cee-Cee pero pinigilan siya ni Kraige.

"What?" angil niya rito.

"Nagpapahinga na si Cee-Cee kaya 'wag mo muna siyang puntahan. Let's talk," mariing sabi nito, saka nagpatiuna sa paglalakad.

Bumuga siya ng hangin, saka mabibigat ang paang sumunod kay Kraige. Alam naman na niya kung ano ang pag-uusapan nila kaya hinanda na niya ang sarili niya sa galit nito. Pero hindi niya inasahan nang pagdating na pagdating pa lang nila sa parking lot ng ospital ay sinuntok na agad siya nito sa mukha. Dumugo ang gilid ng mga labi niya. Gayunman, hindi siya nagbalak gumanti. Kulang pa nga iyon sa kagaguhang ginawa niya kay Cee-Cee.

"Hindi ko inakala na darating ang araw na sasabihin ko sa'yo 'to, Strike," galit na sabi ni Kraige. "But I fucking hate you now. Paano mo nagawang saktan at gaguhin ng gano'n si Cee-Cee? Kayong lahat na mga kaibigan ko pa man din!"

"Hindi ko sinasadyang saktan siya. Oo nga't ako ang nagplano na magkaaminan kayo ni Cleo, pero ni minsan, hindi ko ginago si Cee-Cee," depensa niya sa sarili.

"Sa tingin mo, maniniwala pa ko sa'yo?" hindi makapaniwalang tanong nito. "Hindi pa ba sapat na nasaktan ko si Cee-Cee nang iwanan ko siya para kay Cleo at kailangan niyo pang dagdagan ang guilt na nararamdaman ko sa ginawa niyong pananakit sa kanya ngayon? Anong klaseng mga kaibigan kayo? Humingi kayo ng tawad kay Cee-Cee!"

Natigilan siya. May napansin siyang kakaibang emosyon sa mga mata ni Kraige. Best friend niya ito kaya madali niyang nababasa ang damdamin nito. Napuno agad ng galit ang dibdib niya. Hinablot niya ang kuwelyo ni Kraige. "Kraige, mahal mo pa ba si Cee-Cee?"

"Paano kung sabihin kong dahil sa nangyari ngayon, na-realize kong oo, mahal ko pa nga siya?"

Umangat ang kamao niya para sana suntukin si Kraige pero nang may marinig siyang malakas na hikbi ay natigilan siya. Binitawan niya si Kraige at nilingon ang pinanggalingan ng ingay. Nagulat siya nang makita si Cleo na nakatayo sa gilid ng kotse nito. Mukhang kadarating lang nito, pero base sa basang mga mata nito, narinig nito ang lahat ng sinabi ni Cleo.


***

NAKAUPO si Strike sa stool sa gilid ng hospital bed ni Cee-Cee habang pinagmamasdan ang dalaga sa pagtulog. Tulog na ito nang dumating siya kaya hindi pa siya nito pinapalayas. Malaya niya itong nababantayan dahil wala si Kraige. Kausap kasi ni Kraige si Cleo nang mga sandaling 'yon.

Kung siya siguro ang Strike noon, pipilitin niyang magkaayos sina Kraige at Cleo nang hindi isinasaalang-alang ang nararamdaman ng mga ito. Ngayon lang din niya napagtanto na siya rin ang may kasalanan ng lahat ng iyon.

Naalala niya ang usapan nila ni Cleo kanina lang, nang dalhin niya ito sa coffee shop para kumalma ito.

"I know Kraige loves me. Pero alam ko ring mahal niya si Cee-Cee. Three months after we became together, he proposed to me. We were happy then. Hindi ko alam kung kailan eksaktong nagbago ang damdamin niya. Sa tuwing nagkakasiyahan kami, bigla na lang natatahimik at nag-iisip ng malalim. Alam kong si Cee-Cee ang inaalala niya. Iyon din kasi ang mga panahong nalaman niyang umalis na si Cee-Cee sa dati nitong tinitirhan. Kahit inilihim pa niya, alam kong hinahanap niya si Cee-Cee. He was probably worried about her, and guilty too for hurting her. Hindi ko lang alam kung awa lang ba talaga 'yon. But now, I know it's not just out of pity. He cares for Cee-Cee. More than we know."

Napabuntong-hininga siya. Masuyong hinawi niya ang buhok na nakatabing sa mga mata ni Cee-Cee. Then, slowly, Cee-Cee opened her eyes. Hinanda na niya ang sarili niya sa galit nito, pero ilang segundo na rin ang lumipas ay nanatili lang itong kalmado at nakatingin sa kanya.

He sighed. "I'm sorry for hurting you, Cee-Cee."

"Kumain ka na ba?" mahinang tanong ni Cee-Cee sa kanya.

Nagulat siya. May nahimigan siyang pag-alala sa boses nito. Sapat na iyon para maalis ang mga tinik sa puso niya. Ngumiti siya. "Kumain na ko."

"Sinungaling. Amoy-kape ka. Ilang drum ng kape na ba ang tinira mo? You should eat a decent meal."

Ngumiti lang uli siya, saka naglakas-loob na haplusin ang pisngi nito. Hindi naman ito nagalit o umiwas. "Ikaw? Nagugutom ka ba?"

Umiling ito. "Strike... pinapatawad na kita sa kasalanan mo."

Napakurap siya. "Ha?"

Dumako ang tingin nito sa puting kisame. "Nasaktan talaga ako ng husto, kaya ako nagmatigas. Pero ngayon, kalmado na ko. Naiintindihan na kita. Ginawa mo lang 'yon para sa mga kaibigan mo, at iniisip mo lang din na iyon ang makakabuti para sa lahat. Naniwala kang si Cleo ang mas mahal ni Kraige, at naniwala kang mas masasaktan lang ako kapag ikinasal ako sa lalaking hindi ako mahal.

Kaya ko na ring kalimutan na maliit ang tingin niyo sa'king magkakaibigan dahil nahihirapan akong makisama sa ibang tao. Kasalanan ko naman 'yon. Siguro nga, noon, hindi ako karapat-dapat kay Kraige."

"Cee-Cee..."

"But you're wrong, Strike. Mahal ako ni Kraige."

Pakiramdam niya, may tumarak sa puso niya. Kung gano'n, nasabi na pala ni Kraige ang nararamdaman nito kay Cee-Cee.

"I know," halos pabulong na sabi niya.

Muli siyang binalingan ni Cee-Cee. "Strike, paglabas ko ng ospital, aalis na ko. I'm... I'm leaving with Kraige."

Tumikhim siya para alisin ang bumara bigla sa lalamunan niya. "Anong ibig mong sabihing aalis ka kasama si Kraige?"

"We're leaving to patch things up between us. Sa tingin ko, kasalukuyan na niyang kinakausap si Cleo tungkol sa plano naming pag-alis."

Hindi niya alam kung anong dapat sabihin. Gusto niyang pigilan si Cee-Cee, pero pagkatapos ng mga nalaman niya ngayon, alam niyang wala na siyang karapatang gawin 'yon.

Mahal pa ni Kraige si Cee-Cee, at maaaring nagbago na rin ang damdamin ni Cee-Cee kaya pinili nitong si Kraige ang makasama kaysa sa kanya.

Minsan na niyang inalis ang kaligayahan ni Cee-cee. Gago na talaga siya kung gagawin pa niya 'yon uli.

So, with all the courage left in his heart, he gave her the bravest smile he could muster at the moment. "Naiintindihan ko. May isang pakiusap lang sana ako, Cee-Cee."

Her eyes softened. "Ano 'yon, Strike?"

"Sabihin mo sa'kin kung kailan kayo aalis. Gusto kong ako ang maghatid sa'yo, kung saan man kayo pupunta ni Kraige."

Tinitigan siya ni Cee-Cee. Matagal bago ito sumagot. "Sige. Pagbibigyan kita."

Pinilit niyang ngumiti. "Great. Great!" Tumayo na siya. "Sandali lang. Ibibili lang kita ng pagkain. Siguradong nami-miss mo na ang HappyChic."

Mabilis na lumabas siya ng kuwarto. Hindi pa siya nakakalabas ng ospital nang bumigay ang mga tuhod niya kaya napaupo siya sa sahig. Niyukyok niya ang ulo niya sa mga tuhod niya. Naramdaman na lang niya ang mainit na likido na tumagos sa pantalon niya.

My Favorite Girl (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon