Mama

44 1 2
                                    

Hindi ko alam kung bakit sinasabi yun sakin ni tita Beth, pero simula ng lumipat kami dito, ngayon ko na lang narinig ang mga salitang iyon. Naguguluhan ako, nalilito.

"Uuwi po kaya si mama mamaya?" naiiyak na tanong ko.

Niyakap nya ko ulit. Umiiyak pa rin sya, pero mas malakas ang pag iyak nya ngayon.

Humigpit sandali ang mga yakap nya at saka dahandahan akong pinakawalan. Hinawakan nya ang mga kamay ko at dinala ako sa kusina, pinaupo nya ako at naupo rin sya sa tabi ko.

"Mahal kita, naiintindihan mo?"

"Opo."

"Naalala mo ba bago tayo pumunta dito sa Tarlac?"

"Opo."

"Naaalala mo ba yung mga nangyari sa Maynila ilang araw bago tayo pumunta dito?"

Hindi ako sumagot, tiningnan ko lang sya, Hindi ko alam ang isasagot ko. Magulo. Nakakalito.

"Jas, kasama ba natin ang mama mo na nagpunta dito?"

Pilit kong inaalala ang mag nangyari bago kami lumipat pero wala akong matandaan.

"Kasama ba natin sya?"

Nag-umpisa na kong umiyak.

"Umuuwi ba sya dito?"

Tumango ako.

"Kinakausap ka ba nya?"

"Hindi ko alam."

"Kumakain ba sya?"

Tumango ako.

"Tuwing kailan sya umuuwi?"

"Tuwing wala ka."

"Kapag nandito ba mga kaibigan mo, nandito sya?"

"Dati wala, pero," tumigil ako. Tinitigan ko sya. Umiling ako,

"Jas, wala ka bang natatandaan sa nangyari sa Maynila?"

"Wala!" sumigaw ako ng malakas.

Nanlaki ang mga mata ni tita Beth.

"Lumabas ka! Umalis ka dito! Hindi kita kailangan!" hindi ko alam kung bakit ko sya sinisigawan. Hindi ko mapigilan ang sarili ko. galit ako. Galit na galit.

.

.

.

"Hindi ko naiintindihan yung mag tinanong nya sakin kahapon, para bang pinagbibintangan nya ko sa mga bagay bagay na hindi ko alam, na hindi ko maintindihan." 

Nasa kwarto ako. Nakaupo sa gilid ng kama. Yakap ako ni Jake. Nasa mesa sa gilid ng kama si Veronica at nakikinig lang.

"Hayaan mo na sya, wala lang syang magawa sa buhay nya."

Hinalikan nya ko sa pisngi.

Hangga't narito sya sa tabi ko, wala akong dapat alalahanin. Mahal nya ko.

"Hinahanap si Gretchen lagi sa school, may mga pulis na kinakausap kaming lahat. Bakit ba hindi ka na pumapasok?"

Ngumiti sya. "Dito na lang ako, hihintayin lagi ang pagbabalik mo."

"Ayoko, gusto ko kasama kita lagi. Wag na rin kaya akong pumasok? Dito na lang tayong lahat sa bahay."

"Ikaw ang masusunod."

Niyakap ko sya at nanatiling nakakapit sa kanya sa buong gabing iyon.

.

.

.

Kinaumagahan hindi ako nagbihis para pumasok sa eskwelahan, walang kwenta na naman ang school. Wala akong natututuhan dun tsaka ano pang silbi ng pag aaral kung may mga kaibigan na rin naman ako na handa akong tulungan at samahan sa loob man o labas ng eskwelahan.

Nakaupo sa sofa ng sala si mama, kausap nya si Sarah. Hindi ko alam kung pumapasok pa ba si Sarah, ewan ko kung papasok sya ngayon kapag sinabi kong hindi ako papasok.

Sinilip ko si Jake sa kwarto ko, tulog pa rin sya. Nakangiti si Veronica habang nakatingin sakin. "Kulang pa sila," ang narinig kong sabi nya.

"Tama ka, kailangan ko pa ng ibang magiging kaibigan," ngumiti ako.

.

.

.

Wala sya sa school. Hindi sya pumasok. Wala rin ang mga kaibigan nya.

Nalaman ko na matagal ng hindi pumapasok yung Gretchen pati yung Jake na pinaghihinalaan nila.

Pinuntahan ko sya sa bahay nya bago ako umuwi. Gabi na. Tahimik ang bahay. Pumasok ako sa loob. May narinig akong tumatawa sa kusina. Papasok na sana ako sa loob nang bigla ko syang narinig na nagsalita. 

"Buti naman po at naisipan nyong umuwi saglit."

Tumahimik ito saglit.

"Mababait po talaga ang mga kaibigan ko."

So nandito yung mga kaibigan nya kanina.

"Gustung gusto ko rin po si Gretchen kahit na alam kong sya ang unang nagustuhan ni Jake," malungkot ang boses nito.

Nandito si Gretchen kanina?

"Ma, may sasabihin po ako sa inyo. Natatakot na po ako kay tita Beth, parang nababaliw na sya."

Sumilip ako sa pintuan. Nakatalikod si Jasmine sa pinto kaya hindi nya napansin na pumasok ako. Casual akong pumuta sa lababo at nagtanong kung kumain na ba sya.

Tahimik sya.

Nilingon ko sya. "Kumain ka na ba?" pag-uulit ko sa tanong.

Tumango sya.

"May kasabay ka bang kumain?"

"Si mama."

Nilapitan ko sya. "Jas, patay na ang mama mo, Nasagasaan sya, tatlong buwan na ang nakakaraan. Sinong mama? Sinong kasabay mo?"

Nangangatal ako habang nakatingin sa kanya.

.

.

.

Hindi pa patay si mama. Hindi pwedeng mangyari yun! Nandito sya kanina. Magkausap kami. Hindi sya nasagasaan. Hindi pwede yun. Hindi nya ko iiwan ng ganun na lang. Buhay sya.

Sinungaling ka! Sinungaling!

 

Close(s)t FriendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon