Mondy’s POV
Alas otso pa lamang ng umaga ay dumiretso na ko sa bahay nina Sam. Hindi na rin ako nakapag-jogging gaya ng lagi kong ginagawa. Kabilinbilinan pa naman ni Mama na kailangan sa katawan ang laging ehersisyo.
Naabutan ko ang Mama ni Sam na abala sa pagkutingting sa mga ornamental plants sa garden niya.
‘’Tita! Good morning po.’’
Binalingan niya ako. ‘’O, hijo. Goodmorning din. Ano’ng ginagawa mo dyan?’’
Binitawan ko agad ang pagkakahawak ko sa mga rehas sa bakod ng bahay nila. ‘’Ah, tita. Gising na po ba si Sam?’’
‘’Ah, siya ba kailangan mo? Tulog pa siya eh. Halika, pasok ka.’’
Binuksan niya ang gate at pumasok na ako. ‘’May gagawin po kasi kaming project para sa science fair namin.’’
‘’Ah ganoon ba? O sige. Pumasok ka na. Nag-umagahan ka na ba? Bakit kasi an aga mo eh alam mo naman kung paano matulog yong bestfriend mo. Tulog mantika. Yong naka-bote ha hindi yung naka-sachet lang.’’
Natawa ako sa sinabi niya. Si Tita Martha talaga minsan palabiro din bagama’t kapag nagsasalita parang palaging galit.
‘’Opo tapos na po ako. Hihintayin ko nalang po siya hanggang sa magising. Kabilinbilinan po kasi niyang maaga ako ng dating. Eh..’’ napakamot ako sa batok.
‘’Naniwala ka naman dun! Sige na! Sige na, gisingin mo nalang siya sa taas. At may aasikasuhin pa ako sa labas.’’
Bestfriends din ang mga magulang namin ni Sam. Mula pagkabata ay sumasama na ako kay Mama kapag bumibisita siya kay Tita Martha kaya ganoon nalang ako ka-open sa bahay nila. Tsaka malaki ang tiwala sa akin ng pamilya ni Sam.
‘’Naku tita baka magalit siya. Wag na po.’’
‘’Ikaw nga dapat ang magalit. Pinapunta ka niya dito ng napakaaga tapos ganyan, aabutan mo pa siyang tulog. Sige na, pumaitaas ka na! Hindi nag-lo-lock ng pinto si Sam.’’
Sige na nga. Hindi lang naman ito ang first time. Pang-ilang beses na itong mangyayari.
‘’Sige po.’’
‘’Ay teka sandali, hijo. Kumusta na pala si Annie?’’
‘’Okay lang naman po si Mama. Dumating na po sila ni Papa galing London.’’
‘’Sabihin mo bisitahin ako ha?’’
‘’Sige po.’’
‘’O sige, lalabas na muna ako at tumataas na ang araw.’’
Naiwan na ako doon. Umakyat na ako. Pinihit ko ang seradura ng pinto.
Ayun, tulog pa si bestfriend.
Umupo ako sa upuan malapit sa mini table ng kwarto nito. Maayos ang kwarto ni Sam. At mabango pa. Nang tignan ko siya ay mahimbing pa ang tulog niya.
Ganda talaga ng bestfriend ko..
Teka, wag! Bawal!!
Pinigilan ko ang sariling titigan pa siya ng mas matagal.
Naghanap ako ng pagkakaabalahan. Nakita ko ang project niya. Doon ko itinuon buo kong atensyon.