Part 1

25.4K 432 27
                                    


"'NAK NG PUCHA NAMAN! Pagkatapos nating matusta sa init ng araw, uulanin naman tayo ngayon. Napapraning na talaga ang klima. Mang Roming painom, ha? Salamat!"

Hindi na hinintay ni Berry ang sagot ng may-ari ng karinderya sa gilid ng kalsadang iyon. Doon na muna siya tatambay sandali bago sagupain ang galit ng tiyahin niyang hindi na yata naging masaya sa buhay. Lagi kasi siyang pinag-iinitan tuwing nakikita siya ni Tiyang Cora. Nasanay na lang si Berry sa walang humpay na pagtaas ng alta presyon nito sa kanya. Na mukhang aariba na naman ngayon dahil may tatlong tao siyang hindi nasingil sa mga pautang ng tiyahin.

May five-six business kasi ito at si Berry ang naging taga-singil mula pa nang araw na matuto siyang magkuwenta ng pera. Sa maiksing salita, pinag-aral lang siya sandali ng tiyahin para matuto magbilang. Nasa ikalawang baitang lang siya noon sa elementarya nang huminto na siya sa pag-aaral para tulungan ang tiyahin sa mga maliliit nitong negosyo noon. Wala kasi itong pamilya at silang dalawa na lang talaga ang matatawag na magkamag-anak sa mundo dahil wala na ring nakilalang kamag-anak si Berry mula nang magkamalay siya sa poder ng tiyahin. Pero wala siyang reklamo. Marunong naman na siyang magbasa at sumulat kahit dalawang taon lang siya sa eskuwelahan. Isa pa, hangga't may maayos siyang matitirhan at makakakain sa tamang oras, masarap man o hindi ang pagkain, buhay na siya. Nagpapalasamat pa nga siya na kinuha siya ng tiyahin sa paaralan dahil natuto dumiskarte sa buhay ng maaga. Hindi nga lang niya iyon ipinaaalam kay Tiyang Cora dahil kapag nalaman nitong suma-sideline siya sa negosyo ng tiyahin, siguradong bubula na naman ang bibig nito sa pagmumura sa kanya mula ulo hanggang talampakan. Kaya lahat ng mga 'business deals' niya, siya lang talaga ang nakakaalam.

"Berry, ano ang lumabas na lotto kagabi?" tanong ng tricycle driver na si Karding. Katatapos lang nitong kumain ng tanghalian. Sinabi niya ang winning lotto numbers. Mahina itong napamura. "Malas talaga."

"Tumaya ka na lang ulet," udyok ni Berry dito. "Sabi nga nila, tray en tray antil yu day. Kaya tray ka na lang ulet. Pupunta ako mamaya sa lotto-han. Isasabay na kita."

"Sige. 'Yung alaga kong mga numero, alam mo na, ha?"

"Areglado. Basta wag mo rin akong kalilimutan kapag nanalo ka. Konting balato para mas lalo ka pang lapitan ng suwerte."

"Oo naman. Ikaw pa. Sige, bibiyahe pa ako. Iabot mo na lang sa akin mamaya sa terminal 'yung tiket ko."

Nakita ni Berry na kulang ang ibinigay nitong pera. "Uy, Karding, mukhang may nakakalimutan ka..."

"Ha?"

"'Yung padulas mo," nakangiting sagot ni Mang Roming. "Alam mo naman iyang si Berry, parang makina na hindi umaandar kapag walang padulas."

"Oo nga pala. Pagdaan mo na lang sa terminal saka ko ibibigay, Berry."

"Walang problema. Pero may dagdag na iyon," sagot ni Berry.

"Pambihira ka naman. Wala pang isang araw, may interes na agad?"

"Alam mo, Karding, ang mga makina kapag tumagal na hindi nalalagyan ng padulas, lalong nahihirapan umandar. Ibig sabihin, kailangan dagdagan ng dagdagan ang padulas hanggang sa umandar uli iyon ng maayos. Alam mo iyon? Tsaka malas ang mga hindi agad nagbabayad sa mga tumataya sa lotto. Ikaw din...nararamdaman ko pa naman ngayon na masuwerte ang araw na ito para sa iyo."

"Sinabi mo rin iyan sa akin noong nakaraang linggo, eh. Hindi naman ako nanalo kahit sa jai alai."

"Noong nakaraang linggo iyon. Siyempre iba ngayon. Ano ka ba? Pas is pas."

Napakamot na lang ito ng ulo nang iabot ang kulang na bayad, habang si Mang Roming ay tatawa-tawa na lang na inililigpit ang pinagkainan ni Karding.

Barely Heiresses Series: BERRY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon