"ARE YOU SURE you wanted to do this, Berry?"
Nasa harapan na sila ngayon ng nakasaradong pinto ng nag-iisang pribadong silid ng Doctors Hospital. "Bakit parang ayaw mo yata na makita ko ang tatay ko?"
"Baka lang kasi...hindi ka pa handa."
"Ano naman ang dapat kong paghandaan?"
"Berry..." Hayun na naman ang lambing sa boses nito sa pagsambit ng pangalan niya. "Hindi basta-basta ang pinagdaanan mo sa buhay dahil sa hindi nalaman ng iyong ama ang tungkol sa iyo. Kung...ayaw mo siyang makita ngayon dahil sa may galit ka pa sa kanya—"
"Ako? May galit?"
"You lost your mother at a very young age. At hindi man lang nalaman ng iyong ama ang existence mo kung hindi pa niya aksideteng natuklasan sa—"
"Hindi naman niya kasalanan iyon. Walang dahilan para magalit ako sa kanya."
Halata na may gusto pang sabihin si Matthew ngunit mas pinili na lang nitong hindi na magsalita pa. Kung anoman ang iniisip nito ngayon, mukhang malalim iyon dahil parang mas naging seryoso ang ekspresyon sa mukha nito.
"Sige. Pumasok ka na. Hihintayin na lang kita dito sa labas."
"Ayos ka lang ba, Matthew?"
"Yes, I'm fine." Ito na ang nagbukas ng pinto ng silid. "Go in. Nandoon lang ako sa lobby kapag hinanap mo ako."
Tumango lang si Berry pero hindi muna siya pumasok ng silid hangga't hindi nawawala sa paningin niya si Matthew. Kanina pa niya napansin ang tila paglalim ng kung anomang iniisip nito pagpasok pa lang nila ng ospital. At hindi siya sanay na makitang tila may inaalala itong mabigat.
Hinarap na ni Berry ang pinto ng pribadong silid at pinihit ang seradura. Bibilisan na lang niya rito para mapuntahan niya agad si Matthew.
Maaliwalas ang malawak na silid. Makikita ang mga halaman sa maliliit na paso na naka-display sa nakabukas na nag-iisang bintana roon. Masuyo ang pag-ihip ng hangin kaya bahagya ring sumasayaw sa saliw niyon ang manipis na kurtina ng bintana. Kahit sa kinatatayuan ni Berry ay makikita ang magandang tanawin sa labas ng bintana kung saan nagmumula naman ang natural na liwanag at lamig ng silid. Pero ang mas nakakuha ng atensyon ni Bery ay ang lalaking himbing na nakahiga sa kama.
Wala iyong anomang aparato sa katawan liban sa dextrose na nakakabit sa braso nito. Dahang-dahang naglakad palapit si Berry sa pasyente nang hindi inaalis ang tingin niya sa mukha niyon. Hindi siya sigurado, pero parang may kung anong magnetong humihila sa kanya palapit sa naturang lalaki. Napahigpit ang hawak niya sa mga bulaklak sa kanyang kamay nang tuluyang makalapit dito.
"Ikaw...ang tatay ko?" mahina niyang sambit. Bahagya pa siyang napangiti. "Iyan pala ang itsura mo. Guwapo. Kaya siguro mabilis na nahumaling sa iyo ang nanay ko noon."
Muling nawalan ng sasabihin si Berry at patuloy lang na pinagmamasdan ang mukha ng taong nagbigay ng kalahati ng pagkatao niya. Ng taong lagi na lang niyang hinuhulaan kung ano ang itsura sa tuwing titingin siya sa salamin. Ng taong hindi na niya inaasahan na makikita pa.
Napalunok si Berry nang maramdaman ang tila pagkirot ng kanyang dibdib. "Ah...may dala ho akong bulaklak." Inialay niya rito ang bitbit. "Pinaghirapan itong pitasin nung kasama ko kanina. Hindi ko kasi maabot, eh. Pasensya na kayo ito lang ang nadala ko sa inyo..." Pero inilayo uli niya ang mga bulaklak dahil natatakpan niyon ang mukha nito. At ayaw niyang may istorbo sa pagmamasid niya rito.
Doon lang napagtanto ni Berry...masaya siya na makita ang itsura ng tatay niya.
Tatay. Isang salita na kahit kailan ay hindi niya nasambit mula nang magka-isip siya dahil wala naman siyang puwedeng matawag na tatay.
![](https://img.wattpad.com/cover/143536248-288-k410245.jpg)
BINABASA MO ANG
Barely Heiresses Series: BERRY (COMPLETED)
RomansaTahimik ang buhay ni Berry sa isang squatter's area sa Tondo, nang dumating ang isang hindi niya inaasahang suwerte. Isa raw siya sa tagapagmana ng isang mayamang don mula sa Sagada, sabi ng guwapong abogado na naghanap sa kanya. Pero may mga kundis...