NAG-INAT SI BERRY paglabas ng sasakyan at hinaayang mapuno ng sariwang hangin ng bulubundukin ng Sagada ang kanyang baga. Pagkatapos ng halos kalahating araw na biyahe ay nakarating na rin sila sa kanilang destinasyon. Sa buong biyahe ay natulog lang si Berry at nagigising lang kapag nasa stop over na sila para kumain at magpahinga sandali. Kapag kinukulit naman niya si Matthew para magtanong ng kung ano-ano sa mga bagay-bagay na nakikita niyang bago sa paningin niya ay wala naman siyang napapala dahil lagi lang siya nitong pinapagalitan o kaya ay hindi pinapansin. Kaya wala siyang nagawa kundi ang gumawa ng sarili niyang mundo. Na madalas ay sa pagtulog lang niya nagagawa dahil tila ba sarap na sarap siya sa pagtulog. Kaya para siyang nakainom ng isang drum na energy drink nang makarating sila sa wakas sa Sagada.
"Iba talaga ang hangin na walang polusyon. Ang sarap sa pakiramdam." Nag-inat pa siya ng nag-inat habang inililibot ang paningin sa kabuuan ng paligid.
Nagkalat ang makakapal at nagtataasang mga pine trees. Idagdag pa ang mga halaman na parang itinapon lang sa iba't ibang bahagi ng lugar na iyon at namuhay ng malaya kaya gumanda ng ganon. Natutuwa si Berry na makakita ng mga nakatanim na halaman ng direkta sa lupa. At mga namumulaklak pa. Sa Barangay Mapayapa kasi, lahat ng halaman ay nasa mga lata at mga gamit na plastik ng bote. Wala na kasing espasyo para sa mga halaman at puno. Lahat ay sinakop na ng mga bahay.
Sa Sagada, parang napakaluwag ng mundo. Parang naging mabait ang mga tao sa kalikasan.
Magandang gawing negosyo ang mga halamang ito. Walang ganito sa Maynila—
"Huwag mong pagbalakan ng masama ang mga halamang iyan, Berry."
Itinago ni Berry ang mga kamay sa kanyang likod saka binalingan si Matthew. "Naniniwala ako na hindi dapat inaalis ang mga halaman at puno sa kanilang lupang sinilangan."
"Good. Let's meet your grandfather."
Iminuwestra siya ni Matthew sa tapat ng pinakamagandang lumang bahay na nakita niya sa buong buhay niya. Hindi agad iyon napansin ni Berry dahil sa kabilang pinto siya ng sasakyan bumaba. Ngayon ay kaharap na niya ang mansyon na daig pa ang mga nasa larawang nakikita niya sa mga magazines na binubuklat niya minsan bago ibenta sa junkshop. Sa bukana ng mansyon ay naroon ang isang matandang naka-wheelchair, sa likuran niyon ay isang babaeng may edad na rin pero hindi kasing tanda ng nasa wheelchair.
"Batiin mo ang lolo mo," wika ni Matthew sa kanya.
"Ang magbibigay ng mana ko?" Hinarap ni Berry ang mga matatanda. "Lolo!" Masaya siyang lumapit sa mga ito. "Wassap yo?"
Napansin ni Berry na tila nalito ang matandang babae pero nakipag-apir pa rin ito sa kanya. Gayundin ang kanyang lolo na tila inaasahan na ang gagawin niyang pagbati rito.
"Nahirapan ka ba sa biyahe, hija?"
"Hindi. 'Sarap nga ng tulog ko, eh. Okey sa olrayt ang kotse ni Matthew. Ang lakas ng erkon. Ang lamig kaya masarap matulog. Pero mas malamig dito sa Sagada. Buti na lang pala at nakapagdala ako ng jacket na pamana pa ni Mang Indo." Tinapik-tapik pa ni Berry ang manggas ng lumang maong jacket na suot. "Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa."
Narinig ni Berry na napasinghap ang kasamang babae ng lolo niya, halata na nagulat ito sa kanyang sinabi.
"Itapon mo na iyan, Berry. Hindi ka dapat nagsusuot ng mga gamit ng mga namayapa na."
"Masama ba iyon? E sayang naman kasi kung itatapon lang. Maayos pa naman 'to—"
"May mga sweaters ako sa loob na hindi ko pa naman naisusuot. Iyon na lang ang gamitin mo."
"Bago? Astig! Ngayon lang ako magkakaroon ng bagong gamit. Tenk yu!"
"Call me Aunt Carrie, dear. I'm your father's legal wife."

BINABASA MO ANG
Barely Heiresses Series: BERRY (COMPLETED)
RomanceTahimik ang buhay ni Berry sa isang squatter's area sa Tondo, nang dumating ang isang hindi niya inaasahang suwerte. Isa raw siya sa tagapagmana ng isang mayamang don mula sa Sagada, sabi ng guwapong abogado na naghanap sa kanya. Pero may mga kundis...