NAGLALAKAD-LAKAD NA SINA MATTHEW AT BERRY pagkatapos magpakabundat sa tatlong order ng yogurt at sangkaterbang tubig.
"Hindi na kita ililibre kahit kailan. Pahamak ka."
"At hindi ko rin naman sinabi na makihati ka sa in-order ko."
"Nakakaawa ka kasi. Parang mamamatay ka na sa unang subo pa lang ng yogurt."
"Ayan lang ang ospital, o," turo ni Berry sa establisyimentong madaraanan nila. "Kung natigok ako dahil sa mukhang icecreams na iyon, puwedeng-puwede mo akong itapon diyan. Pero di mo ginawa. Tapos ngayon magrereklamo ka."
"Hayaan mo sa susunod, pababayaan na kitang mangisay dahil sa katakawan mo."
"Ililibre mo ako ulet?"
"Ng icecreams?"
Napangisi lang si Berry. Halata kasi na nang-aasar lang si Matthew. Hindi ito nagtagumpay, pero nagawa nitong halungkatin ang kababawan niya sa katawan. Natawa si Berry ng wala sa oras. Napangisi naman si Matthew.
Ilang sandali pa ay mukha na silang mga timang na nagtatawanan sa gitna ng kalsadang iyon. Kaya naman laking gulat niya nang bigla na lang siyang hilahin ni Matthew at ikulong sa mga bisig nito. Aariba na sana ang imahinasyon niya nang makita ang humahagibis na truck na dumaan sa tabi nila. Ramdam pa ni Berry ang malakas na hangin na hatid ng mabilis na pagdaan ng sasakyan, tanda na napakalapit lang niyon sa kanya at kung hindi naging maagap si Matthew ay baka nadale na siya ng wala sa oras.
"Pambihira!" palatak ni Matthew. "Hindi makapagdahan-dahan, nakita na ngang makipot lang ang kalsada." Pagkatapos ay bumaling ito sa kanya. "Okay ka lang?"
Di hamak na mas matangkad sa kanya ang binata. Kaya naman nakatingala na siya ngayon kay Matthew. Sa posisyon nilang iyon, habang nakakulong pa rin siya sa mga bisig nito at dama ang matatag nitong katawan, pakiramdam ni Berry ay puwede na siyang kunin ni Lord nang mga sandaling iyon.
Ay teka, hindi pa pala puwede. Sa susunod na lang na pagkakataon. Magpapakasaya muna siya sa munting eksena nilang ito. Unang beses siyang nakaranas na mailigtas sa isang disgrasya ng isang lalaking naging instant superhero sa paningin niya. Dati ay pinagtatawanan niya at inaasar ng korni ang mga napapanuod niyang mga eksena kung saan inililigtas ng bidang lalaki ang bidang babae sa mga humahagibis na sasakyan. Gaya ng nangyari sa kanila kanina ni Matthew. Hindi nga lang siya natawa o nakornihan sa eksena nila ng binata.
Lihim siyang humingi ng paumanhin sa lahat ng bidang babae sa mga paboritong teleserye ng tiyahin niya. Hindi na uli niya lalaitin ang mga ito sa kaartehan ng mga ito sa katawan kapag ka-eksena nila ang mga bidang lalaki. Naiintindihan na niya ngayon kung bakit ganon na lang ang drama ng mga bidang babaeng iyon.
Masarap nga naman kasi sa pakiramdam ang iligtas sa kapahamakan ng lalaking gusto mo. At hindi na rin siguro masama na kahit sandali lang eh...baka puwede siyang mag-ilusyon muna sa piling nito.
"Sa susunod, ililibre na talaga kita," nakangiting sambit ni Berry.
"Walang bayad ang pagliligtas ko sa iyo." Unti-unti siyang pinakawalan ni Matthew, pagkatapos ay nauna na itong naglakad palayo.
"Sandali, Matthew! Hindi icecreams ang ililibre ko sa iyo, pramis!" Naabutan na rin niya ito sa wakas at sinabayan sa paglalakad. "Hindi naman iyon bayad, eh. Libre iyon. Pero kung ayaw mo ng libre ko, sige. Ikaw na magbayad." Hindi ito sumagot. "Galit ka ba?"
"Bakit naman ako magagalit?"
"Ewan ko. Pakiramdam ko lang galit ka. Kumukulo kasi ang tiyan ko, at kapag ganito ang pakiramdam ko, alam kong may taong galit sa akin."
BINABASA MO ANG
Barely Heiresses Series: BERRY (COMPLETED)
RomanceTahimik ang buhay ni Berry sa isang squatter's area sa Tondo, nang dumating ang isang hindi niya inaasahang suwerte. Isa raw siya sa tagapagmana ng isang mayamang don mula sa Sagada, sabi ng guwapong abogado na naghanap sa kanya. Pero may mga kundis...