Part 16

7.9K 243 11
                                    


"IKAW NAMAN, BERRY, HINDI NA MABIRO. Come on, girl. We're just kidding you."

Hindi pinansin ni Berry si Hazel nang sundan siya nito sa hilera ng mga pagkain. Nilayasan niya ito at ang mga kaibigan nito nang magpagting ang tenga niya sa narinig na huling sinabi ng bruhang blondita tungkol sa kanilang magkakapatid. Kung wala lang siyang suot na magandang damit ngayon at hindi lang niya inaalala na baka mapingasan ang mga bagay na ibinigay sa kanya ng mga kapatid para sa gabing iyon, baka sargo na ang dugo sa nguso ng dalahirang babaeng ito. Pero iyon nga, naroon siya sa okasyong iyon para ipakita sa lahat na kaya rin niyang maging kasing tino ng mga kapatid niya.

Kaya dumiretso na lang siya sa mga pagkain at doon nanginain, sosyal style. Pero sinundan pa rin siya ni Hazel.

O, tukso, layuan mo ako!

"By the way, gusto ko lang sanang iparating na...huwag ka na sana masyadong lumapit kay Matthew. Madali kasi akong magselos."

Hindi na nakatiis si Berry. "Bakit ka naman magseselos? Hindi naman kayo, di ba?"

"Oh. Didn't you know? Matagal ng itinakda ng mga magulang namin ang kasal namin. Heto ang pruweba." Ipinakita nito kay Berry ang daliri nitong may isang makinang na singsing.

"Ay, meron din ako niyan." Ipinakita rin ni Berry ang singsing sa kamay niya. "Mas maganda at mas malaki pa. Oha? Oha?"

"H-how did you manage to have such expensive jewelry? T-that's fake!"

"Anong peke? Isa akong Banal, Miss. Walang peke sa pamilya namin. Kagatin mo pa ang singsing ko kung gusto mo. Teka, huwag na lang." Mabilis niyang binawi ang kamay. "Baka magasgasan pa ito e mabawasan pa ang halaga nito sa sanglaan. Pinaghirapan pa naman itong dalhin ni Amira galing Cambodia."

Na-bull's eye yata niya ang ego ni Hazel dahil lalo itong pumangit sa paningin ni Berry. Gayunpaman, nanatili pa rin ang pagiging mahinahon ng boses nito kahit na nga parang lalamunin na siya nito ng buhay. Hanga si Berry sa tibay ng pasensiya nito. Iyon siguro ang isa sa mga bagay na kayang ipagmalaki ng mga sosyal na tao sa mundo. 'Yung pagiging pikon nila, kontrolado. Kasi sa lugar nila sa Tondo, taga ang aabutin mo kapag may napikon sa mga tao roon.

"You may be a Banal, Berry, but that doesn't make you more than just a filthy ragdoll from the slum where you came from. Just like your sisters. Dahil lahat kayong magkakapatid, puro naman kayo bastardo ng tatay ninyong hindi makontento sa isang babae. Mabuti nga na comatose siya ngayon. Ganti lang iyon ng tadhana sa kanya. Para hindi na madagdagan ang lahi ninyong mga bastardo dito sa mundo. Nakakahiya kayong maging bahagi ng alta sosyedad namin."

Humigpit ang pagkakahawak ni Berry sa tinidor sa kanyang kamay. Pero sosyal siya ngayong gabi. Bawal ang maging bayolente. Unti-unting pinakawalan ni Berry ang isang malalim na hininga.

"Nakakaawa ka, Hazel. Naghahalusinasyon ka na sa relasyon nyo ni Matthew, naging halimaw ka pa. Mas matino pa tingnan ang mga kabarangay ko sa Tondo kaysa sa iyo, alam mo? Sila kasi kahit mahirap, ni minsan ay hindi sila nang-alipusta ng ibang tao. Lalo na 'yung mas mababa sa kanila. Tao nga naman. Kahit gaano pa kayamanan, hindi pa rin kayang takpan ang masamang ugali. Buti na lang hindi kita naging prend. " Inubos na niya ang laman ng kanyang plato. "Ginutom ako dun, a."

Tinalikuran na niya si Hazel para maghanap ng iba pang makakain sa mahabang mesa na iyon. Doon napansin ni Berry nakatingin sa kanila ang ilan sa mga waiter at waitress na nagsisilbi sa mga bisita. Nakangiti ang mga ito sa kanya, parang bang sinasabi mabuhay siya at mamatay sa inggit si Blondita.

"Akala mo kung sino ka. You're nothing without your family's money," habol ni Hazel.

"Ay, sorry ka. Pero pagkatapos ng gabing ito, mas mayaman na ako ng pipti milyons, day. Kuya, penge nga ng ulam na iyan sa harapan mo. Ano ba iyan? Mukhang masarap ah."

"Ginagamit ka lang ni Matthew para sa sarili niyang kapakanan! Ginagamit ka lang niya dahil ikaw ang apo ng maimpluwensyang si Don Alfonso Banal, ang daan niya para makuha niya ang posisyong inaasam niya buong buhay."

Saglit na natigilan si Berry, saka muling binalingan si Hazel.

"Surprised? Don't be. I told you, engaged na kami ni Matthew. Kaya nga sinabi niya sa akin ang lahat ng plano niyang iyon regarding with you, eh." Unti-unti ay sumilay ang mayabang na ngiti sa mga labi ni Hazel. "Do you want to know more, Berry? Okay, I will tell you more. Dinala ka lang dito ni Matthew para ipakita sa lahat ang kuneksyon niya kay Don Alfonso Banal. Dahil ang pangalan mo ang magiging backup ni Matthew para maging senior partner siya sa lawfirm na kinabibilangan niya. Iyon lang ang dahilan niya kung bakit hindi ka niya maiwan-iwan. Kung bakit lahat ay ginagawa niya para manatili siya ng mas mahaba pang panahon sa tabi mo. Para sa ganitong pagkakataon. Ngayong magkausap na sila ng ninong kong chief justice, at marahil ay alam na rin ng halos lahat ng tao rito, at mga kapwa niya abogado ang tungkol sa kuneksyon ni Matthew sa isa sa mga apo ni Don Alfonson Banal Sr., sigurado na ang posisyon ni Matthew. Knowing that my Ninong will say something to the President about Matthew, wala ng dahilan pa ang lawfirm nila para ipagkait sa kanya ang pagiging senior partner niya. Abot na niya ang pangarap niya, at ikaw, hindi ka na niya kailangan kaya bumalik ka na kung saan ka mang basurahan nanggaling. Hindi ka bagay kay Matthew kahit anong palamuti ng mga Banal ang ilagay mo sa katawan mo. You will never be his kind of woman. Matthew belongs to us. You don't belong anywhere near or around our pretty little world. So...bye bye. Sweet dreaming, coz that's what you will only do for the rest of your life."

Ngumiti lang si Berry. "Nag-aksaya ka lang ng laway, Hazel. Huli ka na sa balita dahil alam ko na ang lahat ng iyan."

Hindi totoo iyon. Pero wala siyang balak na hayang sumaya ang bruhang blondita. Kinuha na ni Berry ang plato ng pagkain mula sa waiter, saka naglakad patungo sa kung saan man siya dalhin ng kanyang mga paa. Basta lang, kailangan niyang makalayo kay Hazel. Kailangan niyang makalayo sa mga tao roon. Kailangan niyang makalayo sa lugar na iyon. Bago pa muling makaramdam ang namanhind niyang puso.

Lumilipad ang isip ni Berry kung saan, kaya hindi na niya namalayan ang mga tao sa paligid niya, hanggang sa makabangga siya ng isa sa mga ito. Tumilapon ang laman ng hawak niyang plato sa kanyang damit.

"Ah! Look what you've done to my dress! You stupid, stupid girl!"

Wala namang makita si Berry kahit katiting na bakas ng dumi sa damit ng babaeng nakabangga. O baka wala lang siyang makita dahil sa unti-unting panlalabo ng mga mata niya dahil sa nagbabadyang mga luha?

Tumingin siya sa paligid. Halos nasa kanya na ang atensyon ng lahat ng nasa okasyong iyon. Lahat ay iba't iba ang reaksyong makikita sa mga mata. Karamihan nga lang, hindi maganda.

"Ano ba iyan? Bakit ganyan iyan?"

"Nakakadiri ang damit niya. Yuck."

"Isn't that Don Alfonso Banal's granddaughter we've been hearing around?"

"Yeah. One of the Barely Heiresses."

"You mean, one of the eight Banal bastards."

Diretso ang tingin ni Berry sa huling nagsalitang iyon. Kuyom ang mga palad, sinugod niya iyon.

"Berry!" si Matthew ang humarang sa kanya. Nasa mukha nito ang pagtatanong at pagkadismaya sa nakitang gagawin niya.

Ni hindi man lang tinanong ang kalagayan niya, kung bakit balot na balot siya ng amoy ng kalderatang kambing. Ni hindi man lang nakita ang pagtutubig ng kanyang mga mata. Ni hindi man lang inalaman kung bakit malapit na siyang makapatay ng tao ngayon.

"Matthew, stay away from that violent woman. Baka ikaw pa mapagbalingan ng galit niyan." Si Hazel ang nagsalita, at nasa tabi na ito agad ni Matthew, pigil sa braso ang binata.

Muling umalingawngaw ang mga sinabi ng blondita kanina.

'Ginagamit ka lang ni Matthew para sa sarili niyang kapakanan.'

"Let's go, Berry."

Mabilis siyang nakawala nang hawakan siya sa braso ni Matthew. Hindi na niya kayang magpanggap.

"Pakyu kayong lahat!"

Iyon lang at nagmartsa na siya palabas ng lugar na iyon. Pero nakasalubong naman niya na papasok doon ang presidente ng Pilipinas, na halatang narinig ang pagmumura niya. Nasa tabi ng presidente si Atty. Ferrer na napapailing na lang.

"Sorry po," paumanhin ni Berry saka tuluyang lumabas ng venue.

Barely Heiresses Series: BERRY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon