MULBERRY, HIJA. Wala akong ibang gustong sabihin sa iyo kundi ang paulit-ulit na paghingi ng kapatawaran. Alam ng Diyos na hindi ginusto ng iyong ama na mapabayaan ka, lalo na nang maulila ka sa iyong ina. Kung nalaman lang namin agad ang tungkol sa iyo, naibigay na namin sana sa iyo ang lahat ng pangangailangan mo at hindi mo na kailangang magtiis sa poder ng iyong tiyahin. Patawad na hindi ka namin nabigyan ng magandang buhay, habang kami ay kumportable sa lahat ng bagay sa mundo. Walang araw na hindi ko inihingi ng kapatawaran sa Diyos ang lahat ng iyon, hija. But, enough of the past. Ngayong nandito ka na sa poder ng mga Banal, I'll make sure you'll have the best of everything. Things that you didn't have when you were growing up.
Gayunpaman, alam ko rin kung gaano mong minahal ang salapi. Pero gusto ko ring ipaalam sa iyo na hindi lang sa pera makukuha ang kaligayahan sa buhay. Mahalaga ang kayamanan, ngunit sana ay huwag mo ring kalilimutan na hindi lahat ng bagay ay makakapagpaligaya sa atin. Na madalas, ang totoong kaligayahan ay hindi natutumbasan ng kahit na anong materyal na bagay.
"Pero aminin mo, Lolo, na mas kumikinang ang lahat kapag may ekstrang pera." Walang tigil sa pagnguya si Berry habang paulit-ulit na binabasa ang sulat na iniwan sa kanya ng namayapa niyang lolo.
Sampung araw lang kasi ang lumipas mula nang tumuntong siya sa mansyon ay tuluyan ng namaalam si Don Alfonso Banal. Malungkot si Berry sa nangyari. Ang totoo, lahat silang magkakapatid, kahit hindi naman talaga napalapit nang husto sa matanda ay nagulat at nalungkot sa naging pagkamatay nito. Naging mabait naman kasi ito sa kaunting oras na inilagi nito sa mundo kasama silang magkakapatid.
Akala ni Berry ay makakabalik na siya ng Maynila pagkatapos mailibing ng kanilang lolo. Pero nagkaroon ng pagbasa ng mga iniwang pamana sa kanilang magkakapatid, at iyon ang medyo pinag-iisipan niya nang husto ngayon. May mga porsiyentong inilaan sa kanya sa ilang malalaking kumpanyang pinamamahalaan ng matanda. Pero wala doon ang puso ni Berry. Naroon ang atensyon niya sa limampung milyong piso, na makukuha lang daw niya kapag natupad na niya ang ilang hiling ng kanyang lolo na nakalagay sa sulat na iniwan nito para sa kanya.
"Kailangan kong tumigil pa ng isang buwan dito sa Sagada para makasama at makilala pa ang mga kapatid ko? Walang problema." Tumataas-baba pa ang tinidor na nakapasak sa kanyang bibig habang nagsasalita. "Kailangan ko rin magsanay na umastang mahinhing dalagang Pilipina, naaayon sa pagkilos ng mga dalagang nasa alta sosyedad. At sa huling araw ng buwan ay dadalo ako ng party ng mga sosyelarang mayayaman? Sus! Tsiken!" Itinapon ni Berry ang sulat sa ibaba ng mesa. "Hello! May maganda na akong hikaw na pangmayaman na galing kay Ate Yumi na napanalunan ko nung nagpustahan kami pagpunta namin sa Kiltepan Peak!" Ibiniling-biling pa ni Berry ang ulo para ipagmalaki sa kanyang 'invisible audience' ang hikaw na suot. "At arteng mayaman ba kamo?"
Ibinaling ni Berry ang katawan sa kaliwa niya, para mailabas ang hita sa ilalim ng kahoy na mesa ng Sagada Cooperative Canteen na kinaroroonan niya. Wala pa naman ibang tao roon kaya malaya pa siyang makakilos. Kadalasan kasi ay doon nagpupunta ang mga mamamayan ng Sagada para maglagay ng kani-kanilang ani at produkto na ibinibenta sa mga kapwa rin nila residente roon, pero mas madalas ay sa mga turistang kostumer. Pero dahil patay ang oras, kaya si Berry lang ang nag-iisang nakatambay doon at pinagdidiskitahan ang paborito niyang homemade lemon pie.
Inalala niya ang mga teledrama na paboritong panuorin ng tiyahin niya tuwing gabi. Pasilip-silip lang siya noon sa panunuod dahil kapag nasa bahay siya ay walang humpay din ang paglilinis niya ng bahay at pag-aasikaso sa mga utos ng tiyahin. Pero madali siyang makatanda kaya binalikan niya sa alaala ang mga asta ng mga mayayaman sa mga teledramang iyon. 'Yung mga kontrabidang mayayaman ang target niya ang pag-arte. Mas sosyal iyon, eh. Mas maarte.
Hinawakan niya ang tinidor gamit dalawa niyang daliri, at sinubukang tumusok ng lemon pie. Pag-angat niya ng tinidor ay naiwan iyon sa lemon pie. Palpak. Hindi na siya umulit. Kumain na lang uli siyang malaking hiwa ng pagkain at inisahang subo iyon. Sunod niyang sinubukan ang paghawak sa tasa ng kape. Naiangat naman niya ang tasa, gamit uli ang dalawa niyang daliri sa hawakan niyon. Pero nang iinumin na niya ay dumulas ang dalawa niyang daliri at natapon sa damit niya ang kape. Malakas siyang napamura nang maramdaman ang pagguhit ng init ng kape sa dibdib niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/143536248-288-k410245.jpg)
BINABASA MO ANG
Barely Heiresses Series: BERRY (COMPLETED)
RomanceTahimik ang buhay ni Berry sa isang squatter's area sa Tondo, nang dumating ang isang hindi niya inaasahang suwerte. Isa raw siya sa tagapagmana ng isang mayamang don mula sa Sagada, sabi ng guwapong abogado na naghanap sa kanya. Pero may mga kundis...