"SIGURADO KANG DITO MO gustong kumain?"
"Oo naman. Ang sarap kaya ng mga pagkain dito. Hindi mo ba nakita 'yung mga piktyur ng pagkain nila doon sa may pinto?"
"Nakita."
"O, di ba? Magtiwala ka sa mga pagkain sa mga ganitong lugar. Tsaka kahit ano naman kinakain ko kaya huwag kang mag-alala na may matitira sa ililibre mo sa akin. Uubusin ko lahat iyon. Bekos ay lab fuds!"
"Why do you always have to shout?"
"Teka, hindi pa ako tapos. 'Yung pinakapaborito ko sa lahat ng nakain ko na dito sa Sagada, 'yung lemon pie. Lalo na 'yung maraming foams."
Mukhang sumuko na si Matthew sa kadaldalan ni Berry. Mabuti kung ganon. Dahil kailangan niyang mailayo ang linsyak na kaguluhang nararamdaman niya, salamat sa pinaggagagawa ng binata kanina. Pasimpleng kinamot ni Berry ang parte ng leeg niya kung saan hanggang ngayon ay parang nararamdaman pa rin niya ang init ng hininga ni Matthew nang bulungan siya nito kanina. Mabuti na nga lang at nakabawi na siya kaya nagagawa na niyang makipag-usap uli rito ng matino.
Pero mukhang hindi na maibabalik sa normal ang tibok ng puso niya.
"Kung maka-foams ka parang kutson lang ang tinutukoy mo, ah. Baka icings ang ang ibig mong sabihin."
"'Yun na nga. Aysings. Gusto ko ng maraming aysings sa lemon pies ko."
"Hindi ka rin masyadong galit sa 's' ng lagay na iyan, ano?"
"Ha?"
"Nevermind."
Lumapit ang serbidora. Agad itinuro ni Berry ang mga larawan sa hawak na menu. Nang makuntento sa gustong ipalibre saka lang niya binalingan si Matthew, na napansin niyang tahimik na naman siyang pinagmamasdan.
"Ikaw?" malakas niyang tanong dito. "Anong gusto mo?"
"Hinaan mo ang boses mo," nakangiwi nitong sagot. "Gusto kong hinaan mo ang boses mo bago mabulabog ang mga nananahimik na anito ng Sagada."
Tumango lang siya saka hinihintay ang order nito.
Umiling naman si Matthew. "Mamaya na ako o-order. I have a feeling na kailangan kong magreserba ng space sa tiyan ko para sa darating na unos."
Tumango lang uli si Berry saka binalingan ang serbidora para magpasalamat. Nang iwan sila nito, muli na namang nabalot ng katahimikan ang mundo nila ni Matthew. Pinipilit ni Berry na makipag-usap pero ayaw gumana ng lintik niyang kukote. Nagrarambulan na kasi ang isip at tibok ng puso niya.
Isip at tibok ng puso. Yes, may ganon na siyang nalalaman ngayon.
Malakas siyang napabuntunghininga saka naghanda sa mga sasabihin. Pero nang mapadako ang atensyon niya sa guwapong mukha ni Matthew, na tahimik na namang nagmamasid sa kanya, tinablan ng hiya ang utak niya at umurong. Umariba rin ang tibok ng puso niya.
Sumasakit na ang ulo ni Berry.
Tumahimik ka, Mulberry Borabora! Mabuting tao ang isang iyan. Tantanan mo ang pag-iisip ng kabulastugan sa kanya.
Ngunit datapwat subalit...
Ang puso niya...
Ang mga mata niya...
Paano ba niya uutusan ang lahat na yata ng bahagi ng katawan niya na huwag pakialaman ang isang tulad ni Matthew? Walang duda na gusto niya ang lalaki. Pero 'yung gusto na para lang sa isang may malaking utang na loob dito.
Di ba?
Rayt?
"Sabi mo kanina kay Brian na nagbabakasyon ka ngayon dito sa Sagada?"
![](https://img.wattpad.com/cover/143536248-288-k410245.jpg)
BINABASA MO ANG
Barely Heiresses Series: BERRY (COMPLETED)
RomanceTahimik ang buhay ni Berry sa isang squatter's area sa Tondo, nang dumating ang isang hindi niya inaasahang suwerte. Isa raw siya sa tagapagmana ng isang mayamang don mula sa Sagada, sabi ng guwapong abogado na naghanap sa kanya. Pero may mga kundis...