"CAREFUL, BERRY."
"Yis, boss!" Naka-ilang hakbang pa si Berry bago niya nakuha ang balanse sa suot niyang three-inch heeled shoes na ipinamana pa sa kanya ni Ate Yumi. Mabato kasi ang nilalakaran niya ngayon, na siya mismo ang pumili para mas lalo siyang masanay maglakad ng maayos.
Mag-iisang linggo ng pinag-aaralan ni Berry ang maging isang maarteng nilalang ng mundo. At salamat sa tiyaga ni Matthew, kahit paano ay nakakatapos naman siya sa isang araw ng mga itinuturo nito na buo pa ang mga parte ng katawan niya.
"Matthew, ang ganda ko pala kapag may kulorete sa mukha."
"Kolorete?"
"Nilagyan ako ng meyk-ap ni Ate Yumi. Meyk owber daw iyon." Itinaas ni Berry ang dalawang braso para mas mabalanse ang paglalakad, kahit mas mukha siyang lasing na nagpipilit na maglakad ng diretso sa itsura niya ngayon imbes na nagsasanay na maglakad ng may mataas na takong na sapatos. "Tumulong din ang iba ko pang kapatid. Nakakatuwa nga, eh. Kahit alam kong abala rin sila sa sarili nilang mga huling habilin ni Lolo, binigyan pa rin nila ako ng oras na makasubok ng meyk-ap at makapagsuot ng magandang damit."
"That was nice of them. May picture ka?"
"Meron. Pero nasa cellphone ni Eira lahat."
"Pahingi kamo ako ng kopya."
"Bakit? Gagawin mong panakot ng daga?"
"Remembrance."
Nakadipa pa rin si Berry nang lingunin sa likuran niya si Matthew. Nakasandal lang ito sa isang puno na may kulay puting bulaklak na hugis trumpeta. Napakapresko tingnan ng binata, na nakahalukipkip pa habang natutok lang sa kanya ang atensyon.
Ang guwapo talaga ng kras ko!
"Pahinging remembrance kamo para sa unang pagkakataon na nagmukha kang tao." Hinarap niya ang abogado at naglakad palapit dito. Ng nakadipa pa rin. "Ibaba mo iyang mga kamay mo, Berry, para masanay ka ng maglakad ng hindi nagmumukhang lasing na zombie."
Hindi niya ito pinansin at nagpatuloy lang sa paglapit dito. "Bakit gusto mo ng remembrans pram me?"
"Dahil ilang linggo na lang ay maghihiwalay na tayo ng landas. Babalik na ako sa trabaho ko at magiging busy na ako. Kailangan ko ng taga-aliw kapag nabuburyong na ako sa mga kliyente ko."
"At ang piktyur ko ang magiging taga-aliw mo?"
"Oo." Ang lapad na ng ngiti ni Berry. Nang muling humirit ang timawang abogado. "Nakakatawa kasi ang itsura mo. Lalo na ngayon."
"Gagawin mo lang pala akong taga-aliw sa mga madidilim na sandali ng buhay mo." Tinalikuran na niyang muli ang lalaki. "Bangungutin ka sana sa piktyur ko."
"Berry. Come here."
"Ay downt want. Aym bisi praktising may da mubs hir."
"May ibibigay ako sa iyo."
"Ay sed ay downt want—"
"Libre."
Mabilis niyang nilingon si Matthew. Kasalukuyan nitong tinatalon ang mga bulaklak ng puno na kinasasandalan lang nito kanina.
"Iyan ang libre mo? E kahit ako kaya kong ibigay iyan sa sarili ko, eh."
Nakapamaywang siyang binalingan ni Matthew, iritado ang guwapo nitong mukha. "A, talaga? Kaya mong kumuha mag-isa? Sige nga, kumuha ka."
Nakadipa pa rin si Berry nang maingat na lumapit kay Matthew. Ngayong nasa ilalim na siya ng naturang puno ay saka lang niya nakita na may kataasan pala ang kinaroroonan ng mga bulaklak ng puno na iyon. Hindi niya iyon maabot, puwera na lang kung umakyat siya ng puno. Na hindi maaari dahil nag-iinarte siya ngayon.
![](https://img.wattpad.com/cover/143536248-288-k410245.jpg)
BINABASA MO ANG
Barely Heiresses Series: BERRY (COMPLETED)
RomanceTahimik ang buhay ni Berry sa isang squatter's area sa Tondo, nang dumating ang isang hindi niya inaasahang suwerte. Isa raw siya sa tagapagmana ng isang mayamang don mula sa Sagada, sabi ng guwapong abogado na naghanap sa kanya. Pero may mga kundis...