NAPATINGALA SI BERRY sa nagdidilim na langit. Uulan na naman sigurado. Parang isla na naman nito ang kanilang munting barangay kapag nagkataon.
"Sana huwag masyadong malakas. Maawa kayo sa pridyider ko, Lord."
"Mataas na ng isang baitang ang bahay nyo, ah. Napataasan na ng Tiyang mo noong nakaraang buwan kaya huwag ka ng mag-alala na abutin na naman kayo ng baha."
Nakangiting nilingon ni Berry si Mang Roming. "Oo nga, eh. Nagulat nga ako pagdating ko. Yumaman kami ng isang baitang!"
"Para daw hindi na kayo laging naghahabol sa pag-tataas ng mga gamit nyo tuwing bumabaha."
Naupo sa mahabang silyang kahoy si Berry at tinanggap ang ibinigay na isang mangkok na umuusok na sabaw mula kay Mang Roming. "Mabuti naman at nakaramdam din si Tiyang. Sumasakit na rin nga ang likod tuwing binubuhat ko si Bogart, eh."
"Itapon mo na kasi ang bulok mong pridyider. Palitan mo na ng bago tutal naging galante na ang tiyahin mo sa iyo mula nang bumalik ka."
"Uy, Mang Roming. Huwag kayo maingay at baka mausog."
Pero napansin nga ni Berry na may nagbago sa tiyahin mula nang dumating siya galing Sagada. Hindi na ito masyadong nagtataas ng boses o nagagalit sa kanya. Kahit anong sabihin niya ay oo na lang din ang sagot nito. At ang pinakamatindi, 'yung hindi nabawasan kahit isang barya ang iniwan niyang pera noong bago siya umalis. Tinanong pa niya si Mang Roming kung kumakain ba ang tiyahin niya dahil bago nagpakagutom ito kaya hindi nabawasan 'yung pera niya. Maayos naman daw ang pagkain nito, talaga lang hindi nito ginalaw ang pera niya.
Masaya si Berry. Naikuwento kasi ni Mang Roming, na naging kausap ng tiyahin niya mula nang magpunta siya sa Sagada, ang tungkol sa mga iyon. Kay Mang Roming din niya nalaman kung bakit hindi sinasagot ng tiyahin niya ang mga tawag niya rito, o kung bakit hindi siya nito tinatawagan noong nasa Sagada pa siya. Ayaw daw kasi siya nitong istorbohin. Ayaw ng tiyahin niya na alalahanin niya ito dahil gusto nitong doon na lang siya sa kanyang pamilya na makakapagbigay sa kanya ng magandang buhay. Tama ang hinala ni Berry. Na sa kabila ng maingay na pagtrato sa kanya ng tiyahin, mahalaga pa rin siya rito.
"O, ayan, pumatak na nga ang ulan!"
Kanya-kanya na ng diskarte ang mga tao roon kung paano makakaligtas sa ulan. labasan pa naman ng mga estudyante at mga empleyado sa opisina. Minsan talaga, badtrip 'tong ulan.
Pero hindi sa iba.
Dinampot ni Berry ang mangkok ng sabaw ng sinigang at masayang pinagmasdan ang mga bata sa kanilang barangay na nagkanya-kanya na rin ng paglalagay ng mga instant tulay dahil unti-unti na namang tumataas ang tubig-baha.
Tinawag niya ang mga ito. "Huwag na kayo maningil ng piso-piso. Ako na ang magbibigay sa inyo. Basta galingan nyo sa pagpapatawid ng mga tao, ha?"
"Magkano ibibigay mo sa amin?"
"Bakit, magkano ba ang gusto mo?"
"Wan handred."
"Sige, maningil ka na lang ng tigpi-piso." Napakamot na lang ng ulo ang kausap niya. ngumisi lang si Berry. "Dyowk lang. Sige na, bigyan ko kayo wan handred mamaya. Pang-baon nyo sa eskuwelahan iyon, ha? Kokonyatan ko kayo kapag nakita ko kayong nagka-kara krus."
Masayang nagtakbuhan pabalik sa mga ginawang maliliit na tulay ang mga bata.
"Hindi ka kaya bangungutin niyan, Berry?" biro ni Mang Roming.
"Babawiin ko ba, Mang Roming? Parang lalagnatin na nga ako, eh."
"Ginusto mo iyan," natatawang wika ng matanda.
BINABASA MO ANG
Barely Heiresses Series: BERRY (COMPLETED)
RomanceTahimik ang buhay ni Berry sa isang squatter's area sa Tondo, nang dumating ang isang hindi niya inaasahang suwerte. Isa raw siya sa tagapagmana ng isang mayamang don mula sa Sagada, sabi ng guwapong abogado na naghanap sa kanya. Pero may mga kundis...