Part 6

9.8K 283 19
                                    

INABUTAN NA NAMAN NG INIP si Berry kaya naisipan niyang maglakad-lakad sa paligid ng Sagada. Nabanggit sa kanya ng isa sa mga katulong sa mansyon na kung gusto niyang gumala at makakita ng marami-raming tao ay sa poblacion siya pumunta. Naroon kasi ang sentro ng Sagada kung saan puntahan ng mga turista. Sa mga katulong na lang siya nagpaalam na maglalakad-lakad dahil tulog pa ang mga kapatid niya nang umalis siya ng mansyon. Nasanay kasi iyang maagang nagigising para sa kanyang mga gawain doon sa Maynila. At dahil wala naman siyang magawa sa loob ng mansyon, dahil pinagbawalan ng kanyang lolo ang mga katulong na hayaan silang makialam sa mga gawaing bahay, wala tuloy mapagkaabalahan si Berry. Kahit pa humingi siya ng bayad para hindi na makunsensiya ang mga tauhan sa mansyon sa gagawin niyang pagtulong sana.

Napatingala siya sa mga nagtataasang pinetrees na nagkalat sa tabi ng kalsada. Natatakpan ng mayayabong niyong dahon ang sikat ng araw kaya mas lalong naging malamig ang panahon. Ayos lang. Maganda ang mga nakikita niyang tanawin sa paligid, salamat na rin sa nagkalat na mga ligaw na halamang namumulaklak at mga puno. 'Sarap sanang magmuni-muni habang kasama ang isang boylet sa tabi niya. Napangisi si Berry nang may maalala.

Nakabalik na kaya si Matthew? Saan kaya siya tumutuloy sa mga bahay doon sa poblacion?

Sa unang pagkakataon sa buhay niya bilang isang dakilang Eba, nagkaroon siya ng matinding interes sa isang kalahi ni Adan. Pero sino nga ba naman kasi ang hindi magkakainteres sa isang tulad ni Matthew? Sigurado, hindi lang siya ang babaeng nag-iisip ngayon sa nilalang na iyon.

"Nasaan na kaya siya ngayon?"

Napalingon si Berry nang makarinig ng paparating na sasakyan. Mabilis siyang tumabi sa pagdaan ng isang delivery van. Pero dahil wala namang diretsong kalsada sa Sagada, pagliko niyon ay ilang mga prutas ang tumilapon sa harapan niya mula sa mga kaing na karga ng van.

Mabilis na hinabol ni Berry ang mga nahulog na prutas. Ayos, may libre na siyang mangunguya habang naghahanap kay Ser Matyu.Pero huminto ang van at lumapit sa kanya ang lalaki na sakay niyon.

"Wala akong ginagawang masama, boss. Dinadampot ko lang ito kasi papangit ang kalsada kapag may basura..."

"Its okay." Dinampot na rin ng lalaki ang mga naiwang prutas sa kalsada.

"Ibebenta nyo pa ang mga 'to? Lamog na, o."

"Sige, sa iyo na lang iyan."

"Tenks." Dumampot pa siya ng tatlong oranges na malapit sa kanya. Magkano kaya niya puwedeng ibenta ang mga prutas na 'to sa poblacion?

"Teka, you look familiar. Isa ka ba sa mga kapatid ni Vera Mae?"

"Kilala mo si Ate Vera?"

"Medyo..." Lumingon-lingon ito sa likuran ni Berry.

"Hindi ko kasama si Ate Vera." Nakangiti na lang itong napakamot ng ulo. Guwapo ang lalaki. Singkit at maputi. "Boyfriend ka ni Ate Vera?"

"Naku, huwag na huwag mo iyang ipaparinig sa ate mo. Kakainin ako nun ng buhay," natatawa nitong sagot. "Saan nga pala ang punta mo? Kung sa poblacion, sumabay ka na sa amin. Malayo-layong lakarin din iyon mula rito, baka mapagod ka."

"Sige, salamat." Tiningnan uli ito ni Berry. "Anong pangalan mo?"

"Brian." Inilahad nito ang kamay.

Tinanggap naman iyon ni Berry at nagpakilala. "Hindi ka talaga boyfriend ni Ate Vera?"

"No. That woman hated my guts." Iyon lang at iminuwestra na siya ni Brian patungo sa van.

Sumunod na lang si Berry. Pero hindi niya maiwasang isipin na may kung anong maaaring namamagitan sa lalaki at sa nakatatatanda niyang kapatid. Sayang lang at hindi niya masyadong natanong si Brian dahil nasa harap ito ng manibela at may isang pahinante itong nakapagitan sa kanila. Sandali lang din ang biyahe at nasa sentro na sila ng Sagada.

Barely Heiresses Series: BERRY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon