"Huy, anong ginagawa mo dito?" Malakas na bulong ko sa batang naging kabute na naman dahil bigla na namang sumusulpot at dito pa talaga sa mall. Nasa labas ako ng women's CR at nasa loob pa ng cubicle si Ai. "Pano mo ko nahanap?"
"Wala lang. Binabantayan ka."
"Ano?" Lumilingon-lingon pa ko bago hinawakan ang kamay ng bata at sinama sa paglalakad. Nilabas ko ang phone at tinext si Ai na tinakasan ko siya at nagsinungaling na may titignan ako saglit. Eto naman kasing batang to bigla nalang magpapakita dito. Eh pano pag nawala pa to dito sa mall? Ireklamo pa ako na ang pabaya kong nanay? Anak ng!
Pumunta ako sa isa sa mga kiosk ng mall para bumili ng fruit shake.
"Ano gusto mong shake, bata?"
"Strawberry."
"Okay. Isang strawberry at isang melon shake po." Sabi ko sa miss na nagbabantay ng kiosk. Pagkatapos ay pumunta kami sa mga bench sa second floor. Walang masyadong tao at tahimik dito kaya malaya kaming magkwentuhan.
"Masarap ba?" Tanong ko sa kaniya. Tumango lang siya.
"Magkwento ka." Sabi niya pagkatapos ng ilang minutong katahimikan. "Tungkol sa buhay mo." Nagtitigan kaming dalawa at nakikita ko sa kaniyang mga mata na handa siyang makinig sa kwento ko. Huminga ako ng malalim at pinagmasdan ang mga ulap sa langit bago nagsalita.
"Broken family kami," panimula ko. "Hindi si mama ang piniling pakasalan ni papa pero nabuo na nila ako bago nakabuo si papa sa ibang babae."
"Pangarap ni mama na maikasal sa isang malaking simbahan, kung saan mafi-feel niyang siya ay isang prinsesa na maglalakad papunta sa altar at ang prinsipe niya ang maghihintay sa kaniya sa dulo."
Uminom muli ako ng melon shake at nagpatuloy, "Ngunit, delivery room ang takbo niya para iluwal ako, mag-isa. Walang kasama. Ang nurse ang umaakay sa kaniya palakad sa gitna ng pasilyo at doktor ang naghihintay sa kaniya sa dulo."
"Ang nasa simbahan, ibang babae ang nakasuot ng puting gown at si papa ang naghihintay sa kaniya sa altar." Inilapag ko na ang shake kong ubos na saka pinunasan ang basa kong mga palad, "Naging mabait ang tadhana sa amin sa una, ang prinsipe ng iba ay nanatiling prinsipe ni mama. Magkasama kaming tatlo kahit alam naming uuwi at uuwi parin si papa sa kaniyang totoong prinsesa. Mahirap din lalo na't sikreto lang ang aming pagsasama bilang isang pamilya."
"Pero hindi lahat ay nagtatagal, natigil ang pagpunta ni papa nang tumakbo siyang mayor ng siyudad. Tanggap na namin ni mama yun."
"Naging pasaway ako. Yun na din siguro ang dahilan kung bakit nagkaroon ng sakit sa pag iisip si mama. Dahil lagi niya akong pinapangaralan at sinasabing maging masunurin akong anak pero naging swa-il ako. Naging pangit ang ugali ko." Naalala ko nung lagi niyang hinahanap ang anak niyang lalaki dahil yung anak niyang yun ay masunurin, mabait at hindi siya sinisigawan.
"Ikaw ang tinutukoy niya."
Nilingon ko siya, "Huh?"
"Ikaw ang tinutukoy niyang masunurin, mabait at hindi siya sinisigawan."
"Huh?" Tumingin ako sa malayo at nag isip. Hindi ko naman sinabi yun ng malakas ha? Nasa isip lang yun, diba?
"Ikaw ang tinutukoy niya, dahil ganun ka pinalaki, isang mabait na bata," inilapag na din niya ang naubos niyang shake sa tabi nya. "At dahil naging pangit ang ugali mo pagkatapos kayo iwan ng papa mo, hinahanap niya yung anak niyang lalaki, which is yung dating ikaw."
BINABASA MO ANG
Anak Ka ng Tatay Mo #ASAward2018 #TOA2018
RomanceSi Maurize Alcante, isang independent socialite na walang inaatupag kundi ang magparty. Suki ng clubs at bars iyan. Hanggang dumating ang isang batang anak 'raw' niya, at binigyan siya ng misyon na hanapin at piliin ang lalaking mapapakasalan niya n...