KANINA PA kumakalam ang sikmura ni Jashael at hindi na tumatalab sa gutom niya ang mga sandwich, biscuits o junkfoods na baon niya, kailangan na niyang kumain ng matinong lunch bago pa siya mahimatay dahil sa gutom. Pasado ala-una na rin ng hapon. Kanina pa sila naglalakad ni Radius at mukhang malayo-malayo pa ang tatahakin nilang daan.
"Wala bang fastfood na malapit dito?" tanong niya sa lalaki.
Bumaling ito sa kanya at umiling. "May thirty minutes pa bago makarating sa sitio Don Juan." Imporma nito. "Sinabi ko na sa 'yong sa sasakyan ka na lang, e."
"Hindi naman ako sumusuko, ah, nagugutom lang talaga ako." aniya. Saka na siya nagpatiuna sa paglalakad. Saglit din silang nagpahinga sa lilim ng mga punong nadaraanan nila bago uli sila nagpapatuloy sa paglalakad at mahigit isang oras na ang nakakaraan pero wala pa rin 'yong bus na sinakyan nila kanina. "Mukhang malaki ang sira no'ng bus."
"Baka bukas pa 'yon magawa dahil malaki ang sira sa makina at baka tumawag na lang sila ng rescue." Ani Radius.
"Paano mo nalaman?" tanong niya.
"Dahil sa maitim na usok na mula sa likod ng sasakyan kanina at hindi 'yon dahil sa tambutso."
"Wow! At napansin mo pa talaga 'yon, ah! Amazing!" napapalakpak na sabi niya. Nakita niya itong tipid na ngumiti. "Yay! Ngumiti ka!" nakangiting sabi niya, sa ilang oras niyang kasama ito ay ngayon lang niya ito nakitang ngumiti. Hindi nito pinansin ang sinabi niya. "College student ka na ba? Saan ka nag-aaral?"
"Nagtapos ako sa two year course na Electromechanics Technology sa isang public University sa Makati, working student ako." Anito.
Tumango-tango naman siya. Kaya pala parang may alam ito kanina. "Marunong ka din bang mag-ayos ng sirang fuse? Eh, 'yong bus kanina kaya mo bang ayusin?" tanong niya.
"Pero mahihirapan lang ayusin ang bus lalo na kung kulang sila sa mga kagamitan saka malaki na ang sira n'on kaya mas magandang bumili na lang ng bagong makina." Sagot nito.
"Wow! Kapag hindi naipaayos ng tita ko 'yong fuse sa videoshop, puwede bang ikaw na lang ang mag-ayos? Sinusubukan ko din namang ayusin 'yon at nakaka-tsamba ako pero bumabalik pa rin sa pagkasira."
"Bakit hindi kayo tumawag ng tagaayos?"
"Nakakalimutan ni tita." Naiiling na sabi niya. "Pero kung gusto mo lang namang bumisita sa Amy's videoshop sa Makati at ayusin ang fuse namin doon, malaking tulong 'yon para sa amin, medyo malapit kami sa Mall." Hindi na ito umimik. "Nagmamadali ka yatang makarating agad sa Don Juan,"
"Dahil bawat segundong tumatakbo ay mahalaga."
Tumango-tango naman siya at sumabay na lang sa paglalakad nito hanggang sa maramdaman niya ang paunti-unting pag-ambon hanggang sa papalakas na 'yon nang papalakas. Mabilis silang naghanap nang masisilungan dahil pareho silang walang dalang panangga sa ulan, hindi kasi niya gustong nagdadala ng payong. Sa isang maliit at sira-sirang kubo sila sumilong, salamat sa malaking puno na katabi n'yon dahil nasisilungan sila.
"Ang suwerte naman natin dahil naabutan tayo ng ulan," naiiling na sabi niya saka niya mabilis na inilabas ang jacket niya at isinuot 'yon, lumalamig na kasi ang ihip ng hangin. "Gutom pa naman ako."
Nakatingala si Radius sa madilim na kalangitan. "Mukhang aabutin ng dalawa hanggang tatlong oras ang malakas na pag-ulan."
"Kalkulado mo?" amazed na sabi niya.
BINABASA MO ANG
Region of the Wolves (COMPLETED)
WerewolfNaging magkaibigan sina ni Jashael at Radius hanggang sa natuklasan niya ang umuusbong niyang damdamin para sa guwapong binata ngunit hindi niya 'yon maaaring pagtuunan ng pansin dahil may misyon pa siyang kailangang gawin para sa kanyang ina. #Got...