Napakunot-noo naman siya. Ano ang kinalaman ng kabilugan ng buwan sa pagiging matakaw sa karne ni Radius? Tinaasan siya ng balahibo nang bumaling ang mga kalalakihan sa kanya dahil hindi sumagot ang binata sa mga ito, ramdam din niyang halos lahat ng mga naroon ay nakatitig sa kanya at natatakot siya sa pagkislap ng mata ng mga ito. Napailing siya ng lihim, ano ba itong nararamdaman niya? Hindi ito oras para matakot dahil malapit na sa mga kamay niya ang tagumpay.
Inabala na lang niya ang sarili sa kinakain kaya nagulat siya nang biglang mag-ring ang kanyang phone, pati si Radius at iba pang naroon ay nagulat dahil sa ringtone niya. Humingi siya ng sorry sa mga ito bago nag-excuse para lumabas at sagutin ang tawag. Ang tita Amy niya ang tumatawag na kinukumusta siya.
"Huwag kayong mag-alala tita, maayos naman po ako dito, saka may kasama po akong bagong mabait na kaibigan." Aniya para hindi mag-alala ito sa kanya.
"Mag-iingat ka d'yan, Jash, wala ako d'yan para ipagtanggol ka." Narinig niyang sabi ni Quinn na kasama ng tita niya sa kabilang linya.
Hindi tuloy niya napigilang matawa at mapailing. "Buti na lang at wala ka dito Quinn, kung hindi baka umuwi ka na agad sa takot." Natatawang sabi niya. Saglit pa silang nagka-kumustahan bago tinapos ang tawag at muling pumasok sa loob ng resto at bumalik sa kanilang mesa para ubusin ang pagkain, ang binata ang nagbayad ng kinain nila bago sila nagpasyang umalis.
"So, gaya nga nang sinabi ko, kanya-kanya na tayo ng lakad, kaya pumunta ka na sa pupuntahan mo at ako naman sa pupuntahan ko." Nakangiting sabi niya. "Maraming salamat sa pagkain at sa pagsasabay sa akin, Radius, mauuna na ako." aniya.
"S-Sandali!" mabilis nitong nahagip ang kanyang kamay at animo'y nakuryente siya sa lakas ng epekto n'yon sa kanya kaya mabilis niyang inagaw ang kamay sa lalaki. "M-Mapanganib ang gagawin mo, maghintay ka nang makakasama."
Umiling-iling siya sa lalaki. "I can handle this, you don't need to worry. And please, huwag mo na akong pigilan dahil hindi rin ako magpapapigil." Aniya.
Saka siya naunang naglakad para hanapin ang sinadyang lalaki, siguro ay magtatanong-tanong na lang siya sa mga tao sa nakakakilala kay Martin. Ngunit hindi niya alam kung tama ba siya nang naging desisyon na humiwalay sa lalaki dahil tumataas ang mga balahibo niya habang naglalakad. Totoo nga kayang ang lugar na ito ay pinamamahayan ng mga mababangis na lobo? Okay lang namang pamahayan ng lobo basta huwag lang mananakit.
Nakapasok na siya sa kagubatan sa lugar ng Don Juan, ang Forbidden forest—dahil ayon sa napagtanungan niya kanina ay maaaring nasa dulo ng lugar na 'yon ang lalaking hinahanap niya—at naglalakad na siya noon sa may kadilimang parte ng lugar, mabuti na lang at may dala siyang flashlight, nang bigla siyang makarinig ng malakas na alulong, kaya pinangilabutan siya. Mukhang ramdam na niya ang nararamdaman ni Quinn kapag binibiro niya ito sa ringtone niya.
Mabilis niyang inilabas ang maliit na silver na punyal niya, sakaling may sumunggab sa kaya ay mabuti nang handa. Kinakabahan siya habang naglalakad at wala naman siyang makitang tao na maaaring pagtanungan, pasado alas sais pa lang naman no'n kaya hindi pa naman siguro tulog ang lahat ng mga taong tagaroon.
Mabilis siyang lumapit sa matandang lalaking no'n ay nag-iipon ng kahoy. "Ahm, excuse me po, puwede po ba akong magtanong sa inyo?" tanong niya sa lalaki.
Mabilis naman nitong itinigil ang ginagawa bago bumaling sa kanya. "Ano'ng kailangan mo?"
"May kilala po ba kayong Martin Dorshner? May nakakita daw pong kamukha niya dito po sa lugar n'yo." Aniya, saka mabilis ipinakita ang picture ng lalaki.
Saglit itong hindi nakaimik bago siya sinagot. "Ganitong-ganito ang mukha ng pinuno no'ng siya'y bata pa." sagot ng lalaki sa kanya, ngunit hindi niya nakuha ang ibig nitong sabihin. "Pero huwag mo na siyang hanapin pa dahil imposible mo siyang makita." anito.
BINABASA MO ANG
Region of the Wolves (COMPLETED)
Manusia SerigalaNaging magkaibigan sina ni Jashael at Radius hanggang sa natuklasan niya ang umuusbong niyang damdamin para sa guwapong binata ngunit hindi niya 'yon maaaring pagtuunan ng pansin dahil may misyon pa siyang kailangang gawin para sa kanyang ina. #Got...