Hindi na maigalaw ni Rhea ang kanang binti niya. Pakiramdam niya, kung anoman ang laman ng bayong ng matandang babaeng naka-daster na katabi niya ay permanente nang nakabaon sa kanang bahagi ng binti niya. Mahigit dalawang oras pa ang biyahe sa bus na walang aircon, at ilang beses na ring nakita ni Rhea ang missed calls ng kaniyang editor.
Nagmamadali, tulad ng inaasahan. Gusto ng magandang scoop pero nagmamadali. Akala mo nakakuha ng alilang superwoman. Ito lagi ang kumukrus sa isip ni Rhea tuwing inuutusan siya ni Boss Gus, na senior editor ng istasyong DBA-TBN.
Mula noong inilipat siya sa dibisyong may hawak ng mga dokyumentari, naging magulo at nakapapagod ang buhay niya. Walang weekend-weekend sa trabaho niya. Sideline din niya kasi ang pagiging researcher. Hindi lang siya junior writer, researcher din. Kung anoman ang available na sideline sa istasyon, dagdag pambara rin sa bituka. Ganoon talaga, pagpapaliwanag minsan ni Erwin, na kasama niya sa nightly beat.
Kung hindi ka marunong sumaydlayn, magugutom ka kahit gradweyt ka pa ng journalism. Sa tunay na buhay, maliit na salik lang ang diploma mo. Tinitingnan lagi ng mga senyor sa taas kung masipag ka, at kung marunong ka sumunod para makuha nila kailangan nila. Kung mabait ka at parating nakatingin sa baba, baka kaawaan ka't maging regular kaagad.
Kung hindi, gudlak na lang sa iyo. Maraming aplikanteng naghihintay sa trabahong sinusuka mo matapos ang ilang buwang pagpapantasya na bubuti naman siguro ang lagay mo't nagtatrabaho ka para sa pinakamalaking kumpanya ng brodkast at midya sa bansa.
Hindi pala. Hindi pala talaga sapat ang digring apat na taon mong binuno, na naging dahilan pa ng pagkakautang ng iyong magulang nang ilang beses, makapagtapos ka lang at makapagsuot ng mitikal na sablay ng UP.
Kaysarap ng pakiramdam noon ni Rhea, nang maisuot niya ang sablay na inorder isang buwan bago ang graduation rites. Nagkahalagang 700 pesos din ang hinabing sablay, na sinusuot ng mga gradweyt ng UP tuwing pagtatapos.
"President Potenciano, we present to you the three hundred and fifty graduates of the College of Mass Communication."
Mainit ang open grounds noon sa likod ng administration building. Tanaw pa si Oble, nakatalikod sa kanila at tila pinipigil pilit ang paglampas ng nakasusunog na init na araw.
Nakapapaso ang init sa araw ng pagtatapos. Ang may silong lang, ang mga may pinakamataas na Latin honors. Nakaupo sila sa stage, kasama ng mga dean at iba pang opisyal ng unibersidad. Ang ibang magtatapos, siyempre, sa baba lamang, magkakasamang nakaupo sa field. Ngunit hindi na naramdaman ni Rhea ang init noon. Inilaban niya ang pagtatapos na ito. Bagamat namumula na ang kaniyang natural na maputing kutis, hindi niya ininda ang init ng university graduation rites na nagsimula ng alas-diyes at natapos ay mag-aala una na.
Sumigaw bigla ang drayber ng kakarag-karag na bus.
"Kapit! Babangga tayo!"
Biglang bumali sa kanan ang bus na walang kaabog-abog. Tumama ito sa concrete barrier bago bumalandra at humiga sa tagiliran nito. Gumulong sa sahig ang napakaraming kamatis. Nagtambol sa bakal ng sahig ang dose-dosenang tali ng talong at okra. Tumugtog ang orkestra ng pagtili at sigawan ng mga pasahero.
Sa gawing likod, sumingaw ang laman ng isang malaking batya ng bagoong alamang. Kalahati natapon, malamang. Hindi inaasahan ng may-ari ng batya ang biglang pagbali ng drayber. Humampas ang ulo ni Rhea sa bakal na kapitan sa harap niya. Nahilo siya, at bigla na lamang madilim.
Liwanag. Maliwanag na malabo ang ilaw. Lalaki, liliit. Parang may tubig na humalo sa liwanag.
Madilim ulit.
"Miss? Miss? Okey ka lang ba?" May nagtatanong kay Rhea na mamang naka-asul na vest at dilaw na tshirt, pero hindi niya maunawaan ang sinasabi. May masakit sa katawan niya ngunit 'di niya masabi kung saan. Basta masakit. Masakit lahat? Maaari.
BINABASA MO ANG
PULSONG NAGWAWALA
General FictionMga kuwentong fantasya at fantastiko. ~ Cover: A Broken Man by jafooo (Deviantart)