"Kumusta naman ang pahinga mo mula sa byahe?" tanong ko sa bisitang pupungas-pungas pa mula sa mahaba-habang paglalayag. Isang maghapon ring natulog ang aking bisitang si Manolo, na kaibigan ko na mula noong grade two.
"Masyadong matagal. Nakakangawit. Mahirap pala'ng bumiyahe papunta dito. Nabigla ang katawan ko't 'di na sanay."
Hinaluan ko ng dalawang kutsarang asukal ang umuusok na kape. Pinanood ko ang paglusaw ng mainit na tubig sa mga granyulang matamis. Nilubog ko ang kutsara at binilang ang paghalo. Isa, dalawa, taktak. Isa, dalawa, isa pang taktak sa labi ng tasang itim. Kailangan lahat ng bagay ay nakasaayos. Sa ganitong paraan lang ako napapanatag sa mga bagay-bagay.
"Jerwin! Matagal pa ba yan? Halika na't magkape na tayo. Sabik na sabik na ako sa kape. Tsaka may biskwit ka ba dyan?"
"Sandali lang at kukuha ako."
Tinungo ko ang kusina at binuksan ang pridyider. Wala na pala ito halos laman bukod sa isang supot ng pan na medyo inaamag na. Mamerde-merde't maasim-asim na ang tinapay.
Pwede na siguro 'to. Magiging mapili pa ba, kaysa walang makain sa agahan. Paglingon ko, nakita ko ang aking bisitang si Manolo na inaamoy-amoy ang mga tasa ng kape. Talagang hindi na siya makapaghintay. Laging sabik sa inumin at pagkain ang aking mga bisita.
Naupo ako sa tapat ni Manolo. Suot pa rin niya ang kamisong puti at itim na pantalon na hiniram niya dati sa akin. Naalala ko tuloy noong binalita sa akin na naaksidente siya sa motorsiklo. Nasira naman noon ang hiniram niyang 501 na jeans. Hindi na ako nagalit at malubhang-malubha ang naging lagay niya. Parang kalabisan na, kahit sa parte ng nagpahiram, na singilin pa ang nasirang paris ng pantalon.
Nilagay ko sa tapat ni Manolo ang supot ng tinapay. Nanlaki ang mata niya at inamoy-amoy niya ang tinapay. Parang bata. Gusto siyang biruin na mukha siyang batang nabigyan ng regalong Pamasko. Pinagbukas ko siya ng botelya ng pan de coco at ipinagpahid ng palaman. Inilapit ko ang tinapay sa bibig niya at marahan siyang kumagat.
BUHEK! BUHEK! BUHEK!
Inihit ng matinding ubo ang aking bisita. May nalaglag sa sahig mula sa kanyang bibig. Isang ngipin.
"Kung sana'y may pustiso ako, masasabi kong 'Danao ireng letsugas na ipin na ire." Natawa kami pareho. Nahirapan siya lumulon ng tinapay kaya tinulungan ko pang uminom mula sa tasa. Halos di makita ang kape sa sobrang usok nito.Bagong kulo kasi. Kinilig si Manolo.
"Ah! Eto talaga hinahanap-hanap ko doon! Salamat ha, Jerwin?"
Tumango ako. Sa gilid ng aking mata'y nakita ko ang walang patid na paghahabulan ng mga kamay ng orasan. Gusto ko mang makasama nang mas matagal si Manolo, hindi pwede at kailangan na rin niyang umalis ulit mamaya.
"Manolo, kumusta sila mama at papa? Nakita mo ba sila doon?"
Nagliwanag ang mukha ni Manolo sa paraang kaya nito. Nang maaksidente kasi siya sa motorsiklo, nakaladkad siya't halos mabura ang kanyang bibig at pisngi.
"Oo, pare. Masaya naman sila doon. May maliit na bahay sila, laging nagkukuwentuhan. Madalas ko silang bisitahin kapag tapos na ang mga nakaatang saking mga gawain. Di naman mahirap trabaho ko doon, nasa parang kuwan, reception area ako. Ako ang gumagabay sa mga bagong salta. Pag marami sa isang bugso, tour guide na rin ako. Nakakayamot minsan pero okey na rin."
"Hindi ba nila ako nababanggit?"
Pinatag kong pilit ang boses ko't ayaw kong isipin niyang lumalambot na ako. Nang huli kaming magkausap ng aking mama at papa kasi, galit ako sa kanila. Galit pa rin naman ako, pero hindi ibig sabihi'y di ko gustong malaman ang kalagayan nila, lalo pa't nasa ibang bansa ako nang sila'y lumisan sa amin.
"Ang papa mo, makuwento. Si mama mo laging nag-aalala kung kumakain ka daw ba sa oras. Yun lang naman. Wala naman silang ibang nababanggit sa'kin."
Napanatag na ako sa wakas, at natahimik
at malapit na rin matapos ang aming oras na magkasama. Napakabilis. Parang masamang biro sa igsi, ngunit gano'n talaga, hindi lahat ng bagay ay posible.Kinuha ko ang medalyong luma mula sa bulsa ng aking pantalon. Antigong medalyon ito na niregalo pa sa akin ng isang puting mambabarang mula Alemanya.
Nakita ito ni Manolo at marahang tinanong:
"Oras na ba pare? Bat-si na ba ako?"
"Oo, e. Baka kasi mahirapan kang makabalik pag lumampas ka sa tinakdang oras."
"Sige kapatid, ayos lang. Nag-enjoy naman ako sa piging ng tinapay at kape. Dalawang taon na rin akong hindi kumakain e."
Binulungan ko ang Medalyon ni Auguer at pinatagos ang aking musmos na dasal sa pinunit na tela ng Sansinukob. Sumagot ang Hati na siyang naghihiwalay sa mundo ng mga buhay at ng mga pumanaw na. Nakiusap akong buuin muli ang siklo ng buhay at kunin ang kaibigang namatay na dalawang taon na ang nakalilipas. Inalay ko ang isang putol ng natitira ko pang buhay bilang kapalit ng aking panggagambala sa natural na ayos ng Sansinukob.
Kapalit ng pagkikita naming magkaibigan ay lima hanggang sampung taon ng aking buhay. Ayos lang, basta alam kong nasa maayos sila.
Uminit ang aking pakiramdam at nakita ko ang mga espiritung gumabay kay Manolo pabalik sa lupain ng mga buhay. Madilim lahat ng mukha't walang pagkakakilanlan. Maya-maya pa'y unti-unting nalusaw na rin ang mukha at katawan ni Manolo at naging kamukha na rin niya ang ibang kaluluwa. Hinipo niya ang aking mukha at alam kong masaya siyang babalik sa kabilang buhay.
Paalam, Manolo. Salamat sa pagbabalita.
BINABASA MO ANG
PULSONG NAGWAWALA
General FictionMga kuwentong fantasya at fantastiko. ~ Cover: A Broken Man by jafooo (Deviantart)